Articles Archive - Filipino
People's Campaign Against Nuclear Power Plants
LUBUSIN ANG
TAGUMPAY NG MAMAMAYAN LABAN SA BNPP
Tutulan ang Plantang Nukleyar
ni
Roland G. Simbulan
Article Insert
Please also
refer to the following article.
(Keynote Address by Professor
Roland Simbulan before the 1997 5th No-Nukes Asia Forum, a
regional network of anti-nuclear movements in Asia, September
2,1997, Asian Center Auditorium, University of the Philippines,
Diliman, Quezon City,Philippines)
(Keynote Address ni
Professor Roland G. Simbulan, National Chairman ng Nuclear Free Philippines
Coalition sa Unity Assembly on the Bataan Nuclear Power Plant na ginanap
sa Capitol Hills Farm, Balanga, Bataan noong ika-17 ng Abril, 1993)
Magandang umaga po,
lalo na sa mga samahan at marami po sa inyo na nanggaling pa sa iba't- ibang
bayan ng Bataan.
Mga kasama at mga
kaibigan: ang buong Abril ay kadalasang ipinagdiriwang bilang isang
pagdiriwang ng trahedya o pagkatalo ng Pilipinas tulad ng Fall of Bataan at
ng Death March. Mahirap maintindihan kung bakit ginawa pang pista opisyal
ang mga trahedya o pagkatalo natin sa Bataan. Ngunit ang Abril ngayon, lalo
na sa General Assembly na ito, na itinakda sa Bataan, ay ipinagdiriwang
natin at pinararangalan natin lalo na ang mga mamamayan ng Bataan dahil sa
inyong tagumpay sa pagsagka at pagpigil sa 'man-made disaster' na Bataan
Nuclear Power Plant(BNPP).
Kasaysayan ng Pakikibaka
ng Mamamayan Laban sa BNPP
Labing dalawang taon
na mula nang simulang planuhin ang pagtatayo ng BNPP, na nagsimula noong
panahon ng dating diktador na si Marcos. At labing-dalawang taon na nang
magsama-sama tayo sa isang organisadong pagtutol sa plantang nukleyar na
ito.
Martial Law pa noon,
nang itinatag ng yumaong dating Senador Lorenzo M. Tanada, ang Nuclear Free
Philippines Coalition (NFPC). Ang tanging taglay natin noon sa pagsulong sa
gawain, ay ang lakas ng loob, tiwala sa ating sariling lakas, at
determinasyong mapigil ang plantang nukleyar na ito.
Hanggang ngayon,
1993 na, hindi pa napapaandar ang Bataan Nuclear Power Plant! Ito marahil
ang tagumpay na ating ipinagdiriwang ngayon, para sa Bataan, dito sa
Bataan. Tagumpay, hindi trahedya o pagkatalo tulad ng Fall of Bataan o
Bataan Death March. Kung baga sa boksing, panalo na rin tayo sa Round 2!
Kritikal na Oposisyon sa
buong Bataan
Sa matagal na
panahon, iwinagayway ng mga mamamayan ng Bataan ang umuusbong na bandila ng
tagumpay na punla na itinanim ng kanilang PAGKAKAISA, PAKIKIBAKA AT PAGIGING
MATATAG, at nagkakaisang lumalaban sa dambuhalang ito sa Morong. Noong
1984-85, kahit panahon pa ng diktadurang Marcos, halos 10 bayan ng Bataan
ang nagpahayag ng oposisyon sa BNPP, kasama ang mga lokal na pamahalaan,
simbahan at karaniwang mamamayan. Ngayon, ang Bataan ang pangunahing
larangan at sentro ng tagumpay na ito sa oposisyon laban sa Bataan Nuclear
Power Plant. Ito ang dahilan kung bakit ang tinataguriang Unity Assembly na
ito ay ating napagkaisang gawin dito sa inyong lalawigan.
