Propesor sa
Development Studies at Public Management
at Faculty
Regent, University of the Philippines
(Isang Lektyur at pagtalakay sa Claro M. Recto Hall,
Faculty Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Pebrero 13, 2006)
Lubos kong ikinagagalak at ikinararangal ang
maimbitahan sa Development Roundtable Series on Foreign Policy para
talakayin ang paksang “REVIEWING CRITICAL ISSUES IN PHILIPPINE FOREIGN AND
SECURITY POLICIES: TOWARDS AN ASSESSMENT OF THE VISITING FORCES AGREEMENT.”
Nais ko ring magbigay pugay sa alaala
ng yumaong Senador Claro M. Recto, na siyang binubuhay ng bulwagang ito kung
saan kasalukuyan tayong nagtitipon-tipon, at siyang nagdiriwang ng araw ng
kapanganakan ngayong ika-8 ng Pebrero. Ang paggunita sa kaarawan ng
makabayang si Sen. Claro M. Recto ay parating nakapagbibigay sa atin ng
natatanging pagkakataon, isang okasyon para tayo’y makapagnilay at muling
masuri ang basikong esensya ng ating pambansang pananatili, para maitanong
kung saan patutungo itong ating bayan at kung saan tayo nais dalhin ng
kasalukuyang liderato. Ito ay dahil si Recto ay sumisimbolo’t kumakatawan
hindi lamang sa intelektwal at moral na panindigan sa pinakamataas nitong
antas – mga katangiang hinahanap ng mga tao sa mga namumuno sa kanila, kundi
pati na rin sa marubdob na malasakit para sa kalayaa’t pagsasarili ng ating
bayan. Naniniwala siya na ang sanhi ng mga kanser pang-ekonomiya’t
panlipunan ay nakasandig sa kaisipang kolonyal ng mga pinuno ng bansa na
silang nagpapahintulot sa pwersang banyaga upang hamakin ang ating ganap na
kapangyarihang pambansa. Ito, para sa kanya, ay ang pinakamatinding
katiwalian na nagdulot ng di maiwasang maling pamamalakad sa ating
patakarang panlabas. Ang di wastong pamamalakad ng patakarang panlabas, sa
katunayan, ay isang dalisay na pahayag ng katotohanan na siyang isinatinig
ni Recto.
Ang patakarang panlabas ay
makapangyarihang instrumento ng pamahalaan na determinadong mapabuti ang
kaunlaran at seguridad ng kanyang bansa. Sa puntong ito ng ating kasaysayan,
at higit kailanman, ang ating pambansa at panlabas na patakaran ay dapat may
iisang layunin: ang muling pagbawi sa buong pamamalakad ng mga Pilipino sa
sariling yamang pambansa (likas, yamang paggawa, pinansyal, estado, atbp.)
upang tayong mga Pilipino ang makatukoy, nang may buong ganap na
kapangyarihang pambansa, ng ating landas tungo sa pag-unlad na siyang
magsisiguro ng pinakamataas na kapakanan para sa pinakamaraming bilang ng
mga Pilipino.
Ang patakarang panlabas ay dapat
maging instrumento para sa pambansang kaunlaran at karapatan sa sariling
pagpapasya , hindi ang maging sandata ng pagsuko. Noon pa man, marami nang
mga administrasyon sa Pilipinas ang sumunod sa mga itinatakda ng mga
tagapagtaguyod ng imperyalismo at lumunok ng mga lasong nagpapanggap na
gamot na inihahain ng tambalang IMF-World Bank at nakaroon ng grabeng epekto
sa ating pambansang ekonomiya at nagbunga ng higit pang di
pagkakapantay-pantay at kahirapan. Ang mismong pundasyon ng isang malayang
patakarang panlabas ay, sa katotohanan, nasulat na sa 1987 Saligang Batas
ng Pilipinas na nakabatay sa mga prinsipyo ng sariling pagkakilanlan,
kawalan ng banyagang panghihimasok, demilitarisasyon at denukleyarisasyon.
Malinaw ang mga itinatalag ng 1987
Konstitusyon hinggil sa ating patakarang panlabas. Nakasaad sa Artikulo II,
Seksiyon 2, 7, 8 at 19 ang pangkalahatang direksiyon ng ating relasyong
panlabas.
“Seksyon 2: Itinatakwil ng Pilipinas
ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang
bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyunal na
kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay
pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan sa lahat ng bansa.”
“Seksyon 7: Dapat sundin ng Estado ang
isang malayang patakarang panlabas sa mga pakikipag-ugnayan nito sa ibang
mga estado, dapat unang-unang isaalang alang ang ganap na kapangyarihang
pambansa, integridad na teritoryal, kapakanang pambansa, karapatan sa
sariling pagpapasya.”
“Seksyon 8: Tinatanggap at sinusunod ng
Pilipinas nang alinsunod sa kapakanang pambansa, ang patakarang malaya laban
sa pagkakaroon ng mga sandatang nuclear sa teritoryo nito.”
“Seksyon 19: Dapat bumuo ang Estado ng
pambansang ekonomiyang nakakatayo sa sarili at malaya na epektibong
kinukontrol ng mga Pilipino.”
Tinitiyak ng Saligang Batas ang
gampanin ng Kongreso at pagiging bukas ng proseso ng paggawa ng tratado gaya
ng sinasaad sa Artikulo VII, Seksyon 21:
“ Hindi dapat maging balida at maybisa
ang anumang tratado o kasunduang internasyunal nang walang pagsang-ayon ng
dalawang-katlo (2/3) man lamang ng mga kagawad ng Senado.”
