|
ANG KASAYSAYAN AT PAKIKIBAKA
NG MARALITA SA KALAKHANG
MAYNILA (1900-2000)
Ulat Nina
Dr. Edberto Villegas
Prof. Roland Simbulan
Prof. Doroteo Abaya
Mga Nilalaman
Pangkalahatang Pambungad: Ang Maralita sa Kalakhang Maynila
I. Ang Kasaysayan at Pakikibaka ng Uring
Manggagawa sa Kamaynilaan
II. Ang Maralitang Tagalunsod sa Kalakhang Maynila
III. Ang Kababaihan sa Lansangan: Ang Prostitusyon at
“Sex-Trafficking” sa Kalakhang Maynila
Pagsusuma at Konklusyon
ANG MARALITA SA KALAKHANG MAYNILA:
PANGKALAHATANG PAMBUNGAD
Ang Maralita sa Kalakhang Maynila:
Pangkalahatang Pambungad
Anakpawis. Mahirap.
Dukha. Pobre. Nagdidildil ng asin. Isang kahig, isang tuka. Maralita.
Marami tayong mga
salita at kataga para sa kahirapan dahil ito ang reyalidad para sa nakararaming mga Pilipino. Karamihan sa mga maralita sa Pilipinas ay nasa kanayunan, ngunit ipinapahiwatig
ng mga estadistika na ang bilang ng mga maralita lalo na sa Kalakhang Maynila ay mabilis na lumolobo. Ito ang dahilan kung bakit isinagawa namin ang pananaliksik na ito:
upang mabigyan ng tamang pansin ang kalagayan at kasaysayan sa pakikibaka para sa disenteng pamumuhay at kabuhayan ng maralita sa itinuturing na pangunahing sentro ng
urbanisasyon sa Pilipinas. Minarapat din naming ikawing ang pananaliksik na ito sa nakaraang sandaang taon mula 1898 hanggang 1998 bilang pagkilala sa sentenaryo ng
Pilipinas bilang isang bansa.
Ang aming pananaliksi, na
nararapat pang pag-ibayuhin ng mga darating pang pananaliksik ukol sa maralitang tagalunsod (urban poor studies), ay hinati sa tatlong mahahalagang bahagi:
1. Ang Kasaysayan at Pakikibaka
ng Uring Manggagawa sa Kamaynilaan, na itinalaga sa pamamahala ni Dr. Edberto Villegas;
2. Ang Maralitang Tagalunsod sa
Kalakhang Maynila: Ang Kanilang Pangkalahatang Kalagayan at Pakikibaka para sa Makataong Pamumuhay, na itinalaga sa pamamahala ni Prof. Roland Simbulan; at
3. Ang Kababaihan sa Lansangan:
Ang Prostitutsyon at “Sex Trafficking” sa Kalakhang Maynila, na itinalaga naman sa pamamahala ni Prof. Doroteo Abaya.
Bawat bahagi ay tumatalakay muna sa kalagayan ng partikular na maralita. Bumabalangkas din ito ng kanilang
kasaysayan bilang sektor sa Maynila gayundin ang kanilang mga kasaysayan sa pakikibaka para sa disenteng kabuhayan. Marami sa aming mga pinagsangguni sa pananaliksik ay
batay sa mga panayam sa mga kinauukulang sektor, gayundin sa mga dokumento at mga inilathala ukol sa paksang ito.
Matutunghayan sa mga
kalagayan ng mga manggagawa, maralitang tagalunsod at ng mga “kalapating mababa ang lipad” na iisa ang pinagmumulan ng kanilang mga suliranin: ang kawalan ng katatagan sa
hanapbuhay. Ang kalagayang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng di-matiwasay na pamumuhay. Marami na ring mga
pag-aaral at publikasyon ang naglayong ugatin ang dahilan ng kahirapan sa mga sentrong siyudad sa bansa. Ang ilan ay tumukoy sa malalaking populasyon bilang ugat. Ang iba
naman ay kultura ang sinisisi. Ang iba, ang di-mapigilang pagdagsa ng mga tao mula sa kanayunan patungong siyudad na siya namang dahilan kung bakit kulang na kulang ang
serbisyo-publiko. O di kaya ay sinisisi ang kanilang mga bisyo.
Ayon mismo sa datos mula sa
National Statistics Office (NSO), mahigit tatlong milyong Pilipino ang walang hanapbuhay sa pagbubukas ng panibagong milenyo. Ito ay katumbas ng 10.1% ng kabuuang bilang ng
lakas paggawa sa bansa. Bukod dito, mayroon ding 5.5 milyong manggagawa ang underemployed, o mga nagtatrabaho ng wala pang 40 oras bawat linggo. Ibig sabihin, halos siyam na
milyong Pilipino ang tagilid ang kabuhayan, at ang mga ito ang bumubuo ng maralita.
Lalong inaasahan na lalong
mababaon sa kanilang pagkalugmok ang mga maralita dahil sa neoliberal na mga patakarang ipinapatupad ng pamahalaan. Gayundin ang liberalisasyon, deregulasyon at
pribatisasyon na lalong nagpapahirap sa maraming Pilipino.
Kung tapat ang ating pamahalaan
na tuparin ang pagpapaunlad sa kabuhayan ng maraming Pilipino, lalo na ng maralita, dapat na isulong nito ang makabansa at makataong programang pang-ekonomiya. Dapat na
ipatigil ang pribatisasyon ng mga kompanyang pag-aari ng gobyerno at pataasin ang sahod ng ordinaryong manggagawa at mga empleyado ng gobyerno. At kasabay ng programa sa
seguridad sa pagkain, dapat tuparin ng pamahalaan ang matagal nang hinihintay na tunay na repormang agraryo sa kanayunan.
I. ANG KASAYSAYAN AT PAKIKIBAKA NG
URING MANGGAGAWA SA KAMAYNILAAN
Paunang Salita
Ang bahaging ito ay
maglalahad ng kasaysayan at pakikibaka ng Manggagawa bilang bahagi ng mga batayang uri sa Kamaynilaan. Sa seryeng ito, ang paksa ay ang uring manggagawa sa Kamaynilaan.
