Ito ang talumpati ni Dr. Bien Lumbera sa pagtatapos ng mga mag-aaral ng UP Tacloban.
TALUMPATI SA PAGTATAPOS SA UP TACLOBAN COLLEGE
DR. Bienvenido Lumbera
Professor Emeritus at National Artist
25 Abril 2008
Matipunong lalaking hubo't hubad na tila iniaalay ang buong pagkatao sa
malawak na kalangitan.
Iyan ang rebultong kilala ng lahat bilang simbolo ng Unibersidad ng
Pilipinas. Mula pa noong 1935, natatak na sa kamalayan ng bawat mag-aaral
ng UP ang Oblation bilang paalaala na ang Unibersidad ay institusyong
nakalaan sa paglilingkod sa sambayanang Filipino, at inaasahang ang bawat
kabataang hinubog sa mga klasrum ng UP ay magiging tapat sa mga simulaing
kinakatawan nito.
Nang kinumisyon ni Presidente Rafael Palma si Guillermo Tolentino upang
likhain ang isang rebultong magiging sagisag ng Unibersidad ng Philipinas,
itinagubilin niya na kakatawanin ng sagisag ang mga simulaing itinala ni
Jose Rizal sa kanyang Ultimo Adios.
En
campos de batalla, luchando con delirio,
Otros te dan sus vidas, sin duda, sin pesar,
El sitio nada importa: cipres, laurel o lirio,
Cadalso o campo abierto, combate o cruel martirio,
Lo mismo es, si lo piden la patria y el hogar.
Ang
nangasa digmaang dumog sa paglaban,
Handog rin sa iyo ang kanilang buhay,
Hirap ay di pansin, at sa gunamgunam,
Ang pagkaparool o pagtatagumpay,
Bibitaya't madlang mabangis na sakit
O pakikibakang lubhang mapanganib,
Pawang titiisin kung ito ay nais
Ng bayang tahanang pinakaiibig.
Dakila ang mga mithiing sumasaisip kapag tinitingala ang naging bunga ng
imahinasyon at galing ni Tolentino. Kilala natin ngayon ito bilang
Oblation, ang lalaking iniaalay ang sarili sa kalawakan. Sagisag siya
ng bukas na isipang hindi natatakot sa anumang hamon ng panahon. Siya ang
pagkilala sa malawak at masalimuot na kapaligiran ng mga isyung kinakaharap
ng lipunan. Siya ang matibay na paninindigan para sa kalayaang
akademiko. Siya ang kahandaang iukol ang paglilingkod sa nakararami sa
sambayanan. Hindi abstraktong mga mithiin ito. Kung ayon man sa iskultor
ng Oblation na si Guillermo Tolentino na ang kanyang likha ay gumugunita sa
lahat ng di-kilalang bayani ng lahi, sa panahon ng Siglo 20 ay maraming
pangalan ng mga nagtapos sa UP ang nagbigay karangalan sa Oblation.
Kabilang ang mga kabataang naging tagapagtaguyod ng pagbabagong panlipunan
tulad nina Lean Alejandro, Lorena Barros, Tony Tagamolila, Abraham Sarmiento
Jr at Voltaire Garcia ng henerasyong "Unang Sigwa." At nariyan ang mga
nauna sa kanila na nakapag-iwan ng mga bakas na pinagsumundan ng mga
kabataang nabanggit.
Wenceslao Q.Vinzons, Teodoro A. Agoncillo, Renato Constantino, Leopoldo
Yabes, Ricardo Pascual, Salvador P. Lopez, Cesar Majul, atbp. Ang mga
kaisipan at mithiing kanilang ipinamana sa kasalukuyang henerasyon ng mga
mag-aaral ay matibay na pundasyon na lagi't laging mapaghahanguan ng
simulaing gagabay sa kanilang paglilingkod sa sambayanan.