Sa Artikulo XVIII sa Transitory
Provisions, Seksyon 25, isinasaad nito na:
“ Sa pagwawakas sa 1991 ng
Kasunduan ng Republika ng Pilipinas at Estados Unidos tungkol sa mga Base
Militar, ang mga dayuhang base military, mga tropa o mga pasilidad ay hindi
dapat pahintulutan sa Pilipinas maliban sa ilalim ng mga termino ng tratado
na kinatigan gaya ng nararapat sa Senado at kung hinihingi ng Kongreso, ay
niratipikahan ng mayoryang boto ng mamamayan sa isang reperendum na iriraos
para sa layuning iyon at kinilalang tratado ng kabilang panig ng
naikipagkasundong Estado.”
May mga probisyon rin tayo na nauukol
sa ating diplomasyang pang-ekonomiya. Sa Artikulo XII,sa pambansang
ekonomiya at patrimonya:
“Seksyon 1: Ang mga tunguhin ng
pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon,
kita, at kayamanan, sustinadong pagpaparami ng kalakal at mga paglilingkod
para sa kapakinabangan ng sambayanan at lumalagong pagkaprodukto bilang susi
sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapos palad.”
“Seksyon 12: Dapat magtaguyod ang
Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales
at mga kalakal na yaring local at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang
makalaban sa kumpitensya ang mga ito.”
“Seksyon 13: Dapat magtaguyod ang
Estado ng patakarang pangkalakal na mauukol sa kapakanang panlahat at
magagamit sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa
pagkakapantay pantay at pagtutumbasan.”
Habang marami sa mga probisyong
malaya’t makabayan ng Saligang Batas ng 1987 ay nanatili pa ring epektibo at
nakatala, ang mga ito’y pinag-iisipan nang palitan kung di man tuluyang
burahin. Ang proposisyong baguhin ang Konstitusyon ay mga hakbang upang
maalis ang maka-soberanya at maka-Pilipinong probisyon at upang patuloy na
tagpasin ito palapit sa patakarang neo-liberal at ‘global cop’ na papel para
sa Hukbong Sandatahan ng Amerika.
Dahil sa makabayan at
maka-soberaniyang probisyon ng Saligang Batas, marapat na tayo ay tumutol sa
tangkang pagbura o dili kaya’y delisyon sa mga ito, at sa tangkang isingit
ang mga probisyong maka-militarisasyon o maka-dayuhan. Dapat nating itaguyod
ang mga ipinamanang probisyon sa Konstitusyon na para sa kapayapaan,
istrakturang pangkabuhayan, kalayaan at katarungan.
Ang patakarang panlabas ng bansa ay
karapat-dapat lamang gabayan ng isang malinaw na balangkas na ang layon ay
pagpapanatili at pagtataguyod ng hanap-buhay, negosyo at mga local na
industriya, at sa pamamagitan nito, makikita natin ang papel ng pandayuhang
kapital, pautang at anumang tulong mula sa labas, maging an gating
pakikpag-alyansa sa mga makapangyarihang bansa. Maging ang diplomasyang
pang-ekonomiko ay marapat lamang na nakasentro kung paano magiging patas ang
relasyong pangkalakalan at base sa kapwa nakakabuting relasyon.
Ang patakarang panlabas ng Pilipinas
ay maiuugat at patuloy na sinisilip ang mga suliraning pangdaigdigan tulad
ng terorismo at pambansang seguridad sa prisma at pananaw ng Estados
Unidos. Samakatuwid, ang unang hakbang upang magkaroon ng alternatibong
patakarang panlabas ang Pilipinas ay baguhin ang ganitong klase ng
pamamalakad para mas malalim at makatarungang relasyong Pilipinas-Estados
Unidos.
Ang patakarang panlabas n gating
bansa ay dapat na umiral sa pabago-bagong pwersang alyansang global. Ang
pagtatapos ng ‘Cold War’ maging ang paglitaw at pagsasama-sama ng mauunlad
at progresibong mga bansa sa Latin Amerika katulad ng Venezuela, Bolivia,
Chile, at iba pa, ay nagbukas ng makabuluhang posibilidad para sa mga
umuunlad na bansa para ipursigi ang mas malawak, mas malayang alternatibo at
layunin sa kanilang relasyong panlabas. Ang perspektibo ukol sa seguridad
ay dapat agapan ang mga bagong interes tulad ng pagtatanghal/paghaharap ng
alinman sa potensyal na ka-alyado o oposisyon , o dili kaya’y magulong
punto/lugar sa rehiyonal na kapaligiran kaysa sa mabilisang basehan ng
hinahanap/pananaw sa histerikal at tradisyunal na istereotipikong
komprontasyon. Kinakailangang i-rebyu ng Pilipinas ang kanyang relasyon sa
Estados Unidos, Japan, Yuropa, Gitnang Silangan, ang papel na ginagampanan
nito sa Asya at ASEAN, ang pagsapi nito sa mga internasyunal na
organisasyong pang-gobyerno, maging ang relasyon nito sa mga pribadong
organisasyon, para sa pagpapaunladng makabuluhan at nakakabuting relasyon,
na makakapagpabuti sa ating pambansang kapangyarihan.
Ang pambansang istratehikong interes
sa pampulitikal at pang-seguridad na aspeto ay hindi kailanman maihihiwalay
sa pang-ekonomikong layunin. Ang pambansang pangangalakal at pagpapalak
kung gayon ay dapat kaakibat ng produkto, kalakalan at pagkakaiba-iba ng
merkado. Para sa pambansang interes, dapat siguraduhin ng gobyerno na
mayroong ekonomikong kooperasyon, tulong pangdayuhan at puhunan at
malampasan nito ang tradisyonal na samahan. Marapat na gumawa ito ng mainam
na hakbang upang maka-alis sa anino ng Estados Unidos na kung saan tayo ay
patuloy na inaabuso at ginagamit para sa global na pulitika. Dapat na
maghanap tayo ng alternatibo na higit na makabubuti para sa ating pambansang
interes, kabilang ang ‘Timog sa Timog’(South-South) na pagkakasundo at
relasyong pangkalakalan, pamumuhunan at pangteknolohiya.