Sa kasalukuyan, ang
tungkulin ng ating mga samahan at organisasyon ay ang gawing lubos at ganap
ang tagumpay ng mamamayan, hindi lamang sa Bataan Nuclear Power Plant o
BNPP, kundi gawing lubos ang tagumpay laban sa lakas nukleyar saan mang
bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Noong 1987, naipagtagumpay ng ating
pagkakaisa ang pagka-titik sa ating Saligang Bataas ang isang mahalagang
probisyon: para sa pagpapalaya ng ating teritoryo laban sa sandatang
nukleyar o nuclear weapons (Sec. 8, Art. II).
Naririto po tayo
ngayon upang sama-sama nating lubusin ang mga ani nating mga tagumpay na
ito. Bakit po ba natin sinasabi na salot, hindi lamang sa partikular, ang
Bataan Nuclear Power Plant, kundi salot ang lakas nukleyar o ang nuclear
power? Ano ang mga pangkalahatang dahilan ng pagtutol natin sa enerhiyang
nukleyar? Ang apatnapung taon ng kasaysayan ng paggamit ng enerhiyang
nukleyar sa mundo ang siyang nagpapatunay na salot ang enerhiyang nukleyar.
Una,
ang paggamit ng plantang nukleyar
ay lubhang mapanganib. Ito aynangangailangan pa ng
masusing pagbabantay at pagsubaybay. Ang aksidenteng nukleyar ay
maaaring makapinsala sa maraming mga lugar na maaaring tumagal sa loob ng
mga libo-libong taon. Hindi katulad ng isang simpleng aksidenteng
idinudulot ng mga plantang kumbensyonal. Lubhang napakalaki ng halagang
kakailanganin upang linisin ang mga nakalalasong dumi at basurang idudulot
ng aksidenteng nukleyar. Tulad halimbawa ng kontaminasyon dulot ng
aksidenteng Chernobyl noong Abril, 1986. Labis na nakapinsala sa 1,500 sq.
kilometers na estado ng Ukraine, 2,000 sq. kms. sa Rusya , maging sa Western
Europe na may mahigit sa 1,000 sq. kms. ang distansiya na naaapekto mula sa
aksidenteng ito. Tinatayang 10,500 sq. kms. ang kabbuang lugar na
naaapektuhan ng mas mataas na lebel ng radyo-aktib na kontaminasyon, hindi
pa kabilang dito ang mga lugar na may mababang lebel ng ikinalat na
kontaminasyon. Bilang paghahambing, ang lalawigan ng Zambales, Bataan ,
Pampanga, Tarlac at Bulacan na pawang malalapit halimbawa, sa Bataan Nuclear
Power Plant, ay may kabuuang sukat na 12, 946 sq. kms.. Ibig ba nating
maulit ang aksidenteng Chernobyl sa ating bansa?
Pangalawa,
ang teknolohiyang nukleyar ay hindi garantisadong ligtas, o hindi
itomapagkakatiwalaan. Ito ay sa kabila ng
pagbibigay ng maraming garantiya ng mga eksperto sa teknolohiyang nukleyar,
ukol sa kaligtasan ng mga paggamit ng plantang nukleyar. Ang karanasan ng
paggamit nito ay nagpapatunay na ang teknolohiyang nukleyar ay laging
nagkakaroon ng depekto. Hindi pa nito nararating ang ganap na perpeksiyon.
Kung pag-aaralan ang
mga nangyaring naidulot ng teknolohiyang nukleyar, mapapatunayan natin kung
may katotohanan nga ang ipinapahayag ng mga nagtataguyod sa paggamit ng
plantang nukleyar. Sinasabi nila na ito ay non-pollutant at "reliable".
Tingnan natin kung ang mga masugid na may panukala nito ay papayag at
mapagkakatiwalaan ang teknolohiyang ito kung ito ay itayo sa paligid ng
kanilang bahay na tinitirhan ng kanilang pamilya!
Hanggang sa
kasalukuyan, ay hindi pa rin nagbabago ang mga ganitong uri ng pahayag mula
sa mga eksperto sa teknolohiyang nukleyar, sa kabila ng nagaganap na mga
pagsasara at mga aksidenteng nagaganap sa plantang nukleyar sa iba't ibang
dako ng daigdig. Marami nang mga plantang nukleyar ang isinasara sa
kasalukuyan sa Estados Unidos at sa Yuropa.