Subalit hindi dapat na ituring na sagisag "magpakailan man" ang Oblation, na
wari baga'y matibay na garantiya ito ng di-matitibag na mga tradisyon ng
UP. Ang Unibersidad ay institusyong edukasyonal ng Republika ng Filipinas.
Realidad ito na hindi matatakasan ng mga nagpapatakbo ng Unibersidad, na
lagi't lagi na ay kailangang makitungo sa Konggreso at Malakanyang at sa
iba pang puwersang nasa labas ng Unibersidad tulad ng mga empresang
ekonomiko at ng mga embahada. Sa pakikitungong iyan nangyayari ang madalas
ay di-namamalayang "pagkatibag" ng mga tradisyong madalas akalain natin ay
pamalagiang nakalangkap sa Oblation.
Sandaang taon na ngayon ang UP, at kasabay nating ipinagdiriwang ang
pagsabatas ng bagong Charter ng Unibersidad. Ang lumang Charter ay nasulat
sa unang taon ng pagkatatag ng Unibersidad noong 1908 bilang "Philippine
University," sa bisa ng Act No. 1870 ng Philippine Commission, na isang
institusyong kolonyal. Sinikap ng mga opisyal ng Unibersidad na iangkop
ang bagong Charter sa umiiral na mga kontemporaryong kondisyon ng edukasyon
sa Filipinas, at matapos ang maraming konsultasyon, may Charter na ngayon
ang UP na inaakalang nababagay sa isang institusyon ng isang malayang
Republika.
Bago ang Charter kaya't nararapat lamang na bantayan ang mga probisyon nito
at suriin kung ang mga ito ay umaayon sa mga tradisyong inaari nating tapat
sa mga orihinal na mapagpalayang simulain ng Unibersidad.
Dito pumapasok ang pangangailangang maging mapanuri tayo sa ating pagtatangi
sa Oblation bilang sagisag ng Unibersidad. Ang retorika ng mga
nagpapanukala ng mga pagbabago sa Unibersidad ay natitiyak nating sasandig
sa simbolismo ng Oblation upang ipatanggap ang kanilang balak. Bilang
sagisag hindi na mabilang ang pakahulugang maikakapit sa Oblation. Maari
itong gamiting dahilan sa ano pa mang balak ng administrador para sa
pagtatakda ng mga patakarang pang-edukasyon. Ang tanging sukatang magagamit
sa pagtiyak kung ang nasabing mga patakaran ay para sa ikatitibay ng UP
bilang institusyon ay ang mayamang kasaysayan ng Unibersidad at ang naging
pagharap ng mga naging administrador nito sa mga problemang pinagdaanan
nito. Ang kasaysayang iyan ang makatutulong sa paglinaw sa naging bisa ng
mga patakaran ng mga administrador ng nakalipas. Dapat nga lamang ingatan
na ang pagbalik sa nakaraan ay hindi maging dahilan upang hadlangan ang
anumang inobasyon tungo sa ikagagaling ng mga patakarang nakatuon sa
hinaharap.
Sa halos buong mundo ngayon, sa pangingibabaw ng IMF-World Bank at World
Trade Organization at nag-iisang pamamayagpag ng imperyalismong U.S.,
globalisasyon ang isinusulong na kalakaran sa ekonomiya at kultura.
Inimbento ng mga kapitalistang ekonomista ang konseptong "borderless world"
upang mapangatwiranan ang paghahari ng mga industrialisadong bansa sa
larangan ng ekonomiya. Ayon sa lohika ng mga teorista ng globalisasyon, ang
walang sagkang pagbubukas ng mga mahihirap na bansa sa pakikipagkalakan sa
mga bansang may maunlad na ekonomiya ay siyang paraan upang maangat ang
kabuhayan nila. Di-umano, kung maiwaksi ang lahat ng proteksiyonistang
hanggahan, sa malao't madali ay magaganap ang pagkakapantay-pantay ng mga
bansa bunga ng malayang kalakalan.
Umiiral na sa larangan ng edukasyon ang bisa ng pilosopiya ng "borderless
world."