Mabibilang sa daliri ang
pag-aaral na nalathala ng Pamantasan ng Pilipinas at maski ng ibang institusyon tungkol sa uring manggagawa. Ang karamihan na pag-aaral tungkol sa mga batayang uri ng
lipunan ay nakakonsentra sa mga maralitang tagalunsod. Inaasahan na ang akdang ito ay makakabaling ng atensyon sa ating mga iskolar at istoryador sa kalagayan ng uring
manggagawa sa ating lipunan. Isa ding layunin ng pananaliksik na ito ay ang mabigyan ng perspektibang pangnasyonal ang kasaysayan at pakikibaka ng uring manggagawa sa
Kamaynilaan.
Sunod sa mga magsasaka, ang
mga manggagawa sa industriya at serbisyo ay bumubuo ng pinakamaraming uri sa Pilipinas at ang bulto nila ay nasa Kamaynilaan. Sila ang pundasyon ng pinakaabanteng puwersa
ng produksyon sa bansa, kaya nararapat lamang na maunawaan ng sambayanan ang kanilang suliranin at adhikain. Sa layuning ito, isinusulong ng Manila Studies Program sa
pamamagitan ng pag-aaral tungkol sa mga batayang uri, ang katapatan ng ating mga mananaliksik istoryador.
Panahon ng 1800
Noong pangalawang bahagi ng
1800 naging aktibo ang mga dayuhang Ingles at Amerikano sa Kamaynilaan sa pangangalakal para sa eksport. Mula noong 1821 nang pinaluwagan ng mga Kastila ang pagpasok ng
ibang dayuhan sa pangangalakal sa Pilipinas at dahil sa pagbukas ng Suez Canal noong 1869 na pinaiksi ang ruta mula sa Kanluran tungo sa malayong Silangan, nagtayo ang mga
taga-Kanluran, lalo na ang mga Ingles at Amerikano, ng mga bahay kalakalan (trade houses) sa Maynila. Lalong umigting ang posisyon ng Maynila bilang sentro ng negosyo sa
Pilipinas. Umabot sa 2/3 ng mga manggagawa noong pangalawang bahagi ng 1800 ang nasa Maynila at mga karatig pook nito, kagaya ng Cavite. Sa 2,184 establisimyento ng inulat
noong 1902, 876 ay nasa Maynila.1
Ang nangunguhang industriya, kung saan may pinakamaraming manggagawa, ay mga pagawaan ng tabako at sigarilyo, na ang malaking bahagi ay pang-eksport. Ang isang malaking
pagawaan ay ang San Miguel Brewery na itinatag noong 1887 sa Maynila at siyang tanging nagmamanupaktura ng serbesa na may 250 manggagawa.
Ang Mga Gremios
at ang Rebolusyon ng 1896
Dahil sa
kahirapan ng uring manggagawa at dahil pinagbabawal silang humingi ng pagtaas ng sahod ng isang batas ng mga Kastila, ang Artikulo 543 ng Koda Penal, ang mga manggagawa ay
nagtayo ng mga tinatawag na gremios, samahang tulong-tulungan para sa mga nagigipit sa kanila sa kabuhayan. Halimbawa, kung biglang may namatay na kamag-anak ang
isang manggagawa ay maaaring lumapit siya sa kanyang gremio upang humingi ng abuloy. Mula sa mga gremio sa Maynila, nakaorganisa sina Andres Bonifacio at mga
kasamahan niya sa Katipunan ng mga bagong kasapi para sa rebolusyon. Kailangang malaman na si Bonifacio ay galing sa uring manggagawa, isang bodegero sa warehouse ng
Fletcher & Co., kumpanyang pag-aari ng mga Amerikano sa Tundo.
Ang mga balangay na binuo ng
Katipunan ay aktibong kumikilos sa mga pagawaan sa Maynila. Ang isang halimbawa nito ay ang balangay “Mahigante” sa Tundo na lihim na kumikilos sa “Diario de Manila”, isang
palimbagan, kung saan lahat ng manggagawa ay kasapi ng balangay na nabanggit, maliban sa isang katiwala ng Kastilang may-ari ng palimbagan. May dalawang manggagawa sa
“Diario de Manila,” sina Aguedo del Rosario at Apolonio de la Cruz, na nagpupuslit ng mga tipo ng palimbagan para sa dyaryo ng Katipunan, ang Kalayaan.2
Dalawa naman migranteng manggagawa (mga overseas contract workers ang tawag natin ngayon sa kanila) mula sa Australia ang nag-ambag ng isang imprenta para sa Katipunan.
Salaysay ni Dr. Pio Valenzuela:
“Ang imprenta
ng Katipunan ay iniambag ng dalawang Pilipino mula Kalibo, sina Francisco del Castillo at Candido Iban, na parehong maninisid na nagtrabaho nang ilang taon sa Australia, at
sumapi sa Katipunan nang makabalik sa Pilipinas noong 1895, kabilang ang ilan pang mga kasama na ang mga pangalan ay hindi ko na ngayon matandaan. Bilang mga kasapi ng
Katipunan, nang malaman nila na ang samahan ay nangangailangan ng palimbagan, personal at boluntaryong bumili si del Castillo ng isang imprenta mula kay Antonio Salazar ng
“El Cisno” sa daang Carriedo. Iniambag niya ang imprenta sa Katipunan, at inilipat sa bahay ni Bonifacio sa daang Zurbaran. Napakadakila marahil ng pagkamakabayan sina del
Castillo at Iban na nag-ambag sila ng P400 na pambili ng imprenta, gayong sila ay mga maninisid lamang at hindi mayayaman, na mayroon lamang, ayon kay Bonifacio, ng kabuuang
P1,000 na pinagkunan ng P400. Ang dalawa ay bumalik sa Kalibo sa natirang P600, at bilang mga kasapi ng Katipunan ay nagtrabaho at tumulong sa rebolusyon hanggang mapatay
ng mga Kastila.”3
Nang sumiklab ang
rebolusyon ng 1896, maraming manggagawa sa Maynila ang napasabak sa labanan. Sa katunayan, ang mga unang binaril ng mga Kastila sa Luneta sa paratang sila’y mga kasapi ng
Katipunan ay mga manggagawa mula sa Mandaluyong. Ang Mandaluyong ay ang lugar kung saan may pinakamaraming balangay ng mga Katipunero.