Pangatlo,
ang operasyon ng enerhiyang nukleyar ay nangangailangan ng
napakalaking halaga, lalo na pagkatapos ng mga naganap na aksidente, kung
saan kinailangan nilang dagdagan ng mga napakamahal na "safety instruments"
ang mga ito.
Ipinagmamalaki ng
mga nagtataguyod ng mga enerhiyang nukleyar na mas mura diumano sukatin o
i-metro ang elekstrisidad na galing sa plantang nukleyar. Subalit, batay sa
mga naging karanasan ng ibang bansa na mismo, tulad ng Estados Unidos,
napatunayang ang plantang nukleyar, ang isa ngayon sa pinaka-magastos na
pinagkukunan ng enerhiya. Sa mismong operasyon pa lamang nito, hindi pa
kabilang ang malaki ring halagang kakailanganin sa paglilinis at disposal ng
nuclear wastes. Tinatayang ang halagang gugugulin sa de-komisyoning sa
plantang nukleyar matapos ang 30 taon ay singhalaga rin ng gugugulin sa
pagpapagawa ng isang bagong plantang nukleyar.
Pang-apat,
wala pang solusyon sa suliranin sa nuclear wastes. Sa kabila ng
mahabang taon ng pananaliksik, ang suliranin sa pagbabasura o disposal ng
nuclear wastes ay hindi pa rin nagkakaroon ng katugunan. Ang mga naturang
nuclear wastes na idinulot ng mga plantang nukleyar sa ibang bansa ay
nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan at maaaring abutin pa ito ng
daan-daang taon sa mga lugar na napinsala batay sa radyo-aktib na taglay
nito. Ang kalutasan sa suliranin ng nuclear wastes ay nahahati sa dalawang
aspeto:
Una, dapat na
makagawa ng isang materyal na hindi tatagusan ng mga radioactive wastes.
At pangalawa,
paghahanap ng isang lugar na hindi magbabago o mananatili sa kanyang
kaanyuan, sa ligtas na kalagayan sa susunod na isang libong taon upang
pagtayuan ng mga plantang nukleyar.
Mayroon bang lugar
na tulad nito na payag maging tambakan ng materyal na radyo-aktib? At
ipagpalagay na nating mayroon na ngang nakitang ganitong uri ng lugar na
mapagtatayuan ng plantang nukleyar, sa inyong palagay, sinong matinong bansa
ang sasang-ayong maging tambakan ng ibang tao o ibang bansa ng nuclear
waste? Sa kasalukuyan ay marami nang bansa ang gumagamit ng prosesong
"brain dumping" na tinatawa nila. Kamakailang lamang, ang Rusya ay
naakusahan sa pagtatapon ng nuclear wastes sa dagat ng hilagang Japan.
Mga kaibigan, at
mga kasama, ang mga argumento laban sa enerhiyang nukleyar sa Pilipinas, ay
tunay na mahalaga, at kinakailangang pagtuunan natin ng ganap na pansin.
Unang-una, naririyan ang isyu ng sariling kakayahang pang-enerhiya o "energy
self-reliance". Sinasabing ang enerhiyang nukleyar ang magiging daan upang
tayo ay magkaroon ng sariling kakayahang pang-enerhiya, subalit hindi
maaaring itago ang katotohanang ang usapin sa muling pagbubukas ng BNPP
halimbawa, ay isang patunay lamang na hindi naging matagumpay ang
pamahalaang ito sa pagpapaunlad sa kakayahang pang-enerhiya ng ating bansa.
Noong 1986, halimbawa, ang ating katutubong enerhiya ay 44.3% samantalang,
ang ating inaangkat na enerhiyang nagmumula sa ating bansa ay bumaba.
Bumaba pa ito ng 34.9% samantalang ang ating inaangkat ay tumaas pa sa 65.1%
batay sa status report ng Office of Energy Affairs noong 1991.
Ang paggamit ng
enerhiyang nukleyar ay lalo pang magpapalala sa profile o sa kalagayan ng
ating enerhiya sapagkat ang lahat ng mga nuclear fuels na kakailanganin sa
operasyon nito, itong uranium, ay atin pang aangkatin mula sa ibang bansa.