Sa ngayon, mahalagang maunawaan at
mapaghandaan ng bansa ang praktikal na patakarang may relasyon sa epekto ng
globalisasyong pang-ekonomiko sa ilalim ng rehimeng GATT/WTO, maging ang
paglitaw ng ‘European Union’, NAFTA at iba pang samahang rehiyong pang
ekonomiko. Ang ganitong pagbabago ay may mahalagang pang-ekonomiko at
pampulitikal na implikasyon para sa Pilipinas.
Ang panunumbalik ng banyagang tropa
sa ating baybayin kasabay ang ilang mga maanumalyang kasunduang panseguridad
ay malinaw na balakid sa ating hangaring magsulong ng isang malayang
patakarang panlabas. Ang VFA o Visiting Forces Agreement ang pinakatiwaling
aspeto ng ating patakarang panlabas sa kasalukuyan. Ang kasong panggahasa sa
isang dalagang Pilipina ng anim na Kanong sundalo pati na ang mariing
pagmamatigas ng pamahalaan ng Estados Unidos na ayaw isuko ang mga
unipormadong kriminal ay siyang pumipilit sa atin na masusing tingnan at
repasuhin ang mga implikasyong panlipunan, pang-ekonomiya, panseguridad,
pangkapaligirang dulot ng muling pag-apak at aktibidades ng sundalong Kano
sa Pilipinas. Ang mga ito ay tuluyan nang naibalik sa pagbasbas ng VFA.
Ang Pagsuko ng Kapangyarihang
Hurisdiksyon sa Batas at Korte ng Pilipinas
Nang lumagda ang pamahalaan ng
Pilipinas sa VFA, ay tuluyan na nating isinuko ang ating lubos na karapatang
litisin ang mga nagkasala sa loob ng lupain natin para lamang sa mga tropang
banyaga. Masdan natin kung paano naging inutil ang ating mga hukuman at
batas sa pagpapatupad ng ating saklaw ng batas at karapatan sa pangangalaga
ng mga dayuhang kriminal kahit pa sa ating sariling lupain. Nang
ipinapatupad pa ang Kasunduan ng RP-US sa Base Militar, ginamit ng mga
pinunong sundalo ng mga base militar ng U.S. para mabigyan ng silong ang mga
nagkakasalang sundalong Kano bilang pananggala sa pagdiin sa mga krimeng
nagawa nila habang sila ay nasa Pilipinas pa. Samakatwid, mula 1947
hanggang 1991, sa higit tatlong libong naiulat na krimeng nagawa ng mga
hukbong Kano dito sa bansa, wala ni isang kaso ang umabot sa hukuman at
nalitis at nakapaghatol laban sa mga nagkasalang sundalo ng Estados Unidos,
kabilang na ang mga krimeng karumaldumal.
Sa ilalim ng ikalimang Artikulo ng
VFA, ang nagkakasalang sundalo ng Estados Unidos ay mapapasailalim sa
pangangalaga at saklaw ng mga awtoridad ng Estados Unidos, at sa gayon
walang habol dito ang batas ng Pilipinas kahit na ang sala ay ginawa sa
anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang ikalawang artikulo ng VFA ay
nagliligtas sa mga tauhan ng militar ng Estados Unidos at tauhang sibilyan
nito mula sa mga regulasyon sa mga pasaporte at visa. Ang parehong
pribileheyo na ito na ibinibigay sa mga taga Estados Unidos ay hindi
ibinibigay sa mga Pilipinong tauhan o hukbo na bumibisita sa Estados
Unidos. Maging ang mga diplomatiko na pumapasok sa Pilipinas ay hindi nga
nakakaranas ng ganitong pribilehiyo, kayat bakit kailangang ang militar at
sibilyang tauhan (mga CIA?) ng Estados Unidos sa ilalim ng U.S. Department
of Defense ay nakakaranas ng ganitong mas mataas na kaluwagan?
At sa ikatlong artikulo ng VFA ay
nagtatakda na ang mga tagapamuno ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat
ng hukbo ng Estados Unidos ay siyang magsasagawa ng inspeksyon sa mga
nasabing sasakyan at mga kargamentong sila rin ang nagmamay-ari. Bakit naman
kailangang kung sino pa ang mga bumibisita dito ay sila pa ang nagsasagawa
ng mga inspeksyon ng sarili nilang mga papasok na sasakyan at kagamitan para
sa atin na tumatanggap sa kanila?
Ang VFA at ang Kawalan ng Katumbas na
Ratipikasyon ng Senado ng Estados Unidos
Para muling pahintulutan ang mga
banyagang tropa sa ating lupain, malinaw na isinasaad ng Saligang Batas na
ang hakbanging ito ay nangangailangan ng isang tratado. Ang ganoong tratado
ay dapat napagkasunduan ng 2 katlong (2/3) kasapi ng Mataas na Kapulungan o
Senado at gayon din ay naratipika ng kabilang estado na gusting
makipagkasundo sa atin. Dahil ang Saligang Batas ay humihiling na ang
tratado ay dapat na may katumbas na ratipikasyon ng kabilang estado, sa
kasong ito, ang Senado ng Estados Unidos, ang di pagsunod dito ay
nangangahulugan ito ay magiging isang “executive agreement”, sa gayon ito’y
salat sa rekyimento ng isang tratadong itinatakda ng mismong Saligang Batas.
Narinig ko na binabanggit ng
Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na hindi niraratipika ng Senado
ng Estados Unidos ang mga tratadong sinusulong ng magkabilang bansa. Ito
ay napakalinaw na kamalian. Maaari nating banggitin na ang Treaty of Paris
ng 1899 ay nilagdaan at pormal na niratipika ng Senado ng Estados Unidos
isandaang taon na ang nakararaan sa pagitan ng Espanya at Estados Unidos.