Ang grupong binaril ng mga Kastila sa Luneta ay pinamumunuan ni Sancho Valenzuela, isang mason.4
Masasabi na noong panahon ng rebolusyon ng 1896, nagpapasimula mabuo sa kamalayan ng mga manggagawa sa Maynila na sila ay isang pinagsamantalahang uri sa lipunan at
kailangan sama-samang kumilos kasabay ng ibang mamamayang api. Si Bonifacio ay isang masugid na mag-aaral ng kasaysayan ng rebolusyong sa Pransiya noong 1789 at maaaring
natunghayan niya ang partisipasyon ng uring manggagawa sa himagsikang ito, ang pagsalakay ng mga sans cullote (walang kuwelyo) sa Bastille noong ika-14 ng Hulyo 1789
at ang mga itinayong radikal na organisasyon mula sa uring manggagawa sa Paris, ang Montagnards at Droit de Hommes (Kalayaan ng mga Tao).
Ngunit
ang kamalayang anak-pawis na dala nina Bonifacio at Emilio Jacinto ay mula sa teorya ng karapatan ng mga tao na hubog ng mga peti-burgis na manunulat bago at pagkatapos
sumapit ang rebolusyong Pranses, mga teorya nina Jean Jacques Rousseau at Jean Paul Marat. Ang karapatang ipinaglalaban ng mga uring peti-burgis at burgis ay mga karapatang
pulitikal at kultural sa pagpapalakad ng pamahalaan at paghubog ng edukasyon ng mga mamamayan.
Napasanib ang uring manggagawa sa mga ganitong adhikain sa akala nilang mapapahusay din ang kanilang kalagayang pangkabuhayan. Ngunit nang matapos ang rebolusyong Pranses,
ang mga burgis at peti-burgis ang bagong namuno sa pulitika at ang pangakong inaasahan hinggil sa karapatang pulitikal at ekonomikal ng uring manggagawa at ibang batayang
uri ay di natupad. Dahil di pa gaanong nasusuri ng mga istoryador ang mga ganitong kinasapitan ng rebolusyon Pranses sa kapanahunan ni Bonifacio, ang napulot ng Supremo ng
Katipunan at ni Jacinto (ang itinuring na “utak ng Katipunan”) ay mga ideya ng mga peti-burgis ukol sa karapatan ng tao at kalayaan.
Kaya,
madaling nagtiwala si Bonifacio sa mga peti-burgis na humantong sa kanyang kamatayan noong ika-10 ng Mayo 1897 sa kamay na mayamang maylupa na si Emilio Aguinaldo.
Pagdating ng mga
Amerikano, 1898
Nang masupil ang
rebolusyong Pilipino ng mga puwersang Amerikano dala ng katangahan ni Aguinaldo na nagtiwala sa mga imperyalistang dayuhan na nangako na tutulungan at di kukubkubin ang
Pilipinas, agad siniil ng kolonyalistang pamahalaan na itinatag ng bagong mananakop ang sumisibol na kilusang manggagawa sa Maynila. Hindi pinawalang-bisa ng mga Amerikano
ang batas ng mga Kastila na nagbabawal sa paghingi ng taas ng sahod ng uring manggagawa. Si Isabelo de los Reyes at Dominador Gomez ay binilanggo noong 1902 at 1903,
magkasunod, dahil namuno sila ng mga welga sa Maynila at humihingi ng dagdag na sahod. Ang pinamunuan ng dalawang lider-obrero na ito ay ang Union Obrero Democratico
Filipinas (UOD) na binuo ng mga unyon mula sa pabrika ng sigarilyo at tabako ng Maynila. Ang UOD, pagkatapos supilin ng pamahalaang Amerikano, ay inorganisa muli sa
Union Obrero Democratico de Filipinas (UODF). May 150 unyon, mga dating gremios, ang sumanib sa UODF at
nakamobilisa ito ng 100,000 sa isang malaking demonstrasyon sa harap ng Malacañang noong ika-1 ng Mayo 1903.5
Ang Kalagayan ng Uring
Manggagawa sa Maynila sa Ilalim ng Kolonyalistang Pamahalaan ng mga Amerikano
Sapagkat walang batas sa
haba ng oras paggawa, ang panahon ng pagtratrabaho ay umaabot mula 9 hanggang 12 na oras bawat araw sa mga pagawaan sa Maynila. Ang gastos para mabuhay sa isang araw ang
karaniwang manggagawa noong 1905 ay tumaas nang husto dahil sa digmaang Pilipino-Amerikano na nagdulot ng pagbaba ng halaga ng pilak na ginagamit bilang pera sa Pilipinas.
Ang isang lider manggagawa noong panahon na iyun ay nagsabing:
“Noong panahon
ng mga Kastila nang ang mga manggagawa ay tumatanggap ng 20 sentimos bawat araw, ang bigas ay naghahalaga ng 12 sentimos bawat ganta; ngayon na may bigas, kailangan gumastos
ka ng 40 sentimos para sa isang ganta. Dati ang karaniwang isda ay naghahalaga ng 2 para sa isang sentimo lamang, ngayon kailangan bilhin mo ito ng 4 sentimos bawat isa.