Naririyan din ang isyu ng pangangailangang pang-teknikal. Ang
pangangailangan sa plantang nukleyar, sa usapin ng lakas paggawa at ng
imprastraktura, ay may kahirapan maging para sa mauunlad na bansa. Maging
sa mga mauunlad na bansa, tinatayang ang pinaka-tipikal na US nuclear
reactor ay nangangailangan ng 4,000 balbula o valves. Ipinakikita lamang
nito na lubhang masalimuot ang imprastraktura ng isan nuclear power plant.
Nang maganap ang aksidente sa Three Mile Island sa Estados Unidos noong
1979, nagpadala ang pederal na pamahalaan ng Estados Unidos ng mga
inhinyero at siyentipikong eksperto sa nukleyar sa lugar ng pinangyarihan ng
aksidenteng ito.
Ang ating bansa ay
wala pang kakayahang gumawa ng gayong hakbangin upang tugunan ang isang
aksidenteng nukleyar, at ito ay hindi isang biro. Noong 1985, 25 bansa ang
nagtayo ng plantang nukleyar. Karamihan sa mga ito ay maibibilang na sa
maunlad na mga bansa. Sa kabuuang bilang na ito, 4 lamang ang nagtayo ng
plantang nukleyar ang nabibilang sa mga bansang papaunlad (developing)
lamang: ang Argentina, Brazil, India at Pakistan. Ang dahilan ay suliraning
pang-teknikal at pampinansiyal. Sa India at Pakistan
halimbawa, maaaring
sabihing ang pagtatayo ng nuclear reactors ay bunga ng pangmilitar
na kadahilanan o iyong
pang-debelop nila ng nuclear weapons sa mga bansang ito. Kung ito ang
paratang ng U.S. sa North Korea, di ba ay matagal nang ginagawa ito ng U.S.
at sumusunod lamang ang North Korea?
Ano po ang
katibayang siyentipiko na nagpapatunay na salot nga ang lakas nukleyar?
Nais ko pong
banggitin sa inyo itong ilang mga recent studies o pag-aaral na ginawa sa
ibang bansa ukol dito sa pagka-delikado ng nuclear energy. Noong 1986,
dalawang Amerikanong siyentipikong ikinomisyon ng US Commission on
Radiological Protection ang nagpatunay na hindi totoo ang tinatawag nilang
pagiging "safe" ng tinatawag nilang low-level radiation. Narito po ang
konklusyon, halimbawa ng ginawang siyentipikong pag-aaral noong 1986 ni Dr.
L. Rothman at ibang dalubhasa tungkol dito sa low-level radiation. Nais ko
pong basahin ang kanilang konklusyon:
"It came as
a big shock to us, in the course of our study of radiation hazards to man,
that the nuclear electricity generation as it develops under the
constitution that there exist some state of serious radiation: what is
worse, is the illusion with the promotion of this atomic energy, electrical
utilities, about the safety of the nuclear manufacturing industries."
Iyon ang kanilang
konklusyon dito sa partikular na pag-aaral na ito.
Noong 1989, mismong
ang U.S. Department of Energy ang nagpagawa ng isang pag-aaral na
pinamagatang " THE SAFETY OF NUCLEAR REACTORS", at ito ay
ipinagawa nila sa Great Haven National Laboratories, kung saan
ipina-estimate po nila ang potensiyal na gagastusin, kung sakaling magkaroon
muli ng aksidenteng nukleyar matapos ang naganap na aksidenteng nukleyar sa
Three Mile Island , Pennsylvania. Ang findings nitong pag-aaral na ito, na
ginawa mismo ng U.S. Nuclear Regulatory Commission ay nagsasabing
napakalaking gagastusin sa isang aksidenteng nukleyar.
