Lapu-Lapu: first defender of our people's
sovereignty. by Roland G.
Simbulan
This Lecture about Lapu-Lapu, the Philippines' first
successful defender of our shores, advocates the declaration of April 27 as
an official national holiday to commemorate the Battle of Mactan where Lapu
Lapu and his men defeated the Spanish conquistadores led by Ferdinand
Magellan and set back Spanish colonization of the Philippines by more than
40 years. The author believes that April 27 should be commemorated
officially like July 7, the founding date of the Katipunan revolutionary
movement which led the Revolution against Spain. It is better to commemorate
these victories than such occasions as the Fall of Bataan (April 9).
This was originally published in the Pilipino daily, Kabayan, August 24,
2000.
LAPU-LAPU: UNANG TAGAPAGTANGGOL NG KALAYAAN
Talumpati sa Okasyon ng Anibersaryo ng Pagkatatag ng
Katipunan,University of the Philippines-Manila, July 7, 2000. Unang
inilathala sa pahayagang KABAYAN, Agosto 24, 2000.
Si Lapu-Lapu, na pinangalanang "Kalipulako" sa
Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong 1898, unang naitalang matagumpay
na tagapagtanggol ng ating pambansang soberanya laban sa dayuhang (Kastila)
mananakop. Ang kanyang kabayanihan at mahusay na pagsasanggalang sa ating
teritoryo't kapuluan ang naging daan ng kanyang pagiging simbola ng kalayaan,
kahusayan at kadakilaang antas ng ating pambansang katangian.
Ang engkwentro sa Mactan ay nararapat lamang ipagdiwang
bilang isang malaking tagumpay na dapat alalahanin ng lahat ng Pilipinong
mapagmahal sa kalayaan. Dahil noong makasaysayang araw ng Abril 27, 1521, si
Datu Lapu-Lapu ng Mactan at ang kanyang mga mandirigma ay pumaslang ng
mananakop na Kastilang si Ferdinand Magellan at matagumpay na nagtaboy sa
mga dayuhang mananakop.
Ngayon, ang Lapu-Lapu ay biru-biruang kilala bilang
isang tanyag na isdang kumagat kay Magellan hanggang sa ito'y mamatay.
Ito ang dahilan kaya't si Lapu-Lapu ay pinangalan sa isang pulutong na isda.
Sa isang maliit na lugar sa mabakawang dalampasign ng Barangay Punta Engano,
sa Isla ng Cebu ay nakatindig ang bantayog ni Datu Lapu-Lapu na armado ng
espadang Kampilan at lapidang may ganitong nakaukit:
"Ang pook na ito ay tanda ng isang tagpo ng labanan
noong Abril 27, 1521 sa pagitan ng mga Pilipinong pinamunuan ni Lapu Lapu
laban sa mga Kastilang pinamunuan naman ni Magellan nagwakas sa ganap na
pagkapanalo ng mga Pilipino. Si Magellan ay napaslang at mula noon, si
Lapu Lapu ay itinuring na unang Pilipinong nagpaurong sa pananalakay ng mga
Yuropeo."
Itong talambuhay ng ating unang tagapagtanggol ng
kalayaan ay isang handog para sa pinunong ito na nagwagi noong Abril 27,
1521 at pinaniniwalaan ng may-akda na ang araw na ito ay dapat ipagdiwang
bilang isang pambansang kapistahan. Mabuti pang palitan ang "Fall of
Bataan" o "Bataan Day" (April 9) at ihalili ang petsang April 27 bilang
pambansang pagdiriwang. Sino ba si Lapu-Lapu at ano ang mga nalalaman
natin tungkol sa kanyang magiting na pamumuhay at pag-uugali?