Noong 1976, ang U.S.-Spanish Bases Treaty ay pormal na niratipika ng Senado
ng Estados Unidos bilang isang tratadong bilateral. Hindi ba kinikilala ng
Senado ng Estados Unidos ang Senado ng Pilipinas bilang kapantay o katumbas
nito sa ratipikasyon ng tratado?
Sinasabi rin na ang Estados Unidos ay
mayroong iba pang 78 na Status of Forces Agreement(SOFA) sa iba pang bansa
na katulad ng VFA. Ang datos na ito ay walang katotohanan. Halos lahat ng
bansang ito na may SOFA ay mayroon pa ring mga base militar at pasilidad ng
Estados Unidos. Karamihan ng mga SOFA ay naipapatupad lamang sa loob ng mga
pasilidad o base na mga ito. Habang ang mga pasilidad ng NATO/Estados
Unidos o Japan/US ay sakop ng SOFA, ang mga tumatanggap na bansa ay di pa
rin isinusuko ang kanilang saklaw na buong teritoryo. Masasaksihan pa
lamang ngayon sa atin ang SOFA ng isang bansa na walang pasilidad ng Estados
Unidos na isinusuko na natin agad ang saklaw nito sa buong teritoryo sa
kapuluan.
Ang SOFA o VFA ay ginawa para sa
adbentahe ng Estados Unidos sa loob ng mga base o pasilidad nito tulad na
lamang ng sa naibasura nang RP-US Military Bases Agreement kung saan ang mga
probisyon ng SOFA ay nakalahad din. Ngunit, maging sa Military Bases
Agreement o MBA na hindi na muling tinanggap bagkus binasura na ng Senado ng
Pilipinas noong 1991, wala sa anumang saklaw o karapatan sa buong bansa ang
binibigay ng VFA sa Estados Unidos.
Ngunit hindi ito ang kahuli hulihang
pagkakataon na iniwasan ng Ehekutibo ang Senado sa pamamagitan ng ilegal na
tangkang magpasok ng isang executive agreement sa usapin ng pagbabalik ng
pananatili ng banyagang pwersang military at pasilidad. Noong 2001, pormal
na nilabas ang Mutual Logistics and Support Agreement(MLSA) na nilagdaan ng
mga mababang ranggo na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos at
Pilipinas para mapagbigyan ang pagtatambak at paglipat ng mga basura ng
hukbo ng Estados Unidos ditto sa ating lupain. Ang MLSA ay inihayag bilang
para sa pagsulong ng RP-US Mutual Defense Treaty, para may basehan ito kung
sakaling maging kwestiyonable ito batay sa itinatakda ng kasalukuyang
Saligang Batas, ang VFA ay sasabihing karugtong ng MDT ng 1951 at
kinokonsidera bilang isang utos para maipatupad ang nasabing tratado.
Pagbibigay sa Estados Unidos ng di
tiyak na garantiya para sa karapatan nito sa ating Lupain
Ang VFA ay nagbibigay ng isang
malabo at di tiyak na garantiya sa Estados Unidos para sa mga aktibidad ng
kanilang hukbo sa ating lupain dahil hindi nito isinasaad kung gaano katagal
at kung ilang pwersa ng Estados Unidos ang papayagan para sa mga di matukoy
na aktibidades sa ating lupain. Nasasaksihan natin ngayon ang paglipana ng
mga tauhan ng Sandatahang Lakas ng Estados Unidos sa halos lahat ng kapuluan
ng bansa.
Ang kasunduan ay hindi nagtatakda ng
kung anuman ang pinakamalaking bilang ng sundalong Kano na maaring
pahintulutang makapasok sa Pilipinas. Hindi rin tinitiyak ang panahon na
ang mga ito ay papayagang manatili sa Pilipinas. Kaya naman malinaw na ang
VFA ay nagbibigay ng kakayahan ng mga ito na makapasok at makinabang sa
Pilipinas sa di tiyak na panahon at di tiyak na mga aktibidades.
Ang operasyon ng Sandatahang Lakas ng
Estados Unidos sa mga sasakyang pandagat at panghimpapawid na nakasaad sa
ikawalong artikulo ay malabo ang itinatakda. Hindi nito tinutukoy kung
saan ang maaari o kung saan ang limitasyon ng Sandatahang Lakas sa akses
nito sa Pilipinas. Mapanganib na hayaang maging hayagang bukas ang
teritoryo ng Pilipinas at payagan ang mga aktibidades na salat sa regulasyon
itong mga banyagang hukbo, dahil ito ay isang banta sa ating sariling
pambansang seguridad.
Ang Artikulo 9 sa “Duration and
Termination” ay nagtatakda na ang kasunduan ay walang tiyak na araw ng
terminasyon, samakatwid ay mabubuhay nang walang hanggan ang kasunduan.
Binibigay ng kahulugan sa Artikulo 1
ng VFA na ang tauhan ng hukbo ng Estados Unidos ay mga tauhang militar at
sibilyan ng Estados Unidos na pansamantalang lumalagi sa Pilipinas upang
gawin ang anumang mga aktibidades na sinang-ayunan ng pamahalaan ng
Pilipinas. Anong mga aktibidades?
Paano Naaapektuhan ng VFA ang
Pambansang Seguridad ng Pilipinas
Hindi pinapabuti ng VFA ang
pambansang seguridad ng Pilipinas. Bagkus, ito ay nalalagay sa panganib.
Ang mga nakaraang presensiya ng
tropang militar ng Estados Unidos sa teritoryo ng Pilipinas ay nagpapakita
na ginagamit ang bansa bilang panimulang punto ng interbensyong militar ng
Estados Unidos laban sa ibang bansa. Ang akses ng militar ng Estados
Unidos sa pamamagitan ng VFA ay nagbabalik ng papel ng Pilipinas sa
istrukturang military ng Amerika bilang suporta sa mga operasyon ng kanilang
lakas pandagat at sandatahang lakas. Ang mga bisitang nabal o sa porte ay
hindi lang mga “goodwill visits” o “to show the flag”. Ang mga bisitang
nabal ay suporta sa patuloy na operasyon at misyong militar sa pamamagitan
ng pagpapanatili ng suplay, pagpapasigla ng eskuwadron, pagbibigay ng
pahinga at libangan, pag-iimbak ng gasoline at pagpapaayos, para manakot ng
interbensiyong militar at higit sa lahat, ang maghamon ng digmaan.