Isa ring
pananaliksik ni Dr. Harris Stewart ang nagpatibay at nagpatunay sa
kaugnayan ng low-level radiation na lumalabas sa mga plantang nukleyar, at
mga sakit tulad ng kanser at leukemia. Isa rin pong mahalagang finding niya
rito ay iyon ngang nagkakaroon ng exposure na karaniwang mga buntis na
kababaihan at ang mga buntis na kababaihan na nagtatrabaho dito sa nuclear
power plants sa Amerika, ay mas mataas ang nagaganap na pagkalaglag
(abortion) ng kanilang mga anak dahil sa exposure dito sa mga tinatawag na
low-level radiation sa mga nuclear power plants.
Ang ikalawang
pinaka-bagong pag-aaral ukol sa banta ng nuclear power ay nasa dala kong
aklat ngayon. Ito ay may pamagat na EXPOSURE: VICTIMS OF RADIATION SPEAKOUT. Ang aklat na ito ay inilathala noong nakaraang taon
lamang, noong 1992. Nai-dokumento nito ang mga komunidad, ang mga epekto ng
exposure sa radiation ng mga normal na operasyon ng mga nuclear power plants
sa labing-limang mga bansa sa iba't ibang dako ng daigdig, kasama ang
Estados Unidos, dating Unyong Sobyet, kasama rin ang South Korea, Pransiya,
Britanya, Brazil, at iba pang mga bansa, kung saan may mga nuclear power
plants. Nailathala nila at nakapanayam ang mga naninirahan sa mga komunidad
sa paligid ng mga nuclear power plants. Nais ko lamang basahin ang ilang
konklusyon ng aklat na ito. Batay sa ginawang pag-aaral ng awtor ng aklat,
"Exposure to radiation does not only come from nuclear testing but
also from the so-called peaceful uses of nuclear energy in different
countries." At napag-alaman dito na ang rate ng kanser at leukemia
sa mga komunidad na nakapaligid sa mga plantang nukleyar ay halos mas mataas
ng 40% kahit na sa normal na operasyon pa lamang ng nuclear power plant, na
walang aksikente o radioactive leaks na nagaganap. Ito ang binabanggit
kanina na "low - level radiation. "
Ano naman ngayon ang
katayuan o status ng industriyang nukleyar sa iba't ibang bansa? What is
the status now of the nuclear energy industry in different countries of the
world?
Kung atin poong
uunahin ang Estados Unidos, mula noong 1978, nang maganap ang Three Mile
Island accident hanggang sa kasalukuyan, wala nang itinatayong nuclear power
plant sa buong Estados Unidos. Ang mga dati nang nakatayo at ginagamit nila
ay kanilang ikino-kombert sa combined cycle na planta. Ang pinaka-tanyag ng
kumbersyon ng isang dating nuclear power plant ay ang Combined Cycle Plant
sa State of Michigan sa Estados Unidos. Pina-kombert ng mga mamamayan mula
ang plantang nukleyar na ito dahil sa pangangambang ito ay magdudulot
lamang ng salot at sakuna sa kapahamakan at kasakitan ng mamamayan.
Sa iba't ibang dako
naman ng daigdig, ang bansa na pinakamaraming ginagamit na plantang nukleyar
sa kasalukuyan ay ang France. Ang Pransiya sa ngayon, halos 70% ng kanyang
energy requirement ay nanggagaling sa plantang nukleyar. Ngunit lumalakas
at tumitindi ang oposisyon ng mga mamamayan sa Pransiya ukol dito sa mga
plantang ito at lumalakas din ang panawagan na i-convert ito sa non-nuclear
power plants, lalo na sa teknolohiya ng safe and renewable energy tulad ng
wind power, solar power at iba pa.
Gayon din sa Japan,
bagamat ang Japan ngayon ay 18% lamang ang kanyang energy dependence na
umaasa sa plantang nukleyar. Ngunit malakas at lalong lumalakas ang
oposisyon mula sa mga mamamayang Hapon laban sa mga nuclear power plants. Sa
kabuuan po ay mayroon pang 421 nuclear power plants na nakatayo sa buong
daigdig. Marami po sa 421 na ito, lalo na iyong nasa dating Unyong Sobyet
at Eastern Europe ay ipinasasara dahil sa mga depekto o dahil dito sa lakas
ng oposisyon ng mga mamamayan. Kaya, iyan po ang ilang mga updates na gusto
kong ibahagi ukol sa katayuan ng industriyang nukleyar sa iba't ibang bansa.