Ang mga magulang ni Lapu Lapu ayon sa kwento ay
sinasabing sina Kusgano at Inday Puti. Siya ay may nakatatandang
kapatid, si Mingming. Ang pangalang Mactan ay sinasabing nagmula sa
kanyang lola, si Matang Mantaunas, na sinasabing isang makapangyarihang
reyna sa kanyang kapanahunan. Si Lapu Lapu ay isang pinaka-iginagalang
na Bagani, isang matandang salita para sa mandirigma, kilala dahil sa
kanyang katapangan at kakayahan ng pakikidigma. Sinasabi rin na si
Lapu Lapu ay ikinasal sa isang magandang Prinsesa, si Bulakna, na anak ni
Datu Sabtano, at nagsilang kay Sawili na lumaking isang matapang na
mandirigma gaya ng kanyang ama.
Si Lapu-Lapu ay sinasabing isang di-pangkaraniwang tao
na iginagalang na pinuno. Sa panahon ng tanyag na Labanan sa Mactan na
nagpakilala kay Lapu-Lapu bilang unang matagumpay na tagapagtanggol ng
kalayaan ng ating bayan, sinasabing siya ay nasa kasukdulan ng kanyang
pisikal na lakas sa pagiging isang lalaki. Maging ang mananalaysay na
Portuges na si Gaspar Correa na kumausap sa nakaligtas na tauhan ni Magellan
sa India ay humanga sa pamamagitan ng nabuhay na saksi na nagsabing si
Lapu-Lapu ay isang hari na nakitungo ng maayos at "nagpapalakas ng loob sa
kanyang mga tauhan at nakidigma sa mga mas makapangyarihang mga tribo." (Lendas
de India por Gaspar Correa, v.2, p. 630).
Gayunman, si Lapu-Lapu ay isa nang makapangyarihang
pinuno ng isang alyansa o kompederasyon ng pitong tribo sa isla ng Mactan
nang dumating si Magellan para sakupin ang isla para sa korona ng Espanya.
Ang katanyagan ni Lapu-Lapu bilang mandirigma ay kilala na kung kaya't si
Sebastian de Elcano, ang humalili kay Magellan nang ito'y mapatay, ay
inilarawan si Lapu-Lapu sa mga salitang ito:
"Mayroong islang malapit na tinatawag na Manthan (i.e.
Mactan), ang hari nito ay higit na iginagalang bilang isang mahusay na
lalaki sa sining ng pakikidigma at itinuturing na mas makapangyarihan sa
lahat ng kanyang kapitnayon..." (sinipi sa Gonzalo de Oviedo y Valdez,
Segunda Parte de la Natural y General Historia de las Indias Yslas y Tierra
Firme de Mar Oceano, Villadolid, 1552 fol. Viii, verso).
Ang mga kasilang manunulat, bagaman may kinikilingan,
ay nagtala at naglarawan ng makasaysayang kultura bago dumating ang mga
mananakop at sibilisasyon na kanilang napagmasdan sa pamamagitan ng
pakikisalamuha sa mga naninirahan sa ating mga isla. Si Francisco
Alcina, sa kanyang Historia de las Islas y Indios de Bisaya (MS 1668), ay
naglarawan na kahit na ang pag-inom ng alak sa komunidad nina Lapu-Lapu ay
isang seryosong gawain. " Sa pagdating ng mga bagay, maging pampulitikong
proyekto, utos mula sa hari o sa kanyang mga opisyales, o kahit anong
trabaho at kanilang tinatalakay ang pinakamabuti, pinakamabilis at pinaka
madaling paraan upang maihatid ito, at kung sila'y nagkikita ng malungkot at
walang kaunting alak upang bigyang buhay ang kanilang interes, sila'y nag-uusap
muna nang mahinahon. Subalit, matapos ang inuman, sila na nagmungkahi
ay gagawin ito ng may kahusayan at ang mga tumugon ng may malayang
pagpapasiya, lahat ng nagpasya na may pagkakapantay-pantay."
Mga Pangyayaring Nagpasimula ng Labanan sa Mactan
Ang unang paglalayag ng mga Kastila sa Pilipinas ay
pinamunuan ng isang manlalayag na Portuges na si Fernao de Magalhaes (Pangalang
Portuges) o Hernando Magallanes (Pangalang Kastila) o Ferdinand Magellan (na
higit nating kilalang mananakop sa mga aklat ng kasaysayan ng Pilipinas) ay
dumating sa gitnang bahagi ng Kabisayaan at kumuha ng mga ari-arian, sa
pangalan ni Haring Carlos I ng Espanya sa Samar, Leyte at Cebu na
pinagsama sa iisang pangalang "Isla ni San Lazaro."