Ang mga problemang idinulot ng
paghihiganti ng muling lumilitaw na nasyonalismong Pan Arab at
pundamentalistang Islam bilang reaksyon sa agresiyon at interbensiyon ng
Estados Unidos sa Gitnang Silangan ay hindi natin problema. Sa ngayon, ang
persepsiyon sa Estados Unidos ay isang siga na estado na nanananakop o
nambobomba ng mas maliliit na bansa ayon sa kanilang kagustuhan, nanag
walang respeto sa mga pambansang hangganan o soberaniya ng ibang nasyon
tulad ng ginawa nito laban sa Grenada, Panama, Sudan, Afghanistan at Iraq,
at ngayon ay ang mga banta nito laban sa Iran. Idinulot nila sa kanilang
sarili ang parusa ng mga kaganapan nung 9/11 na kung tawagin ng Amerikanong
manunulat na si Chalmers Johnson ay “blowback”, mga hindi sinasadyang
kaparusahan ng mapanghamon na pandaigdigang patakaran ng Estados Unidos.
Itinatanim ng Amerika ang sarili nitong mga punla ng pambansang inseguridad.
Ang pundamental at seryosong isyu
ngayon tungkol sa VFA ay ito: Gusto ba nating bigyan ng lugar ang
sandatahang lakas ng Estados Unidos sa ating teritoryo, kahit labas sa ating
mga batas at Konstitusyon, upang magamit ng Estados Unidos ang Pilipinas
bilang pangunang punto ng interbensiyong military laban sa ibang bansa?
Ito ang ginawa ng Estados Unidos isang daan taon na ang nakalipas matapos
sulutin ang kalayaan ng Pilipinas at gamitin ang teritoryo bilang pangunang
punto ng lokal at banyagang interbensiyon. Gusto ba nating maging haligi
na magpapalakas sa pandaigdigang sistema ng Estados Unidos na patuloy na
nakikialam sa pamamagitan ng pagpapadala ng tropa nito sa internal na isyu
ng ibang bansa? Gusto ba nating maging ispringbord ang bansa upang muling
mapalakas ang mga yunilateral na aksyon ng Estados Unidos sa buong mundo na
lumalabas sa pambansang soberaniya ng ibang pala-kaibigang bansa?
Binabalangkas ng mga pangyayari ang
mapanganib na yunilateral na pagsasanay ng tropang militar sa Estados Unidos
na dinadahilan para sa “seguridad” at “pandaigdigang digmaan laban sa
terorismo.” Umaasta ang Estados Unidos na parang isang internasiyonal na
siga na kinakaya-kaya ang mga maliliit na bansa sa pamamagitan ng
pagyayabang ng kapangyarihan. Tinatali ng VFA ang Pilipinas sa istratehiya
ng Estados Unidos na pandaigdigang pakikialam at naaayon sa kanilang
istratehiyang nuclear.
Sa ilalim ng VFA, ang Pilipinas ay
naging “de facto” na nagsasanay sa lahat ng pang-sibilyang daungan at
paliparan, at pagseserbisyo ng mga sasakyang dagat ng Estados Unidos na may
misyon at obhektibong pang-militar. Ibinabalik ng VFA ang papel na
ginampanan ng Pilipinas nung nandito pa ang base military ng Estados Unidos
– bilang kasabwat sa mga operasyon ng interbensiyon at agresyon ng
sandatahang lakas ng Estados Unidos sa Asya Pasipiko, Gitnang Silangan, o
saan mang parte ng mundo. Pinapahina ng VFA ang mga lehitimong interes ng
Pilipinas sa relasyon nito sa ibang mga bansa, particular sa mga kumukuha ng
serbisyo ng mga manggagawang Pilipino at pati na rin ang mga
nakikipagkalakalan sa atin. Lahat ito ay tahasang lumalabag sa
konstitusyonal na pagbabawal sa paghahamon ng digmaan bilang kasunduan ng
mga hidwaan, kung kaya’t gusto nilang amyendahan ang 1987 na Saligang Batas.
Dahil dito kaya nagging panganip sa
pambansang seguridad at seguridad ng mga Pilipino ang VFA. Ito ay panganib
sa ating seguridad bilang mga mamamayan at bansa, dahil ang anumang bansa na
nagsisilbing “host” sa sandatahang lakas ng Estados Unidos – bilang base, o
akses military, o pagbisita ng sandatahang lakas ng Estados Unidos – ay
nagkakaroon ng peligro na madamay sa armadong interbensyon ng militar ng
Estados Unidos sa mga patuloy na pinapadalang tropa ng kanilang sandatahang
lakas. Kailangan nating makapagpasiya kung patuloy na magiging parte ang
ating teritoryo ng suportang istruktura sa ibayong dagat ng isang bansang
inaabuso ang namamagitan na pandaigdigang posisyon ng “pagdepensa”.
Kailangan din nating magpasiya kung patuloy nating babaluktutin an gating
mga patakaran at batas, sa ikakasama n gating dignidad bilang nasyon upang
maglulan sa ating teritoryo, ang sumosobrang paglaki ng mga gamit pandigma
at patakaran ng Estados Unidos na nagbigay daan sa mas maraming digmaan at
hidwaan. Dapat din alalahanin na bilang kapinsalaan, ang Estados Unidos (at
mga mamamayan nito sa ibayong dagat) ay mga pangunahing nakakaakit ng mga
pag-atake dahil sila’y mga nagpapa-lala sa mga galit sa kanilang bansa. Sa
pamamagitan ng VFA, tuluyan tayong nag-aanyaya ng mga paghiganti at parusa
sa mga dumadaming kaaway ng Estados Unidos.