Nais ko rin pong
banggitin na noong nakaraang taon, nang ako ay dumalo sa isang pandaigdigang
kumperensya sa Berlin, Germany noong November 1992, nagkaroon din po ako ng
pagkakataong makausap si Dr. Vladimir Chernousengko, isang nuclear scientist
ng Unyong Sobyet na inatasang maging Chief Coordinator sa clean-up matapos
ang aksidente sa nuclear power plant sa Chernobyl. noong 1986 po, nang
naganap ang Chernobyl accident, si Dr. Chernousengko ang siyang na-appoint o
naatasan ng Soviet Premier na si Gorbachev noon, na siyang mamahala sa
clean-up o pag-aalis ng radioactive material na kontaminasyon sa Unyong
Sobyet. Sa kasalukuyan ito pong si Dr. Chernousengko ay namamatay na. Ayon
sa kanyang mga doktor, dalawang taon na lamang ang nalalabing panahon sa
kanyang buhay, sapagkat siya ay nagkaroon ng tinatawag na radioactive
poisoning. Siya po ngayon ay isa nang masugid na anti-nuclear power plant
advocate. Biro niyo po, itong top nuclear scientist ng Unyong Sobyet ay
naging advocate laban sa nuclear power! Ayon sa kanya ay naka-protective
suit pa sila noong clean-up. At ngayon, ilang taon lamang mula noong 1986,
unti-unting namamatay ng leukemia at 57 taon lamang po ang edad niya.
Sa kabila ng
protective susit nila noong clean-up ng nuclear radiation sa Chernobyl, ay
tila walang bisa ang kanilang protective suit at siya ay nagkaroong ng
massive exposure dito sa radioactive poisoning. Kapag nagkaroon ka ng
radioactive poisoning, ang iyong immunity system po ay nagbe-breakdown.
Parang AIDS daw iyan. Kapag na-expose ang inyong katawan sa low-level
radiation sa mahabang panahon, ang ating immune system o ang sistema ng
ating katawan na labanan ang mga infections o mga sakit, nagbe-breakdown,
nawawala, kaya nga po parang AIDS. Ito pong si Dr. Chernousengko, nang
aking makausap sa Yuropa, noong nakaraang taon , ay nagpapagamot sa Germany
para sa kanyang malubhang sakit. Pero ang sabi ng kanyang mga doktor,
dalawang taon na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay, kaya siya ay isa sa
pinakamasugid na advocates ngayon laban sa mga nuclear power plants sa
Yuropa lalo na sa dating Unyong Sobyet. Isa po siya sa mga naging panauhin
at ispiker sa pandaigdigang kumperensya na aking dinaluhan sa Berlin,
Germany noong 1992.
Nais ko pong sumahin
o i-sum up sa inyo ngayon, ang ilan pong mahahalagang bagay na dapat natin
sigurong maliwanagan ukol dito sa lakas nukleyar o nuclear energy na
tinatawag natin. Sa isang pag-aaral na ginawa ng isang Amerikanong
pahayagan, ang Asian WallStreet Journal
sa 110 nuclear power plants plants na nakatayo sa Estados Unidos, mayroon
daw trend na ipinasasara na o nakatakdang i-dekomisyon . Ang life span po
ng nuclear power plants ay dapt na maximum na ang 30-40 taon. Ngunit sa
kasaysayan ng Estados Unidos sa mga nuclear power plants, ang average na
operational life ng isang nuclear power plant ay umaabot lamang sa 12.7
taon, sapagkat karaniwan sa mga ito , isinasara dahil sa mga depekto na
maaring humantong sa sakuna o kapahamakan ng komunidad.
Ayon din sa ginawang
pag-aaral ng Asian Wall Street Journal, ang dismantling o
de-commissioning cost ng mga nuclear power plants ay napakataas. Sa kaso ng
Estados Unidos, ang decommissioning ng is ang 330 megawatts na power plant
sa Colorado, halimbawa, ay gumastos ng $330 million na 50% pa na mas
magastos sa pagtatayo o construction cost na $224 million U.S. dollars. At
iyong dagdag pa rito ay iyong dismantling cost na umaabot ng $50 million
U.S. dollars.