Dala ang bandila ng Espanya, si Magellan ay
pinarangalan ng mga Kanluraning mananalaysay para sa kanyang "pagkakatuklas"
ng mga grupo ng isla na ng magtagal ay pinangalanang Pilipinas, bilang
pagpaparangal sa Hari ng Espanyang si Felipe II. Subalit, ang mga islang ito
ay di na nararapat pag tuklasin. Ito ay matagal nang kilala ng mga tao sa
Timog-Silangang Asya libong taon na ang nakalipas. Ang mga Arabo,
Hindu at mangangalakal sa Tsino, at ang mga Portuges na rin ay
dumating sa islang ito na mas nauna pa kay Magellan.
Sa gayon, hindi talaga si Magellan ang "nakatuklas" ng
mga isla ng Pilipinas. Subalit, siya ang nakatuklas ng ruta upang
makapaglayag sa buong mundo sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanluran ng
Atlantiko, paibaba ng Amerika at patawid sa Pasipika upang makarating sa
Silangan. Ang tunay na natuklasan ni Magellan ay ang "daang patungong India"
na nabigong makita ni Columbus. Pinaniniwalaan ni Columbus na ang
Amerikang kanyang natagpuan ay ang Indies (India).
Ang mga tao sa mga islang nilakbay ni Magellan ay wala
pang konsepto ng isang nasyon o bansa. Subalit, mayroon na silang
pang-unawa sa konsepto ng balangay (pamayanan) at kung paano nila
protektahan at itaguyod ang kanilang kapakanan at ipaglaban ang kanilang
interes laban sa iba pang mga interes. Ito ay nagpapahiwatig ng magkatuwang
na proteksyon at benepisyo ng islang pinaglalaban nina Lapu-Lapu at kanyang
mga tauhan laban sa mga Kastilang mananakop.
Ang mga kasapi ng pamayanan ni Lapu-Lapu sa Mactan ay
nabubuklod ng matinding damdamin ng katapatan at pinag-isang wika, batas,
seremonya, relihiyon, at mga trandisyunal na ugali. nang magbanta ang
panganib, sila'y humarap nang matatag. Nagtulung-tulong sila upang
makipaglaban sa pagtatanggol sa kanilang bayan at pamumuhay na malaya.
Ang mga Kanluranin ay tumutukoy sa Silangang mga
pamayanan bilang tribo o tribolismo, nang sa huli'y umunlad patungo sa
Nasyonalismo, nang magkakahiwalay na tribo ay magkaisa sa iisang malaking
grupo o bansa matapos mapagtantong ang kabutihang dulot ng pagkakaisang
pulitikal at ang magulong mga pangyayari sa pagkakawatak-watak at mga
tunggalian. Ang nasyonalismong Pilipino ay nagmula sa mga maliliit na
pamayanang tinatawag na balangay o barangay. Gayon din ang nasyonalismo ng
mamamayang Bangsa Moro. Sa pagdating ng mga Kasila noong Ika-16 na siglo,
ang kapuluang ito ay pinananahan ng pamayanang Malay gaya ng pinamunuan ni
Lapu-Lapu, bawat isa ay pinamumunuan ng isang datu o raha na namamahala ng
batas at kanilang mga gawain. Mapaghangad sila sa kalayaan at nakahandang
magbuwis ng buhay upang ipaglaban ito kung kinakailangan.
Sa simula ng kanyang pagpunta sa mga isla, si Magellan
ay sumuway na sa lokal na batas at tradisyon. Nagkamali rin siya sa
pagsangkot sa internal o panloob na kontradiksyon sa pamamagitan ng pagpanig
nito sa pangunahing kaaway ni Lapu-Lapu, si Humabon ng Isla ng Cebu.