Dati-rati’y maaari kang makabili ng pang itaas at pantalon sa halagang 30 o 40 sentimos, ngayon ang pinakamurang Amerikana ay $2.50 hanggang $8; kailangan ngayon gumastos
ang mga manggagawa ng $50 hanggang $70 buwan-buwan at sa halip na tumira sa sariling bahay sila ay nagsasamahan na sa isang bahay.”6
Para maunawaan kung gaano kakapos ang mga manggagawa sa Maynila,
kailangang ihambing ang gastos para mabuhay sa isang araw ang nabanggit ng lider-obrero sa itaas ng karaniwang pang-araw-araw na sahod noong 1902, sa ilang piling trabaho sa
Maynila:
Talaan 1. Haba ng Trabaho at Sahod sa Isang Araw sa Maynila (1905)
|
Trabaho |
Haba ng Trabaho (Oras) |
Sahod sa US $ |
|
Pinakamababa |
Pinakamataas |
|
Blacksmith |
9 ½ |
$0.53 |
$1.47 |
|
Boiler Maker |
9 ½ |
0.88 |
1.47 |
|
Carpenter |
9 ½ |
0.84 |
1.58 |
|
Laborer |
9 ½ |
0.35 |
0.42 |
|
Machinist |
9 ½ |
0.50 |
1.37 |
|
Molder |
9 ½ |
0.64 |
1.68 |
|
Pattern Maker |
9 ½ |
0.95 |
1.05 |
Pinagkuhanan ng Datos: Clark, Victor Selden. Labor Conditions in the
Philippines. Bulletin of the Bureau of Labor, Washington Government Printing Office, US, 1905, p. 820.
Ang karaniwang manggagawa sa Maynila ay nakatira sa slum areas na ang
kapaligiran ay nakakasira ng kalusugan. Pagkatapos ng isang survey sa slum areas sa Kamaynilaan noong 1940, sinabi ng ispiker ng National Assembly na si Yulo, isang malaking
hasendero, na:
“Ang mga taong nakita ko na nakatira sa slum areas
ay nabubuhay nang mas masahol pa sa mga hayop. Ang hinihinga nilang hangin ay napakabaho, at anumang ispasyo na itinuturing nilang parke ay ginagamit din dumihan nila kung
saan naglalaro ang mga bata dahil walang ibang playground.”7
Sa isang sarbey namang ginawa sa 3,600 pamilya sa Tundo, kung saan
pinakamaraming manggagawa sa Maynila ang nakatira, natuklasan na higit pa sa kalahati ang “nakatira sa masisikip na bahay at maruming kapaligiran” at “may 34% ng mga bata ay
namamatay bago pa makarating ng gulang upang mag-aral.”8
Ang Katipunang ng mga Anak Pawis
Noong ika-5 ng Mayo 1929, ang Katipunan ng mga Anak Pawis
(KAP) ay natatag sa Maynila. Ang mga nagpasimula nito ay galing sa pederasyon ng Congreso Obrero de Filipinas (COF) na binuo noong ika-1 ng Mayo 1913, pagkabuwag ng
UODF. Dahil nais ng liderato ng COF na makipagsabwatan sa pamahalaan kolonyal ng mga Amerikano at umalis sa pakikipag-alyansa sa mga itinuturing nilang mga kaliwang
organisasyon, nag-walkout ang ilang delegado sa pamumuno ni Crisanto Evangelista sa kombensyon ng COF noong Mayo 1929. Mula sa mga nag-walkout na ito, naghubog ang KAP na
siya naman ang nagtuklas sa pagbubuo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930 sa Tundo, Maynila.
Bagaman may naitatag na Partido Obrero noong 1922 na nagbabandila
ng partisipasyon ng uring manggagawa sa pulitika at ang mabigyan ng ganap na kalayaan ang Pilipinas, di malinaw ang kaibahan ng ideolohiya nito tungkol sa pagbabago ng
lipunan sa ideolohiya na dinadala ng mga partido ng mga peti-burgis.9
Ito ang dahilan kaya itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas upang isulong ang prinsipyong tunggalian ng mga uri at ng sosyalismo.
Ang KAP ay nagpalabas ng mga publikasyon--ang Tinig Manggagawa,
Bisig at Lagablab--at nakipag-ugnayan sa Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas. Ang programa ng KAP ay makibaka para sa ganap na
kalayaan ng Pilipinas, agawin ang pamumuno tungkol dito sa kamay ng mga partido ng mga burgis at peti-burgis, mag-organisa ng di-organisadong mga manggagawa at hikayatin ang
mga organisadong manggagawa mula sa kontrol ng mga kanang liderato. Nang dumating ang ika-1 ng Mayo 1930, umabot na ang kasapian ng KAP sa 45,000.
Ang ilang unyon na sumapi sa KAP ay mula sa Philippine Long Distance
Telephone Co., ang International Harvester McCormick Co. (isang kumpanyang nagbebenta ng mga makina para sa sakahan), ang Manila Rope Co., ang Franklin Baker Co. (isang
kumpanya ng langis mula sa niyog na nakabase sa San Pablo, Laguna) at ang Union de Obreros Estivadores de Filipinas (UOEF), ang unyon ng mga kargadores at bodegeros
sa mga daungan ng mga barko.10
Ang Malaking Welga ng mga Manggagawa sa Tabako noong 1934
Ang lumalalang kahirapan ng uring manggagawa sa Maynila noong
dekada 1930 ay sumiklab sa malaking welgang nilunsad ng mga manggagawa ng tabako sa pamumuno ng KAP noong 1934. Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at
pagbaba ng produksyon ng mga sigarilyo na siyang naging pangunahing negosyo sa Maynila, ang kalagayan ng mga manggagawa sa mga pabrika ng tabako at sigarilyo ay sumama nang
sumama. Ang pagbaba ng produksyon ng mga sigarilyo sa Maynila ay dala ng lumalaking importasyon ng mga sigarilyo mula sa Amerika.
Ang tunay na halaga ng sahod na di tumataas ay patuloy na bumababa pa. Ang mas masama ay ang mga may-ari ng
mga pabrika ng tabako at sigarilyo, mga Amerikano, Kastila at Intsik, ay nagpapataw ng pagbawas ng sahod sa kanilang mga manggagawa.
Ang malaking welga ng mga manggagawa sa tabako sa
Maynila ay nag-umpisa noong kalagitnaan ng Agosto 1934 sa Alhambra Cigar Factory sa Tundo at kumalat na parang apoy sa apat na malalaking pabrika. Di nagtagal, 11,500
manggagawa sa pabrika ng mga tabako ang sumali sa welga at napasara nila ang 19 na kumpanya ng tabako at sigarilyo (29 na pabrika) sa loob ng anim na linggo. Ang mga
welgista ay nagmartsa sa iba’t-ibang pabrika at naghihikayat sa kapwa manggagawa na makisama sa welga. Karamihan ng pagkilos na naganap ay ispontanyo dahil mabilis ang takbo
ng mga pangyayari at naiiwanan ang mga tradisyunal na mga opisyal ng mga unyon.