Iyan po ang ilan sa
mga konklusyon nitong mga pag-aaral ukol sa mga U.S. nuclear power plants.
Mga kasama at mga kaibigan, ano po ngayon ang ating mga tungkulin upang
gawin nang lubos ang ating mga nakaraang naaning tagumpay?
Una,
pangunahing tungkulin po natin ang lalong imulat ang ating mamamayan sa
salot na lakas nukleyar.
Pangalawa,
isaliksik at ipalaganap ang alternatibong di nukleyar na gamit ng BNPP para
sa benepisyo ng mamamayan. Kaugnay po nito, nais ko pong banggitin sa inyo
itong isang artikulo na sinulat ng isang dating retiradong pinuno ng Nuclear
Fuel Research Division ng dating Philippine Atomic Energy Commission o
PAEC (ngayo'y Philippine Nuclear Research Institute). Ito pong artikulong
ito ay sinulat ni Mr. Gabriel Santos na dating pinuno ng Nuclear Fuel
Research Division ng PAEC sa isang artikulo sa isang scientific journal, at
batay sa kanya, ang BNPP ay malaki ang posibilidad na ma-kombert sa isang
combined cycle gas turbine plant at iyon ang kanyang unang alternatibo. Ang
kanyang pangalawang alternatibo ay ito: "government should serve all
suitable components of infrastructures of theBNPP",
at inirekomenda rin niya rito ang pag-adopt ng gas turbine combined cycle sa
kumbersyon ng nuclear power plant sa Bataan. Ang artikulong nabanggit na
ito ay pinamagatang "The Feasibility of the Alternative Uses of
BNPP."
Narito sa mga
nabanggit ang mga posibleng alternatibo para sa kumbersyon ng plantang ito
sa Bataan, ngunit, tulad ng nabanggit ko na, bagaman tayo ay sang-ayon sa
permanenteng "mothballing" ng BNPP at kumbersyon nito sa isang di-nukleyar
na alternatibo, hindi rin tayo sang-ayon sa pagtatayo nila ng iba pang
plantang nukleyar sa iba't ibang lugar sa ating bansa.
Pangatlo,
ipaglaban natin nang may determinasyon at sigasig hanggang sa ganap na
tagumpay ang kaso sa korte ng Pilipinas labans sa Westinghouse sa New
Jersey. Sa kanyang pahayag sa pag-dismiss sa Westinghouse motion para sa
summary judgement, sinabi ni US District Judge Debevoise noong Sept. 20,
1992:
"Mayroong sapat na
ebidensiya na kapwa ang Westinghouse at Burns & Roe ang mabibigyan ng
kontrata at ang mga suhol o bayad kay Marcos sa pamamagitan ng isang
intermediary ay kailangan para makuha ang kontrata. May sapat na
ebidensiyang kinuha ng Burns & Roe at Westinghouse, si Herminio Disini, para
sa pag-akit ng paborableng atensiyon ni marcos at inatasan ng dalawang
kumpanyang nabanggit na anumang ibabayad ni Disini sa kanyang galamay ay
papasa kay Marcos."
Ito ang pahayag at
desisyon noong nakaraang taon ng presiding judge kaya malakas ang ating kaso
ukol dito at sana ay patuloy pa nating subaybayan ito at maipagtagumpay ang
kasong ito.
Pang-apat,
dapat na rin sana tayong kumilos upang balasahin at ma-reorganisa ang
Philippine Nuclear Research Institute o PNRI na dating Philippine Atomic
Energy Commission. Ang PNRI ay inatasan ng batas na mag-regularisa at
mag-kontrol ng paggamit ng lakas nukleyar sa ating bansa. Ngunit hindi ito
binigyan ng kapangyarihan ng batas na siyang maging tagapagtaguyod o
tagapag-promote ng pag-unlad ng nuclear power sa ating bansa. Ang tungkulin
ng PNRI ay ang proteksyon ng kaligtasang publiko at safety sa paggamit ng
lakas nukleyar. Bilang tagapagbigay ng lisensiya, sa mga nagnanais na
magpatayo at sa operasyon ng nuclear power plants, walang sinasabi sa batas
na ito na dapat ngang maging tagapagbenta ng lakas nukleyar sa mga mamamayan
ang PNRI. Bakit po tila sila ang nagiging tagapagbenta nitong BNPP ng
Westinghouse noong nakaraang taon nang pinag-uusapan sa Kongreso ang BNPP?