Humingi ng buwis si Magellan kay Lapu-Lapu subalit,
tumanggi ang huli at nagsabing si Magellan ang dapat magbayad nito.
Hiningi rin ni Magellan kay Lapu-Lapu na isailalim ang sarili kay Humabon,
ang kanyang pangunahing kaaway.
Di gaya ni Humabon, si Lapu-Lapu ay may tapang ng loob
na tumanggi sa mga kagustuhan ni Magellan na kilalanin ang kapangyarihan ng
Espanya, tanggapin ang Kristiyanismo at iwanan ang sariling kinagisnang
katutubong relihiyon. Hindi niya pinaniniwalaan ang mga pangako ng mga
mananakop at kanyang napagtanto ang panganib ng pagtanggap ng iniluluhog na
pakikpagkaibigan at proteksyon sa kalayaan at pamumuhay ng mga tao.
Si Lapu-Lapu ay isang maalalahanin at isang taong puno
ng pangarap. Hindi man lamang siya nasilaw sa mga bago at kaakit-akit
na bagay na dala ng mga Yuropeo gayundi sa kanilang makikintab na baluti at
mga sandata.
Nagulat si Magellan sa 'di-pagsunod ni Lapu-Lapu, ang
pinuno ng maliit na isla. Inaasahan niyang magiging masunurin din ito
gaya ng Raha ng Cebu, si Humabon na pumayag pang pabautismuhan (baptize) ang
sarili, ang mga asawa't anak, pati na rin ang mga tagasunod nito. Sila
rin ay nangako ng katapatan sa malayo't di-kilalang hari ng Espanya at
maghandog pati ng regalo para rito.
Batid ang paghamon ni Lapu-Lapu. inutusan ni Magellan
ang sangay ng mga mandaragat sa ilalim ng pamumuno ni Konstable Gonzalo
Gomez de Espinosa na magtungo sa Mactan. Sa pagdating nila sa nayon,
ang ikinilos nila ay parang hayop. Pinagsamantalahan nila ang mga
kababaihan, ninakawan ang bayan at bago umalis ay sinunog ang lahat ng mga
madaanang tahanan.
Matapos ang malupit na kaparusahan, nagdemanda si
Lapu-Lapu kay Magellan ng sapilitang buwis na binubuo ng may tiyak na bilang
ng mga baboy, kambing, manok, buko at malaking bulto ng bigas. Si
Lapu-apu, sa katunaya'y nag-alok lamang ng 2/3 na bayad ng kabuuang bilang
na hinihingi. Tinganggihan ni Magellan ang kanyang (Lapu-Lapu) alok.
Si Magellan ay nag-anunsyo sa kanyang mga tauhan ukol
sa pamumuno nito sa isang ekspedisyon upang parusahan at bigyang leksyon si
Lapu-Lapu. Nagtaka ang lahat nang marinig ito. Ang lahat ng
nasasakupan ni Kapitan Juan Serrano, maging ang kanyang pinsan ay tumanggi
sa kanyang pasya. Mahigpit nilang sinabi na labag sa kolonyal na patakaran
ng Espanya ang makialam sa lokal na pulitika at pinaalala rin nila kay
Magellan na ang mismong iniatang sa kanila ng hari ay ang makita ang daang
pakanluran sa Spice Island o ang Molukas at magdala ng panrekado sa Espanya;
at hindi upang manakop at baguhin ang mga pagano tungo sa Kristiyanismo.
Pinakiusapan nila si Magellan na lumayo't iwan na lamang ang Cebu at
magtungo sa Ternate.
Matigas ang ulo ni Magellan. Paulit-ulit niyang
pinagpasiyahang parusahan si lapu-Lapu at mamuno ng isang paglalakbay laban
dito. Sa bandang huli, kinuha ng kanyang mga tauhan ang kanyang
atensyon upang alamin ang utos ng hari, na ang Kapitan Heneral o Kumander ay
kinakailangang maiwan kasama ang mga hukbong pandagat at hindi itaya ang
buhay sa mga lupain. Nag-isip si Magellan pagkarinig nito at animo'y
nakumbinsi; ngunit nang marinig niya ang isang tao -- na marahil ay si
Sebastian del Cano na nagsasabing sa kanyang edad, ang isang lalaki ay 'di
na dapat sumali sa mga labanang kamay sa kamay, na nagpapahiwatig na siya'y
matanda na at laos na. Labis na nag-alala si Magellan. Dito
nasaktan ang kanyang amour propre.