Ang publiko ng Maynila dahil sa kahirapan ng buhay dulot ng
Great Depression ng kapitalismo noong 1929 ay nakisimpatiya sa welga at maraming mga rali ang naganap sa Botanical Garden sa Intramuros at iba’t-ibang plaza sa Maynila sa
loob ng isang buwan. Malawak ang suportang ipinakita sa pamamagitan ng mga donasyon at mga talumpati ng mga grupo mula sa mga magsasaka, mga marino, kargadores at iba pang
sektor. Ngunit ang welga ay di humantong sa welgang bayan. Nasupil ang welga sa ika-pitong linggo nito nang pagbawalan ang mga manggagawa sa La Minerva, isang pabrika ng
sigarilyo. Ilang manggagawa ang nasawi rito.11
Ang malaking welga ng mga manggagawa ng tabako at
sigarilyo sa Maynila noong 1934 ay nagpakita ng lumalawak na kamalayang maka-uri dahil marami sa hinihiling nila sa kanilang mga manipesto ay ang tuluyang pagbabago ng buong
lipunan upang magkaroon ng makatarungang pamamahagi ng kayamanan ang bayan. Ang pag-usbong nitong proleteryadong kamalayan ay dahil sa mga gawaing organisasyon ng mga unyon
sa Maynila na naimpluwensahan ng sosyalistang ideolohiya na dinadala ng mga miyembro ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga manggagawa sa loob ng mga pabrika.
Bagaman ang Partido Komunista ng Pilipinas ay ipinagbawal ng kolonyalistang pamahalaan ng mga Amerikano noong 1931 at inaresto ang mga lider nito, ang pagkakaisa ng
uring manggagawa upang labanan ang pagsasamantala ng mga kapitalista ay nagsimulang magkaugat nang malalim sa mga manggagawa sa Maynila.
Ang Congress of Labor Organizations
Pagkatapos ng Pangalawang Digmaan Pandaigdigan kung
saan maraming manggagawa ang sumanib sa puwersang gerilya ng Hukbong Pagpapalaya sa Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP o HUK), binuo ang Congress of Labor Organizations
(CLO) sa Maynila ng ilang unyon noong Hulyo 1945. Ang pagtatag ng CLO ay pinaghandaan ng Committee of Workers’
Organization na sumibol noong Abril-Mayo 1945 nang hindi pa nagwawakas ang paglaban sa mga tropa ng mga Hapon.
Pagkatapos ng gera, ang kalagayan ng mga manggagawa ay lalong sumama. Ang
mga presyo ng bilihin noong 1951 ay naging tatlong beses ng kanilang halaga bago magdigmaan. Dahil sa kahirapan ng mga manggagawa, nakamobilisa ang CLO sa mga welgang
nilunsad ng libo-libong sumali para sa pagtaas ng sahod, istriktong pagsunod sa walong oras ng pagtratrabaho sa isang araw at iba pang karapatan ng mga manggagawa. Mula
Hulyo 1945 hanggang 1946, ang CLO ay namuno ng 49 na welga na sinalihan ng 40,000 manggagawa. Marami sa mga welgang ito ay nagtagumpay. Dahil sa welga ng 5,000 manggagawa
ng Manila Railroad noong Enero 1946, isang Collective Bargaining Agreement (CBA) ang nakuha nila. Sa
pamamagitan ng CBA na ito, itinaas ang suweldo ng mga obrero 100%. Ang bilang ng miyembro ng mga unyon na sumanib sa CLO ay lumaki sa unang 10 buwan ng pagkatatag
nito--mula 16,000 hanggang 80,000. Sa bilang na ito, 35,000 ay nasa Maynila.12
Ang CLO ay sumanib sa Democratic Alliance (DA),
isang pambansang partidong pulitikal na nag-aadhika ng kalayaan at industrialisasyon ng bayan. Ang DA ay nagpatakbo ng pitong kandidato bilang kongresista; lahat ay nanalo
noong eleksyon ng 1946. Ngunit ang mga nanalong kandidatong ito ay pinatalsik sa kanilang panunungkulan sa sulso ng mga Amerikano sa pamahalaan ni Presidente Roxas.
Pinagbintangan sila ng pandaraya sa eleksyon subalit ang totoong dahilan ay ang kanilang pagtutol sa mga panukalang batas na Parity Rights at Military Bases
Agreement na ibinibigay sa mga Amerikano sa 1946 na konstitusyon. Hindi makuha ang ¾ na boto ng mga kongresita na kailangan para maaprubahan ang mga batas na nabanggit
dahil sa patutol ng pitong miyembro ng DA.
Sa pagtalsik ng pitong kongresita ng DA, ang mga
puwersang makabayan ay nawalan ng pag-asa sa bagong kakatatag na pamahalaang Roxas na inisponsor ng mga Amerikano. Sumiklab ang himagsikan sa kanayunan sa pamumuno ng HUK.
Bilang sagot ng pamahalaan ni Elpidio Quirino na pumalit kay Roxas (na namatay sa loob ng US Clark Air Base) ay ang malawakang pag-aaresto ng mga pinaghihinalaang subersibo
sa Maynila at sa probinsya. Noong Abril 1951, binansagan ang CLO bilang isang subersibong organisasyon at kinansela
ang rehistrasyon nito. Ang bilang ng mga unyong pinayagan ng pamahalaan ay bumaba sa 719 noong 1952 mula sa 1040 noong 1950.13
Mula sa Pagkalansag ng CLO Hanggang sa Kasalukuyan
Sa paglansag ng CLO, namayani ang mga tinatawag na dilawan na unyon at
pederasyon sa Maynila. Itinakda ang Republic Act 875 na nagpapatampok sa CBA at Compulsory Arbitration, pagrerehistro ng unyon at panunumpa ng mga opisyales nito na sila ay
hindi kasapi at hindi sasapi sa “mga subersibong organisasyon”. Naitayo ang mga dilawang unyon na suportado ng mga Amerikano, kagaya ng Philippine Trade Union Council at
ang Free Federation of Workers (FFW) na binuo sa tulong ng mga Kanong Jesuwitang pari.14
Ngunit sa gitna ng opensiba ng pamahalaan upang supilin ang
progresibong unyonismo, naitatag noong 1959 ang Katipunan ng Manggagawa Pilipino (KMP) sa pamumuno nina Cipriano Cid, Bert Olalia, Ignacio Lacsina at iba pang
manggagawa na ang karamihan ay galing sa binuwag na CLO. Binuo sa Maynila ang Lapiang Manggagawa (LM) noong 1962 na nagsisikap na palahukin ang uring manggagawa sa pulitika.