Binuksan din ng VFA ang mga daungan
at paliparan ng lakas pandagat, pang-armas at panghimpapawid. Habang
pinupuna ng Estados Unidos ang kakayahayg nuclear ng ibang bansa tulad ng
Iran, North Korea, atbp., ang sarili nitong armas nuclear ay nananatiling
mahalagang elemento ng modernong lakas pang-dagat ng Estados Unidos. Ito
ang dahilan kung bakit patuloy na giagamit ng Estados Unidos ang patakarang
“hindi magkukumpirma at hindi magtatanggi” tungkol sa mga armas nuclear sa
kanilang mga sasakyang dagat. Mayroong hindi patas na pamantayan sa
pagsasabi sa ibang bansa na isiwalat ang kakayahang nuclear ng kanilang
pasilidad habang tumatanggi itong ibunyag din ang kanila. Palaging
isinasawalang-bahala ng VFA ang patakaran ng Pilipinas patungkol sa mga
sandatang nuclear. Dahil sa ang Pilipinas – pangloob man o panglabas – ay
nagpapatibay at nagtataguyod ng malayang patakarang konstitusyonal sa mga
sandatang nuclear sa teritoryo nito, dapat na malinaw ang mga probisyon ng
VFA sa pagtaguyod ng konstitusyonal na pagbabawal sa mga armas nuclear.
Dapat na ituring na ilegal para sa Estados Unidos o ibang dayuhang sasakyang
dagat o eroplano na armado ang pagdala sa teritoryo ng Pilipinas, kahit na
para sa transportasyon, daungang tawag, pangserbisyo, o para sa
pagdidiskarga, ng anumang armas nuclear o anumang parteng nuclear. Ang mga
bumibisitang armadong sasakyang-dagat ng anumang bansa ay kinakailangan
munang magpatunay nito.
Matagal ko nang pinanukala ang
pagpasok ng nasabing probisyon sa VFA, pero hindi natin ito maaasahang
maipatupad sa tratadong maglilibre ng mga sandatahang lakas ng Estados
Unidos sa ating teritoryo mula sa mga lokal na batas.
Ang Pilipinas ay dapat lagging
sumusunod sa mga patakaran ng estado na kalayaan mula sa armas nuclear at
mga prinsipyo ng pagdidisarmang nuclear na ating sinuportahan sa mga
kasunduan ng United Nations at internasyunal na pagpupulong. Pinirmahan
natin ang tratadong ASEAN para sa Southeast Asia Nuclear Weapons Free Zone
nung Disyembre 14, 1995 na pinatupad nung Marso 26, 1997. Ilang taon ang
nakakaraan, malaki ang ibinahagi ng gobyerno ng Pilipinas para manalo ng
declamatory judgment mula sa World Court (International Court of Justice) sa
The Hague, Netherlands, na nagsasaad na, “ang paggamit at pagbabanta gamit
ang mga rmas nuclear ay mga krimen labas sa sangkatauhan.” Kailangang
ipagpatuloy ng ating bansa ang pagsunod sa kasunduan laban sa armas nuclear,
lalo na sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang armadong nuclear tulad ng
Estados Unidos na ang nuclear arsenal ay mayroong 15,000 armas at bagong
henerasyon ng mga armas nuclear kabilang ang mga uranium-depleted na armas
na ginamit nito laban sa Iraq.
Hayaan niyo akong magtalakay ng
aspeto ng “pantaong seguridad” ( human security) na madalas ay
isinasang-tabi natin sa pagsusuri ng mga isyung pang-seguridad. An gating
karanasan sa presensiya ng mga military ng Estados Unidos ay nagpapakita na
hindi lamang nito sinisira ang local na ekonomiya dahil nagiging kuta itong
dumedepende sa dayuhang militar, ngunit totoo’t mahalagang banta sa
kalagayan n gating mga kababaihan at kabataan. “Pahinga at libangang
aktibidad” (rest and recreation) o prostitusyong military para sa kung
tawagin a “morale” ng tropa, ay nagpalala sa sekswal na pananamantala n
gating mga babae’t bata na pinakadelikado sa lahat. Ang imahe ng ating mga
babae’t bata ay nasa libo-libong batang Amerasian na ulila sa ama at nasa
lumalagong industriya ng sex para sa mga tropang Amerikanong nasa R & R na
bakasyon. Dadami pa an gating mga babae’t bata na magiging biktima ng
sekswal na pananamantala ng mga miyembro ng sandatahang lakas ng Estados
Unidos. Ang kaso ng panghahalay na naganap sa Subic ay isang pang-araw na
kuwento sa Okinawa, Japan laban sa kanilang mga babae’t bata na madalas ay
biktima ng pananamantalang sekswal ng mga Amerikanong Marino.
Tungkol sa modernisasyon ng
Sandatahang Lakas ng Pilipinas, pagkatapos ng higit sa 50 taon ng kasunduang
militar ng Pilipinas at U.S., ano ang kasalukuyang lagay ng lakas
pangdepensa ng bansa? Nakapagsagawa ang mga kasunduang military na ito sa
pagpigil ng tunay na pagpapabuti at pagpapalakas n gating sandatahang lakas
na dinisenyo ng mga kasunduang ito upang sumandal o umasa sa Estados
Unidos. Sinuportahan ban g RP-US Mutual Defense Treaty o ng natsuging
Military Bases Agreement an gating pag-angking karapatan sa Sabah laban sa
pananatili ng Malaysia? Hindi kailanman naging layunin ng kasunduang
ipinataw sa atin ng Estados Unidos na mapabuti ang kakayahan ng Pilipinas sa
pagtatanggol at ang pagkakaroon ng isang nagsasarili at modernisadong
establisimientong pananggol. Dapat matutunang mabuti ng establisimientong
pananggol ng Pilipinas ang mga aral na ito at makapagbuo ng isang tunay na
kapanipaniwalang patakarang pananggol batay sa ating kakayahan.