Muling nanawagan si Magellan ng may pagtatapos ang
kanyang gagawing plano at hindi niya pipilitin ang sinuman sa kanila na
makilahok sa binabalak na ekspedisyon laban kay Lapu-Lapu. Isasama
lamang daw niya ang mga nais magboluntaryo, dagdag pa rito ang krus ni
Kristo at ang tulong ng kanyang Patron, ang Birhen ng Tagumpay. Ayon
sa kanya, siya ay magtatagumpay sa labanan bilang sundalo ni Kristo.
Ang mga tauhan ni Magellan ay nangagsipagtaka. Inakala
nilang nawawala sa katinuan ang kanilang Kapitan Heneral. O kaya'y,
nakulam na. Hindi na siya kinakitaan ng interes na magkarga ng
mahahalagang gamit sa kanyang sasakyang pandagat. Ngayon, mas naging
mahalaga sa kanya ang pagliligtas ng mga kaluluwa.
Ang Raha ng Cebu na si Humabon, na may sama ng loob sa
pinuno ng Mactan, ay nag-alok kay Magellan na manatili na lamang si Humabon
na nakamasid sa malayo upang makita kung paano lumaban ang mga Kastila.
Ang
Tagumpay sa Mactan
Ang paglalayag nina Magellan ay binubuo ng 60 tauhan sa
grupo: mga taga-pamahala ng barko, mga sundalo, mga marino, kasama si
Enrique, ang kanyang matapat na aliping Malay, si Pigafetta at ilan pang iba.
Ang Raha ng Cebu, si Humabon, ay sumama sa paglalakbay
bilang tagamasid. Ang mga tauhan naman ni Magellan ay nasa corselets
at may dalang espada, sibat, harquebuse, at crossbows. Lulan ng
tatlong maliliit na barko ay dumaong sila ng hatinggabi sa Mactan. Bago sila
umatake, pinadala ni Magellan sa pampang ang isa sa kanyang mga tauhan na si
Cristobal el Moro upang sabihin kay Lapu-Lapu ang alok na pakikipagkaibigan
ni Magellan sa pamamagitan ng pagpapasakop sa hari ng Espanya,
pagpapasailalim sa Kristiyanong Raha ng Cebung si Humabon at pagbabayad ng
buwis sa Kastila. Kung sila'y tatanggi, pagmamalaki ni Magellan, ay makikita
niya kung paano sumugat ng isang mortal ang sibat ng mga Kastila.
Sa mensaheng ito ni Magellan ay sumagot si Lapu-Lapu na
kung ang mga Kastila ay may mga sibat at lanseta, ang kanyang mga tauhan
naman ay mayroon ding kawayang sibat at tulos ng kahoy na pinainit ng apoy.
Sa pagpapakita ni Lapu-Lapu ng 'di pagkatakot, si
Humabon ng Cebu ay muling nakipagpakita ng mga sundalo kay Magellan, subalit,
tumanggi pa rin ang huli. Hindi makadaong ang bapor sa pampang dahil
sa kababawan ng tubig at mga nagkalat na koral. Ang mga Kastila, dala
ang kanilang mabibigat na baluti at mga sandata ay kinakailangan upang
maglunoy sa pampang. Sinalubong sila ng humigit-kumulang 1,500 mandirigma ni
Lapu-Lapu na nahahati sa tatlong grupo na gumagawa ng pambihirang ingay sa
pamamagitan ng digmaang-sigaw (warcry). Pinasabugan at pinaputukan
sila ng mga mananakop sa loob ng kalahating oras subalit, ito'y nagdulot
lamang ng maliit na pinsala dahil sa kahsirapan sa malayong distansya nila
mula sa mga mandirigma ng Mactan.