Panahon ni Marcos (1966-1986)
Sa pag-upo ni Ferdinand Marcos bilang presidente ng Pilipinas
noong 1966, masigasig na ipinatupad niya ang mga patakarang pabor sa mga kapitalista, sa partikular sa mga Amerikano, kagaya ng Investment Act of 1967 at Export Incentive
Act of 1970 at iba pang batas na binuksan ng lubusan ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagpasok ng dayuhang negosyo. Sa pagsasamantala ng mga kapitalistang korporasyon,
dumarami ang mga welgang nilulunsad ng mga manggagawa lalo na sa Maynila. Mula 527 noong 1965, umabot ang bilang ng mga welga sa 1043 noong 1972 bago ideklara ang batas
militar ni Marcos.15
Lumalaki rin ang mga rali at mga martsa ng bayan sa Maynila na
nagbigay ng pagkabahala sa mga dayuhang kapitalista. Kaya noong ika-21 ng Setyembre 1972, idineklara ni Marcos ang batas militar sa buong Pilipinas at pinalitan niya ang
konstitusyon para manatili siya sa kapangyarihan pagkatapos ng kanyang terma.
Bagaman nabulabog ang kilusang manggagawa sa pagdeklara ng batas militar
at pagbabawal ng welga sa pamamagitan ng batas General
Order No.5, daliang nakabangon muli ito sa pansamantalang pakagapi. Noong
1975, naglunsad ang mga manggagawa sa La Tondeña, isang pabrika ng alak sa Maynila, ng isang malaking welga na kumalat sa 30 pagawaan sa kalunsuran na may 40,000 manggagawa.
Nang sumapit ang Hunyo 1976, nadagdagan pa ito ng 15,000 manggagawa. Nang ginanap ang huwad na halalan ni Marcos noong 1978, sumiklab uli ang mga welga sa 12 na kumpanya sa
Maynila na sinalihan ng 16,000 na manggagawa at nagpasarado sa maraming otel, pagawaan ng damit, transportasyon at industriya ng kuryente.16
Aktibong namuno sa mga welgang ito ang itinatag na Bukluran ng Manggagawa Pilipino (BMP). Agad idineklara na subersibo ang BMP ng pamahalaang Marcos at
kinulong nito ang mga lider ng organisasyon.17
Hindi natinag ang uring manggagawa sa hagupit ng kaaway at noong
ika-1 ng Mayo 1980, itinatag ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Maynila. Samantala, upang palabasin na siya ay maka-manggagawa rin, inisponsor ni Marcos ang pagbuo ng
Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa pamumuno ni Democrito Mendoza at Ernesto Herrera. Ang dilawang unyon na ito ay itinapat sa KMU. Noong ika-13 ng
Agosto 1982, pagkatapos ng paglunsad ng malaking welga ng KMU sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ) sa Mariveles, Bataan, kung saan may 20,000 manggagawa ang nagpartisipa,
sinalakay ng militar sa Maynila ang mga opisina ng KMU, NAFLU at PANALO. Ang huling dalawang organisasyon ay mga kaalyadong pederasyon ng KMU at ibinilanggo ang mga lider
nito. Si Felixberto Olalia, pinuno ng KMU, ay namatay bunga ng pagkasakit na tinamo nang siya’y nasa bilangguan.18
Lalong umigting ang welga sa Kamaynilaan dahil sa matinding
krisis na bumalot sa Pilipinas sa pagtigil ng pautang ng mga Amerikano sa rehimen ni Marcos pagkatapos ng pagpaslang kay dating senador Benigno Aquino Jr. noong ika-21 ng
Agosto 1983. Ang halaga ng piso ay bumagsak mula 63 sentimo noong 1982 (1978=100) tungo sa 38 sentimo
noong 1984.19
Sa garapalang pandaraya ni Marcos sa eleksyon noong Pebrero 1986, nagbalak ang KMU na maglunsad ng welgang
bayan noong ika-25 ng Pebrero 1986, ngunit naunahan sila ng coup d’etat nina Secretary of Defense Juan Ponce Enrile at Gen. Fidel Ramos na naging diklap na
pinagsimulan na tinatawag na pag-aalsa ng taong bayan sa EDSA. Nagbitiw sa panunungkulan si Marcos sa presyur ng mga Amerikano na ginamit ang pangyayari sa EDSA bilang daan
upang tuluyang makontrol ang bagong pangulo ng Pilipinas na si Corazon Aquino.
Sa Rehimen ni Aquino (1986-1992)
Sa rehimen ni Aquino ay pinatuloy ang mga patakaran ng
napatalsik na diktador, kasama na ang mga mapaniil na batas sa paggawa, kagaya ng pagbabawal sa welga kung ito ay itinuturing na laban sa pambansang interes. Sa
Kamaynilaan, pinaslang ng militar noong Nobyembre ng 1986 ang bagong pangulo ng KMU na si Rolando Olalia. Sa susunod na taon, Enero 1987, minasaker ang 13 magsasaka at
manggagawa sa isang demonstrasyon sa harap ng Malacañang. Ang demonstrasyon ay para hilingin sa bagong pamahalaan ang paglunsad ng isang tunay na reporma sa lupa. Ang
pangkalahatang kalihim naman ng BAYAN na si Leandro Alejandro ay napatay noong Setyembre 1987.
