|
Ang totoong layunin ng nakaambang gera ni Bush ay hindi ang paglaya ng
mamamayang Iraqi kundi ang pagkontrol sa langis ng Iraq. Maraming
bansa sa daigdig ang pinaghaharian ng mga diktador at nag-iimbak ng
weapons of mass destruction pero ang pinag-iinitan lang ni Bush ay si
Saddam. Walang ibang dahilan sa ganitong double standard kundi ang
pagnanasang kontrolin ng US ang langis ng Iraq. Susunod sa Saudi
Arabia, ang Iraq ang may pinakamaraming langis sa mundo. Kaya't ganito
na lamang kung maglaway ang US sapagkat ito ang gumagamit sa 25% ng
produktong langis sa mundo na lagpas kalahati ang kanilang inaangkat.
Hindi lamang pambansang interes ng Amerika na kontrolin ang nag-uumapaw
na langis ng Iraq kundi ganansyang personal ito ni Bush at ng kanyang
bise-presidenteng si Cheney. Kapwa nagtrabaho sa mga kumpanya ng
langis si Bush at Cheney kaya't malapit sa kanilang puso ang kapakanan
ng higanteng mga kumpanya ng langis. Tulak rin ng pag-iimbot sa langis
kahit ang pagtutol ng France, Russia at China sa gera sa Iraq. Mga
kumpanya nila ang may kontratang magmina sa Iraq, gaya ng TotalFinaElf
ng France. Kaya naman hinaharangan nila na lusubin ang Iraq ng US
habang inaakit naman sila ni Bush na papartihan sa pandarambong
matapos maibagsak si Saddam.
Interes ng mga kumpanya ng langis at ng imperyalistang mga bansa ang
nagtutunggali Iraq. Yamang walang mapapala katunayan mapapahamak pa
ang sangkatauhan, milyun-milyon ang nagrarali sa buong daigdig laban
sa gera at mabibilang sa daliri ang mga gobyerno, gaya ni GMA, na
sumuporta sa balak na gera ni Bush. Walang pakinabang at puro perwisyo
ang idudulot sa mga Pilipino ng gera. Wala pa man ito tumaas na ang
presyo ng langis at nabubulabog na ang mga Pilipinong naghahanap-buhay
sa Middle East.
Ang ating kahilingan sa gobyerno: bawiin ang suporta sa gera ni Bush,
itigil ang gera sa Mindanao at atupagin ang sangkaterbang problema ng
masa-mataas na presyo ng kuryente at tubig, kawalan ng trabaho at
kakulangan sa pabahay, kaliwa't kanang sarahan at tanggalan,
paglaganap ng kontraktwalisasyon at kaswalisasyon, kawalan ng pondo sa
kalusugan at edukasyon.
Tama na ang panloloko na mga terorista ang problema ng bansa. Wala pa
si Saddam at ang Abu Sayyaf ay malaganap na ang kahirapan. Lumalala
ito hindi dahil sa mga terorista kundi bunga ng globalisasyong
perwisyo sa manggagawa at delubyo sa ekonomiya.
Tama na ang pagbebenta ng ating bayan sa mga dayuhan. Labag sa
Konstitusyon ang walang-tigil na pagpasok ng mga sundalong Kano.
Pinsala sa ekonomiya ng bansa ang walang-habas na pagpasok ng dayuhang
mga produkto.
U.S.: mananakop hindi manunubos
Gera sa kahirapan hindi gera sa Iraq
Parrtido ng Manggagawa * BMP
SANLAKAS * Peace Camp |