Ang mga sundalo ni Lapu-Lapu, sa pagkakatunghay sa mga
di-epektibong armas ng mga Kastila dahil sa kalayuan nila nang paputukin, ay
mas tumapang pa at nangagsipaghagis ng kanilang mga sibat, pana at bato.
Sa pagnanais naman na paghiwa-hiwalayin at lituhin ang mga mandirigma ng
isla, iniutos ni Magellan sa kanyang mga tauhan na sunugin ang kalapit-nayon.
Tinupok ng apoy ang ilang mga bahay na lalong ikinagalit ng mga mandirigma
ng Mactan, at dali-dali naman pinuntahan ng iba ang kinaroroonan ng mga
Kastila at pinatay ang dalawa rito. Napuna rin nilang ang mga binti ng
sundalong Kastila ay 'di napoprotektahan ng baluti. Ang mga taga-isla
ay dagling iniumang ang kanilang mga pana rito at isa sa mga tinamaan ng mga
palasong may lason ay ang binti ni Magellan. Napag-alaman ni magellan
na ang kanyang mga tauhan ay nanganganib nang malipol kaya't iniutos niyang
sila'y umatras na at marami naman ang hindi nagdalawang-isip na sumunod.
Naiwan ang anim o walong kalakihan kasaman ang sugatang Kapitan Heneral.
Kahit pa sugatan si Magellan ay tinuloy pa rin niya ang pakikipaglaban upang
gawing abala ang mga kaaway habang tumatakas ang kanyang mga tauhan patungo
sa ligtas na lugar. Habang umaatras at lito, isang mandirigmang
mula sa Mactan ang nakalapit kay Magellan upang saksakin ang mukha nito ng
kawayang sibat. Si Magellan ay nakipagbuno sa kanyang katunggali nang muling
tamaan ng sibat subalit, habang binubunot niya ang kanyang espada ay isa
naman ang sumaksak sa kanyang braso. Dali-daling nagtakbuhan ang iba pang
mga katutubong mandirigma patungo sa kolonyalistang Kapitan at tinaga ang
kanyang kaliwang binti na naging dahilan ng kanyang pagkakahandusay.
Pagkakita sa nakalustay na bangkay ni Magellan, ang kanyang matatapat na
kasamahan, si Pigafetta at ang mga sugatan ay umatras sa kanilang barko at
nagsisimula nang mags-alisan.
Ang masalimuot na labanan ay naganap noong Abril 27,
1521, at si Lapu-lapu at ang kanyang mga tauhan ay lumaban sa pamamagitan ng
katutubong mga sandata, ay nag-ani ng tagumpay. Ito'y isang dagok sa
dayuhang kaaway at mahusay na pruweba ng kanilang katapangan at kakayahan sa
pakikidigma. Bukod sa aspetong militar, ang mga nagawa ni Lapu-Lapu ay
hindi maabot ang kahalagahan. Mula sa pulitikal na pananaw, siya'y
isang kampeon ng karapatang pantao. Ang karapatang itaboy ang dayuhang
pananakop, ang ipagtanggol ang kanilang bayan at paraan ng pamumuhay , ang
karapatang mabuhay ng walang nakikialam mula sa labas. Ipinakita ni
Lapu-Lapu sa pamamagitan ng mga halimbawa ang kahalagahan ng
karapatang-pantao ang isakripisyo ang kanyang buhay kung kinakailangan.
Itinaguyod niya ang tradisyong inilipat mula sa henerasyon ng mga Pilipinong
katutubo. Mula sa panahong yaon, maraming mga kalalakihan at
kababaihan sa mga isla ang nag-alay ng buhay para sa kalayaan. Marahil
si Lapu-Lapu ay ang unang bayani ng ating lahi. Siya ang ating unang
mamamayang makabansa. Marami ring inaning mga tagumpay na ganito ang
mamamayang Bangsa Moro laban sa pananakop ng Kastila, Amerikano at Hapon.