Lumilinaw sa uring manggagawa na ang mga programa
para sa masa ni Aquino ay kasing peke ng kay Marcos. Dahil sa pahirap na idinulot ng pamahalaang Aquino, lalo na sa pahihintulot sa mga dayuhang korposasyon na pataasin ang
presyo ng langis, nanawagan ang KMU at mga militanteng grupo ng pangkalahatang welgang pang-industriya.
Nagsimulang gumulong sa Kamaynilaan ang panawagang welgang bayan noon Oktubre 1990. Umabot sa 790 empresa at 500,000 mamamayan ang aktibong lumahok sa welgang pumarilisa ng
maraming lungsod sa bansa. Ngunit di naparalisa ang lungsod ng Maynila, sapagkat natakot ang publiko na makisama sa welgang bayan dahil may ilang grupo, tulad ng Alex
Buncayao Brigade, ang nanunog ng mga bus sa lungsod. Nagdulot ang bus-burning ng malaking sagwil sa pagsulong ng militanteng kilusan ng manggagawa at sambayanan. Nagbunga
ito ng pagkakahiwalay ng kilusan ng masa at pagkatabon ng lehitimong isyu at kahilingan ng sambayanan. Nagkaroon ng lamat ang mga alyansa.
Nakilahok din ang mga manggagawa sa Maynila sa mga malalaking
rali na nilunsad sa ekstensyon ng tratado sa base militar na hinihiling ng mga Amerikano sa Pilipinas pagkatapos ng ika-21 ng Setyembre 1991. Samutsaring aktibidad ang
inihanda ng KMU kaugnay sa isyu. Nanawagan ito ng sustenido at malawakang kampanya upang itakwil ang bagong kasunduan sa base militar.20
Ang ekstensyon ng tratado ay di binigay ng Senado ng Pilipinas, dulot ng malawakang protesta ng bayan.
Sa Rehimen ni Ramos (1992-1998)
Sa kapanahunan ni Ramos, lalong nadadagan ang mga batas na
nakakapinsala sa kabuhayan ng uring manggagawa kagaya ng Herrera Law at Oil Deregulation Law. Pinawalang-bisa ng una ang National Minimum Wage at ipinaubaya
ang pagtatakda ng minimum na sahod sa mga tinatawag na regional wage boards sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Ang huling batas naman ay ibinigay sa mga kumpanya ng
langis na pag-aari ng mga dayuhan ng karapatang itaas ang presyo ng kanilang mga produkto nang walang kontrol ang pamahalaan. Sa naganap na sunud-sunod na pagtaas ng presyo
na langis pagkatapos maapruba ang Oil Deregulation Law, nagtaasan din ang presyo ng maraming karaniwang bilihin na nagpalala sa kahirapan ng uring manggagawa at ng ibang
sektor sa lipunan.
Dahil din sa patakarang kontraktuwalisasyon at downsizing na
inilunsad ng malalaking korporasyon, sa partikular mga pag-aari ng mga dayuhan, isang patakaran na kinunsenti ng pamahalaang Ramos, libu-libong manggagawa ang nawalan ng
trabaho o naging kaswal. Maraming welga ang naganap dahil sa kontraktuwalisasyon, kung saan ang pinakamalaki ay sa Nestle at Philippine Refining Company. Nang pumasok ang
pamahalaan ng populistang Joseph Estrada noong Hunyo 1998, lalong pinalawak ang mga pribilehiyo ng mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas.
II. KASALUKUYANG KALAGAYAN NG MGA
MANGGAGAWA SA KAMAYNILAAN
Kalagayang Ekonomikal ng Uring
Manggagawa sa Kamaynilaan
Sa datos ng National
Statistics Office (NSO, Oktubre 1996), naitalaga na may 6.3 milyung may edad na 15 taon-gulang pataas ang nasa Kamaynilaan, kung saan halos 4 na milyun lamang ang nasa
puwersa sa paggawa. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang may 1.7 milyong kababaihang nagtatrabaho sa National Capital Region. Bagaman 13% ng kabuuang may trabaho sa bansa
ay nasa Kamaynilaan, narito rin ang may 21% sa kabuuang walang trabaho sa Pilipinas.21
Sa bilang ng sahuran at
suwelduhang manggagawa na 13,565,000 sa buong Pilipinas noong Oktubre 1997, ang 2,690,000 o 19.8% ay nasa Kamaynilaan.22
Noong 1995, ang pinakamalaking bulto nito ay nakakonsentra sa Makati kung saan may 335,333 manggagawa, sinusundan ng Quezon City, 331,025; Manila, 189,529; Pasay, 127,229;
at ang natitirang bilang ay pinaghahatian ng mga lunsod at munisipalidad kagaya ng Pasig, Mandaluyong, Valenzuela, Taguig at iba pa (NSO Special Release, 1995).23
May 15% ng kabuuang bilang
ng mga establisimyento sa NCR ang nasa manupaktura. Ang karamihan ng mga ito ay umuupa lamang ng isa hanggang apat na manggagawa.