Bakit sila pa ang dumedepensa sa transaksyong ito?
Kamakailan lamang,
sa usaping ng plutonium shipments ng Japan mula sa Yuropa na dadaan sana sa
mga sea lanes na malapit sa Pilipinas, halos 23 na mga nakapaligid na bansa
at pamahalaan kasama na ang Indonesia, ang tumuligsa sa Japan dahil sa
delikadong plutonium shipments. Ngunit ang PNRI natin dito ang siyang naging
tagapag-depensa dito sa plutonium shipments. Sabi ng sa investigative
report ng US subcommittee on General Oversight and Investigation , Interior
and Insular Affairs, ng US House of Representatives noong Dec. 1982 sa isang
opisyal na ulat:
"Nuclear
Power is a technology both delicate and potentially devastating which can
affect the health and the lives of millions of people."
Batay sa kanyang
kilos at mga pahayag, ang pNRI ay hindi na isang neutral na ahensiya na
malaya sa industriyang nukleyar. Ito ay wala nang moral na awtoridad sa
kanyang papel bilang isang regulatory body. Dapat sigurong balasahin o
i-reorganisa ang ahensiyang ito sa ating pamahalaan.
Panglima,
dapat na sanang manawagan na itigil o i-suspindi ang pagbabayad ng BNPP loan
dahil sa kaso natin laban sa Westinghouse, hanggang sa ma-resolba sana ang
kaso sa korte sa New Jersey. Mayroon pang halos US$1.2 bilyon ang
hinihiling na bayaran ng Pilipinas sa mga bangko para sa BNPP.
Kinakailangan pang maging follow-up itong policy decision na ito sapagkat
matatandaang noong 1986, nang gawing desisyon ng pamahalaan ni Pangulong
Cory Aquino na i-mothball ang BNPP, sa taon ding iyon, siya ay gumawa ng
policy desisyon na contradictory naman sa pagmo-mothball ng plantang
nukleyar. Dahil noong Oktubre, 1986 sa talumpati niya sa harap ng US
Congress, nangako ang dating Pangulong Aquino na babayarin natin ang lahat
ng ating mga utang na ginawa ng diktador na si Marcos kasama na ang
tinatawag na "fraudulent loan" tulad ng utang sa BNPP. Kaya ang nangyari
po, dahil sa contradictory na desisyong ito, humina ang ating kaso sa
Westinghouse na naka-sampa sa U.S. laban sa Westinghouse. Humina rin ang
tindig ng policy-decision ng pamahalaan ng Pilipinas na i-mothball na ang
planta. Ito rin pong desisyon noong Dec. 2, 1992 na i-reject ang
out-of-court settlement sa Westinghouse ng Pilipinas, ay pinapahina rin po
ng ating patuloy na pagbabayad ng BNPP loans.
Pagkat, habang
hinahayaan natin ito, hindi lamang humihina ang ating ekonomiya; hindi
lamang inaagawan ng gatas ang ating mga musmos na mga sanggol, hindi lamang
po inaagawan ng mga paaralan at klinikang pangkalusugan ang ating mga
mamamayan, kundi pinahihina ng policy decision na ituloy ang kaso laban sa
Westinghouse.
Panghuli,
kinakailangan natin patuloy na tutulan ang pagbibigay ng hinihinging
Emergency Powers ng Pangulong Ramos na gagamitin laban sa anumang malayang
talakayan at oposisyon dito sa BNPP at lakas nukleyar. Kailangang patuloy
nating ipakita sa pamahalaan na malawak at malalim ngayon ang oposisyon
laban sa lakas nukleyar. Sa ganyan ay higit tayong makatitiyak sa ating
lubos, ganap at hindi mapipigilang tagumpay.