Ang
mga naging bunga
Ang mga paliwanag ni Pigafetta at iba pang mga saksi sa
bunga ng tagumpay ni Lapu-Lapu sa Mactan ay naging tanyag sa lahat, kahit na
sa mata ng kolonyalismong dayuhan. Ito ay mahalaga dahil ipinapahiwatig nito
ang matatag at matibay na pag-uugali ni Lapu-Lapu. Isinulat ni Pigafetta ang
mga nangyari kay Magellan matapos itong maiwasan sa pampang ng Mactan:
"Sa hapon, ang Kristiyanong hari (si Humabon) ay
nagpadala ng mensahe ng may pahintulot sa mga tao na kung ibibigay sa kanila
ang Kapitan at ang ibang napatay na kalalakihan ay bibigyan namin sila ng
anumang bagay na kanilang hihilingin. Sumagot sila na hindi nila
ibibigay ang ganoong uri ng tao, gaya ng iniisip nila. Hindi nila ito
ibibigay kapalit ng lahat ng yaman sa mundo, bagkus itatago nila ito bilang
alaala ng kanilang tagumpay."
Ang pagtanggi ni Lapu-Lapu na ibigay ang bangkay ni
Magellan kapalit ang lahat ng kayamanan sa mundo ay nagpapakita na si
Lapu-Lapu ay isang taong hindi masusuhulan ng anumang materyal na kayamanan.
Di tulad ng ating mga kilalang lider na madalas madaling mabili ng dayuhan o
may utak mersenaryo. Ang karangalan ng isang tao ang higit na mahalaga
para kay Lapu-lapu, na pinaniwalaan ng mga mananalaysay na binubuo ng
tradisyon ng mga taga-Silangang Mindanao at pinunong mandirigma ng Bisaya,
ang pagtatago ng bangkay ng mandirigmang kaaway. Para sa mga baganis o
mga uring mandirigma ng Bisaya noong panahong iyon, ang tradisyong ito ay
isang mahalagang ritwal matapos ang isang labanan o pagtatalo.
Ipinakita ni Lapu-Lapu sa mga dayuhang mananakop na hindi siya masusuhulan o
mabubulag sa materyal na kayamanan. Ito ang kanyang dahilan ng
pagiging mahusay at kagalang-galang na mandirigmang napapahalaga sa
karangalan at kalayaan higit sa lahat ng kayamanan sa mundo. Ang
tagumpay at kabayanihan ni Lapu-Lapu sa labanan sa Mactan ang nagpaatas at
nagpatigil sa pananakop ng Kastila sa mga isla ng Pilipinas sa loob ng 35
taon. Nito lamang 1556 muli na namang nagtayo ang mga Kastila ng
kanilang unang kuta sa ating mga isla.
Bagaman sa ating bansa ngayon, maliit pa rin ang
pagkilala sa kabayanihan ni Lapu-Lapu at ang tagumpay sa Mactan. Lokal
na pagdiriwang sa Bisaya ang ginagawa para kay Lapu-Lapu. mayroon lamang
isang pangunahing bantayog kay Lapu-Lapu: sa Opon, Mactan. Karapat -dapat
siyang parangalan bilang ating unang tapagtanggol ng kasarinlan at kalayaan
sa bansa. Di sapat na ipangalan lamang sa isang kilalang isda.
Bibliograpiya:
1. Agoncillo, Teodoro A. Magellan and Lapu-Lapu. Fookien Times Yearbook,
1965, p. 634.
2. Alcina, Francisco, Historia de las Islas e Indios de Bisaya, MS 1668.
3. Correa, Gaspar, Lendas de India, Vol. 2, p. 630.
4. Cruz, Gemma, "Making Little Hero of Mactan."
5. Estabaya, D. M., 445 Years of Lapu-lapu, Weekly nation 1: 26-27, April
25, 1966.
6. Pigafetta, Antonio, Primo Viaje en Torno al Globo Terraqueo, Corredato di
Notte de Carlo Amoteti, Milano, 1800.