Kailan tayo matututo? Pagbabayaran
pa rin ba nang mahal para sa ilusyong “seguridad” sa aspetong pulitical,
sosyal, legal, pang-ekonomiko, at pangkapaligiran? Ang pagbibigay ng
kabuuang ekstrateritoryaliti sa sandatahang lakas ng Estados Unidos sa buong
archipelago ay nangangahulugan ng pagsuko ng hurisdiksyon at pambansang
dignidad para sa wala.
Ang VFA at ang Kalikasan
Walang hakbangin o probisyon
sa VFA kung paano mananagot ang sandatahang lakas ng Estados Unidos sa
anumang paninira sa kalikasan. Dahil sa nakakadismayang record ng Estados
Unidos sa paglilinis ng kanilang mga dumi sa mga dating base-militar, dapat
lubusan tayong mag-alala sa mga paninira sa kalikasan na idudulot ng militar
ng Estados Unidos sa isang buong taong pagsasanay-militar at daungang
pagtawag.
Hanggang ngayon, ang gobyernong
Amerika ay tumatanggi pa rin kilalanin at walang pinapakitang
pagkukusang-loob na imbestigahan o linisin ang anumang mga kumpirmadong
lugar na kontaminado sa mga dating base militar rito. Sa mga limitadong
pagsusuri sa mga dating base ng Estados Unidos ditto, napatunayan na ang
tubig at lupain ng mga malapit na komunidad ay kontaminado ng mga sangkap at
solvent na carcinogenic, bombing hindi pa sumasabog, at tingga at asoge.
Ang mga pagsasanay military ng Estados Unidos ay nagresulta sa kontaminasyon
at pagkasira ng kalikasan tulad ng mga nakatalang kaso sa Okinawa, Japan
kung saan:
“ …mga pagsasanay sa pamamaril ay
nanira ng mga kagubatan at kabundukan at kinontamina ang mga lupa ng TNT,
RBX, DNT at mga hindi pa sumasabog na amunisyon at misayl; kontaminasyon ng
asbestos, tingga, PCB ng mga tubig ng Okinawa; erosyong red soil dahil sa
regular na paggalaw ng militar; cobalt 60 galing sa mga daungang militar;
ang pagkatuklas ng mga palakang mutant sa mga baybaying dagat na sobrang
kontaminado sa paligid ng mga pasilidad military ng Estados Unidos sa
Okinawa.”
Sa Pilipinas, isang sarbey pang-kalusugan
sa ilalim ng Health for All Project (1998) ilang taon na ang nakakaraan sa
dating Clark Air Force Base sa Pampanga at kinondukta ni Dr. Rosalie Bertell
bilang punong imbestigador, ay napagtugma ang ilang mga dumi ng military ng
Estados Unidos sa ilang mga sakit sa munisipalidad at komunidad ng Mabalacat,
Pampanga. Kasama rito ang mga sakit na nagpapahina ng imyuniti at mga sakit
dulot ng kontaminadong tubig galing sa mga dating base ng Estados Unidos.
Ang mga karapatang paglapag at
pagdaong na nakasaad sa Visiting Forces Agreement ay muling pinakilala ang
puwersa ng militar ng Estados Unidos sa buong bansa para sa mga pagbisita sa
mga daungan pati sa mga gawaing militar gamit ang mga mapanganip na
kagamitang pandigma. Masama ang rekord ng gobyernong Amerika sa pagkabigo
nitong imbestigahan, isiwalat, at linisin ang mga panganib sa kalikasan na
dulot ng mga pang-militar na aktibidad ng Estados Unidos hindi lang sa
Pilipinas kundi pati na rin sa Panama, Puerto Rico, Japan, South Korea,
Hawaii at Alaska.
Kung ang mga sasakyan ng hukbong
dagat ng Amerika na tumatakbo gamit ang makinang nuclear nito ay nag-emit ng
radyasyon habang nakadaong sa Pilipinas, paano sila papanagutin sa kawalan
ng probisyong pang-kalikasan sa VFA? Ngayong ang buong bansa ay bukas na
sa mga pambibisita sa daungan at paliparan ng mga armadong tropa at
simulasyon ng kombat sa pagsasanay military, kailangang asahan na natin ang
mga pang-kalikasan at pang-kalusugan na katumbas ng ganitong mga aktibidad.
Isang editorial ng New York Times ang nagtampok sa problemang ito nung
Disyembre 25, 1998:
“When the United States pulled out
of the Clark and Subic Bay Bases in the Philippines beginning in 1991, it
left dozens of sites where toxic chemicals and asbestos had been dumped or
buried in unsecured landfills. These may now be the cause of disease among
people living nearby. Washington has paid the Philippines nothing for
cleanup and has released only perfunctory information about the hazards.”
Huwaran ang VFA ng ibang bansa?
Ngunit mas higit pang insulto sa
kapangyarihan ng Pilipinas ang pagpayag ng ibang bansa, katulad ng
Australia, New Zealand o Singapore, na gamitin ang VFA bilang isang modelo
ng kasunduan para nila hasain ang kanilang pwersang militar. Gusto nilang
gawin tayong kampo ng pagsasanay at pagdusahan ang lahat ng pang-kalikasan,
sosyal, at pulitical na katumbas ng paghohost ng pagsasanay ng kanilang
puwersa. Hindi natin pinaalis ang mga base militar ng Estados Unidos upang
maging kampo para sa OJT o “on the job training” ng sandatahang lakas ng
ibang bansa. Aking pinapayuhan ang mga bansa na nabanggit na huwag nang
ituloy ang mga ganitong plano dahil magbubunga lamang ito ng pagkamuhi ng
mga tao at komunidad na maaapektuhan ng sosyal at pang-kalikasang epekto ng
pagsasanay militar. Halimbawa, ag presensiya ng special operations
forces ng Estados Unidos sa Mindanao nung Balikatan at iba pang uri ng
pagsasanay militar nang buong taon ng 2003 ay nagpaalala ng mga krimen ng
mga puwersang nananakop ng Estados Unidos nung simula ng 20th
siglo tulad ng masaker ng Bud Dajo. Dito, higit sa 600 Muslim ang pinaslang
ng mga sundalong Amerikano.
