Alliance of Concerned Teachers (ACT)
Philippines, Inc.
Balikan ang Aral ng Kasaysayan!
Giyera ng U.S. sa Iraq, Tutulan!
Nakasalalay ang
ating kinabukasan sa kasalukuyang paninindigan. May aral ang ating nakaraan
na hindi dapat kalimutan.
Ang bawat guro ay may responsibilidad na alamin at ibahagi ang aral na ito
para mahubog ang kaisipan ng kabataan at masang Pilipino tungo sa pambansa,
siyentipiko at makamasang tunguhin.
Ang napipintong giyera ng bansang Amerika laban sa Iraq ay pagpapatuloy
lamang ng pandaigdigang agresyon sa mga bansang inakusahang sumusuporta sa
terorismo. Dinala ng Amerika ang digmaan sa Afghanistan noong 2002, ngayon
ay sa Iraq at sa susunod naman ay sa Iran at North Korea. Ilang bansa pa
kaya ang magiging biktima ng puwersang militar ng imperyalismong US?
Kung babalikan ang kasaysayan ng pakikidigma ng Amerika, malinaw ang
napakahabang listahan ng panghihimasok para lamang protektahan ang
pampulitika at pang-ekonomyang interes nito. Batay sa mga pag-aaral, malinaw
ang adyenda ng Amerika sa napipintong giyera sa Iraq --- ang pagkontrol sa
industriya ng langis sa Gitnang Silangan at lalong pagpapalawak ng puwersang
militar nito sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Tunay na ang teroristang
atake sa Amerika noong Setyembre 11, 2001 ay isa lang oportunidad para
isagawa ang matagal nang binabalak na ito.
Hindi tuloy nakakagulat ang patuloy na paglawak ng mga tumututol sa giyera
ng agresyon sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ang mga pumapanig sa bansang
Amerika ay malamang na hindi pa alam ang konteksto ng mga pangyayari o
direktang makikinabang mula sa mga Amerikano kapalit ng suportang ibibigay
sa huli.
Tinatayang may 1.6 milyong migranteng Pilipino na nasa Gitnang Silangan.
Bukod sa banta sa kanilang buhay, ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas ay
apektado rin ng pagbawas o tuluyang pagkawala ng kanilang regular na
padalang dolyar. Dahil sa napipintong giyera, mas lalong tataas ang presyo
ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, na magsisilbing batayan na naman ng mga
kompanya ng langis sa ating bansa para muling magtaas ng presyo. Kaakibat
nito ang pagtaas din sa pamasahe at presyo ng mga batayang produkto at
serbisyo. Dahil sa isang imperyalistang giyera, lalong maghihirap ang
naghihirap na nating mamamayan!
Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay tahasan nang papet ng bansang
Amerika. Ang kanyang suporta sa giyera ng agresyon ay dapat suriin sa
konteksto ng pagpapatuloy ng kulturang kolonyal, pyudal at elitista. Hindi
hiwalay ang suporta ng administrasyong Arroyo sa pang ekonomyang suportang
inaasahan mula sa Amerika sa anyo ng pamumuhunan, ayuda at utang.
Panahon na para
ilantad at labanan ang nangyayaring giyera ng agresyon ng Amerika at ang
batayan ng suporta ng administrasyong Arroyo. Para sa mga guro, panahon na
para muling igiit sa mga mag-aaral at sa sambayanan ang kasaysayan ng ating
bansa sa pagkilos para sa pagbabago.
Ang kasalukuyan
ay pagpapatuloy lamang ng opresyon ng nakaraan. Ang agresyon ay dapat nang
wakasan!
Ang lahat ay inaanyayahang dumalo sa isang
porum tungkol sa Giyera ng Amerika sa Iraq sa Pebrero 12, alas-dos ng hapon,
sa opisina ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) at sa
mobilisasyon sa Plaza Miranda sa Pebrero 14, alas-dose ng tanghali.
Danilo Araña Arao
Assistant Professor
Department of Journalism, College of Mass Communication, Plaridel Hall
University of the Philippines (UP), Diliman, Q.C. 1101
Telephone (632) 920-6852 or 920-5301 to 99 loc. 4486 | Fax (632) 926-3465
Email danilo.arao@up.edu.ph
Website
http://www.geocities.com/dannyarao