May 2.7% lamang ng mga empresa ang umuupa ng 200 manggagawa pataas. Sa mga establisimyentong nasa
industriya, may 95% ang nasa manupaktura. Ngunit ang bulto nito ay mga maliit na establisiyento (8,939) at nag-eempleyo ng isa hanggang apat na manggagawa (8,774). May 5.5%
lamang ang malalaki at katamtamang laki na empresa.24
Ang
karamihan sa mga empresa ay nakatuon sa mga gamit na pangkonsumo at hindi pa paggawa ng mga makinarya. Ang higit na marami ay ang grupo na nagmamanupaktura ng kasuotan, mga
produktong gawa sa katad (leather), sapatos at tela. Sumusunod ang grupo sa pagproseso ng pagkain. Pangatlo lamang ang grupo sa pagkukumpuni ng makina, pang-apat
ang mga pagawaan ng papel at mga produkto mula rito, at panglima ang grupo sa manupaktura ng plastik, goma, kemikal at produkto mula sa langis. Noong 1990, nilathala ng NSO
na may 99,556 o 25.5% sa 390,001 na establisimyento sa buong Pilipinas ang nasa NCR. At ito ay dumami sa 126,285
pagdating ng 1995.25
Talaan 2. Bilang ng mga manggagawa sa NCR sa mga pagawaang may 1- 4 manggagawa hanggang 2,000 lampas (sa Agrikultura,
Mining/Quarrying, Manupaktura, Electricity, Gas & Water, Construction, Wholesale/Retail, Transportation at Finance)*
LUGAR
|
BILANG NG MGA MANGGAGAWA |
Makati
|
335,333 |
|
Quezon City |
331,025 |
|
Manila |
189,529 |
|
Pasay City |
127,119 |
|
Pasig City |
110,852 |
|
Mandaluyong |
72,007 |
|
Valenzuela |
64,441 |
|
Taguig |
55,954 |
|
Kalookan |
57,667 |
|
Muntinlupa |
40,006 |
|
Marikina |
36,838 |
|
Las Piñas |
27,683 |
|
San Juan |
23,222 |
|
Navotas |
17,041 |
|
Pateros |
1,728 |
Kabuuang Bilang
|
1,490,555 |
NSO, 1995
Dahil napakababa ng
sahod ng mga manggagawa sa Kamaynilaan (P198 bawat araw batay sa minimum wage law noong 1998) kung ikukumpara sa P431 na kailangan araw-araw ng isang pamilyang Pilipino na
may anim ang bilang upang mabuhay,26
karamihan sa kanila ay naninirahan sa mga slum at squatter area.27
Ang mga lugar na ito ay kulang o walang pasilidad para sa mga batayang pangangailangan ng tao kagaya ng tubig, kuryente, mga klinik at playground para sa mga bata. Marumi
ang kapaligiran at ang masisikip na komunidad na ito ay nagiging pugad ng mga kriminal at drug addict. Nagsisiksikan sa mga komunidad na ito ang mga manggagawa sa pabrika,
serbisyo, kawani sa gobyerno, pati na ang mga mala-manggagawa kagaya ng mga dyipni drayber at weyter. Sa may 8 milyung populasyon sa Kamaynilaan, 3,487,909 ang mga
maralitang tagalunsod kung saan 1,987,066 ay mga iskwater. Pinakamaraming maralitang komunidad ang nasa Quezon City, susunod ay Manila at pangatlo ang Las Piñas.
Talaan 3. Mga Maralitang Komunidad sa Kalakhang Maynila Batay sa Siyudad/Munisipalidad (1993) *
SIYUDAD/MUNISIPALIDAD
|
BILANG NG MGA MARALITANG TAGALUNSOD |
|
Quezon City |
724 |
|
Kalookan |
50 |
|
Pasay City |
27 |
|
Manila |
195 |
|
Malabon |
21 |
|
Navotas |
10 |
|
Valenzuela |
62 |
|
Mandaluyong |
26 |
|
Marikina |
18 |
|
Pasig |
58 |
|
Las Piñas |
73 |
|
Muntinlupa |
64 |
|
Parañaque |
4 |
|
Pateros |
5 |
|
Taguig |
55 |
|
San Juan |
15 |
|
Makati |
10 |
Kabuuang Bilang
|
1,417 |
Halaw sa Ang Maralitang Tagalunsod
sa Kalakhang Maynila ni Roland G. Simbulan, Manila Studies Program Occasional Paper #7, Talaan 2, p.4.
Sa halip na pagandahin ang mga
maralitang komunidad at tulungan ang mga tao dito para magkatrabaho, ang kadalasa’y ginagawa ng pamahalaan ay idimolis ang mga squatter areas at itapon ang mga taong
nakatira dito sa mga malalayong lugar, kagaya ng sa Cavite, kung saan napapalayo ang mga itinapon sa kanilang pinagtatrabahuhan. Ang malimit na dahilan sa pagpapaalis sa
mga mahihirap ng mga taga-NCR sa kanilang mga tinitirahan ay upang pagandahin daw ang kalunsuran na pagtatayuan ng mga malls at gusali para sa mga kapitalista. Parang
basura na winawalis ang mga manggagawa at mala-manggagawa upang paalwanin ang buhay ng mga mataas na uri.
Kalagayang Pulitikal ng Uring Manggagawa sa Kamaynilaan
Sa hanay ng uring manggagawa,
may mga organisasyon na naniniwala na ang kaligtasan sa pagsasamantala ng mga kapitalista sa uri nila ay nasa kanilang sariling pagkilos at may mga umaasa naman sa
pamahalaan upang pahusayin ang kanilang kalagayan. Mayroon din nag-aasta na sila ay nasa gitna ng mga radikal na organisasyon ng manggagawa at mga konserbatibo. Malaki ang
impluwensiya ng mga reliyoso, sa partikular ang mga Jesuwita, sa huling tendensiyang nabanggit, kaya ang mga lider ng pangatlong pangkat na ito ay naniniwala rin sa mga
reporma ng batas ng estado.
Ang unang
tendensiya na ninirepresenta ng KMU ay may 200,000 kasapi sa buong kapuluan ay tinatangkilik ang ideolohiya ng sosyalismo na ipapalit sa kapitalismo, kung saan ang lipunan
na itatatag ay pamumunuan ng uring manggagawa na kaalyado ang ibang uring pinagsasamantalaan sa kasalukuyan. Ang pangalawang tendensiya at pinakamalaking organisasyon
(500,000 ang kasapi) ay ang TUCP na sumasang-ayon sa pakikipagtulungan sa mga kapitalista upang ayusin ang kahirapan ng uring manggagawa.28
Tinatangkilik nito ang tinatawag na “social accord” sa manedsment upang tulungan ang pamahalaang magkaroon ng “industrial peace” para sa malalaking negosyante sa Pilipinas,
partikular sa mga dayuhan.
Ang pangatlong
tendensiya na nirerepresenta ng FFW (may 40,000 kasapi) ay tinatawag ang sarili bilang mga “moderate” dahil iniiwasan nila ang pagamit ng welga para ipaglaban ang mga
karapatan ng uring manggagawa. Ngunit sa katunayan, ang estratehiya at taktika nila upang isulong ang kanilang kahilingan ay di naiiba sa TUCP, sapagkat sumasali din sila
sa mga “social accord pact” ng Employers’ Confederation of the Philippines, ang samahan ng mga negosyante sa Pilipinas.
|