Ang VFA Bilang Kasangkapan ng Buong
Pagsuko ng Kapangyarihan ng Pilipinas
Sinasabi ko na ang tratadong
ito – ang VFA – ay isang pambansang indignidad at instrumento ng pagsuko.
Ito ay nagsisilbi lamang sa iisang panig. Ito ay hindi makatarungan at
ito’y mali. Ang mga probisyon nito ay kumikiling lamang sa interes ng
Esados Unidos habang ginagamit ang mga malabong alituntunin upang tapakan
ang mga karapatan ng Pilipinas bilang isang soberaniyang estado sa sarili
nitong teritoryo.
Mga labing-apat na taon na ang
nakakaraan, pinakita natin sa buong mundo na sa kabila ng ating mga kahinaan
bilang nasyon at kahit na sa pagpe-presyur galing sa isang superpower,
alam natin kung paano ipagtanggol ang ating mga soberaniyang interes at
ipahayag ang ating dignidad. Dahil sa desisyon na alisin ang mga base ng
Estados Unidos nung Setyembre 16, 1991, ipinagmalaki natin na tayo ay
Pilipino. Ang desisyon din na alisin an gating mga tropa sa Iraq ay isang
tagumpay laban sa bansang inagaw an gating maikling kalayaan isang siglo na
ang nakaraan, at tulad ng ginawa nito sa Iraq ngayon, trinato ang ating mga
bayani para sa kalayaan, na lumaban sa agresiyon at kolonisasyon ng Estados
Unidos, tulad ni Macario Sakay, Montalan at iba pa bilang mga terorista,
rebelde, at criminal na pinaghuhuli at pinagpapatay.
Ang isyu ng pagbabalik ng presensiya
ng militar ng Estados Unidos sa Pilipinas, na pinaalis nung 1991, ay
mahalagang iugnay sa patuloy na paggamit sa ating teritoryo ng Amerika sa
kanilang mga patakarang interbensiyon sa maraming parte ng mundo. Ito ay
inilahad sa isang dokumento ng U.S. General Accounting Office, “Overseas
Presence” (June 1997), na nagsaad, “Military exercises demonstrate U.S.
resolve and capability to project military presence anywhere in the world. “
Sa kasalukuyan, sa ikasasama ng
pambansang soberaniya ng ibang nasyon, ang mga yunilateral na hakbanging
militar ng Estados Unidos ay pinagdedesisyunan ng Estados Unidos bilang
nag-iisang tagapagpasiya ng kapayapaan, bilang tagapagpaganap at tagaseguro
ng kaayusan na pinapaliwanag nito sa ikasusulong ng kanyang sariling
pambansang interes. Ngayon, gusto ba nating pabayaan ang ating interes sa
mga sariling patakarang panlabas at panseguridad upang suportahan ang
Sandatahang Lakas ng Estados Unidos at ang mapanghimasok at
interbensiyonistang istratehiya nito sa mundo?
Hinihintay pa rin nating malaman kung
paano napabuti ng Visiting Forces Agreement ang kalagayan ng Republika.
Basta ang malinaw ay nagdudusa ang Republika sa indignidad ng paglabag sa
sarili nitong Konstitusyon at mga lokal nitong mga batas.
Sa kabuuan, payagan niyo akong idiin
na ang patakarang panlabas ng isang bansa ay pinagpapasyahan ng pulitika,
sistema ng ekonomiya at kultura nito. Marami sa mga pambansang problema
natin ngayon – kabilang ang utang panlabas, malawakang paghihirap,
lumalalang kakulangan sa trabaho, at iba pa – ay sanhi ng ating pagkakasangkot
sa pandaigdigang sistema ng ekonomiya. Dito, ang desisyon at aktibidad ng
mga bansang may dominanteng ekonomiya at pinakamalaking impluwensiya sa mga
institusyon tulad ng World Bank, ang IMF at World Trade Organization ay
nakakaapekto ng malaki sa ating lokal na pulitika.
Ang transnasyonalisasyon, dominasyon
at dependensiya ay nagpapataw ng mga limitasyon sa ating mga patakarang
local, panlabas, at panseguridad. Ngunit, kailangan pa rin alalahanin na
ang ibang nasyon na ating kapareho ng sitwasyon ay mas nakakapagpahayag ng
kanilang pambansang interes at pambansang kalayaan. Nagawa natin ito nung
Setyembre 16, 1991 nang patalsikin natin ang mga base militar sa Pilipinas.
Nagawa natin ito sa kaso ni Angelo de la Cruz, nang magawa nating i-urong
ang mga tropa ng Pilipinas mula sa Iraq.
Sana ay tumulong ang dakilang
unibersidad na ito sa paghubog ng ating mga susunod na lider at
tagapaglingkod upang tumanim sa kanila ang isang malalim na pagkakakilanlan
sa sarili bilang isang Pilipino at layunin, na buong loob na paglilingkuran
ang interes ng bayan, at na mayroong di maytatawarang propesyonalismo at
katapatan. Sa pamamagitan ng mga lider at tagapaglingkod na ganito sa
Serbisyong Panlabas, maaring magkaroon tayo ng mas magandang posisyon sa
pagkamit ng isang malayang patakarang panlabas na ayon sa ating Saligang
Batas.