Global di-umano ang tunguhin ng Siglo 21, at ang edukasyon ay katuwang ng ng
ekonomiya sa pagsusulong ng mundong wala na ang bumabakod na mga pambansang
hanggahan. Nasa likuran ng aplikasyon ng "borderless world" sa edukasyon
ang haka na saanman sa mundo ay magiging iisa na ang antas ng pag -unlad ng
mga bansa sa globalisadong mundo. Samakatwid, dapat nang tanggalin ang mga
instrumentales sa akademya na nagpapatibay sa pagkakaiba-iba ng kultura ng
mga individuwal na bansa. Kailangan na raw iangat ng bawat bansa ang
ekonomiya nito sa antas ng mas maunlad na bansa, at ang pangunahing
halimbawa ng ganoong pag-angat ay ang kapitalistang pagka-unlad ng mga bansa
sa Kanluran. Tunay na magandang pangarap ang ganyang pantay na pag-unlad ng
ekonomiya ng magkakaibang bansa.
Subalit hindi isinasaalang-alang ng ganyang pangarap ang kakaibang
kasaysayan ng mga bansang dating kolonyang pinagsamantalahan ng mga bansang
galing sa Kanluran. Ang kultura at ang ekonomiya ay mahigpit na magkatalik
bilang salik ng buhay-pambansa. Sa kanilang pagpapanukala ng "borderless
world," sadyang kinalimutan ng mga kapitalistang bansa ang tambalan ng
kultura at ekonomiya. Bahagi iyan ng buktot na pakana na maipailalim sa
kanilang kontrol at pagsasamantala ang mga maralitang bansa sa Asia,
Amerika-Latina at Aprika. Sa globalisadong mundo, ang pangunahing
makikinabang sa pagkawala ng mga hanggahang proteksiyonista ay di-kasi ang
Amerika, Alemanya, Fransya, Japan at China.
Sa "borderless world" ng globalisadong mundo, nasaan na ang UP? Sa ilalim
ng administrasyon ni Presidente Francisco Nemenzo, naganap ang pinakahuling
re bisyon ng GE curriculum. Tampok sa dating GE curriculum, na mula pa
noong Dekada 60 ay humubog ng makabayang oryentasyon ng mga iskolar ng
bayan, ang sabjek na Kasaysayan ng Filipinas. Nang paraanin ito sa proseso
ng rebisyon, nagpasya ang mga akademikong tinipon ni Presidente Nemenzo na
kalabisan na raw ang isang bukod na pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas
dahil ang nasyonalismo raw ay mahahango na ng mag-aaral sa iba't ibang
sabjek na kanilang kukunin. Batay sa ganoong pananaw, inihanay na lamang
ang Kasaysayan sa mga elective na kapantay ng sabjek na sexuality o home
economics. Hindi kaya ito tanda ng pagtanggap sa lohika ng "borderless
world" sa pagbubuo ng kurikulum para sa mga mag-aaral na Filipino? Ang
edukasyon UP ay para sa mga Filipino, at ang layunin nitong itampok ang
pinagdaanang kasaysayan ng bayan ay udyok ng pangangailangang burahin ang
kolonyal na pananaw sa sambayanang hindi pa ganap ang pagkilala sa lisyang
bisa sa kultura natin ng pananakop ng Espanya at Amerika.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ng kagalanggalang na Presidente
Emerlinda Roman, naganap ang pagtataas ng matrikula na di-umano ay siyang
tanging mabisang tugon sa taon-taong problema ng UP sa kulang-kulang na
suportang badyet ng pamahalaan. Ginamit na dahilan sa pagsingil na
kasing-mahal ng matrikula sa Ateneo at De La Salle, ang katwirang kailangang
matugunan ng UP ang tumaas nang gastos sa pagpapatakbo ng isang
institusyong nagdudulot ng edukasyong de-kalidad. Paano na ang paglilingkod
ng Unibersidad sa sambayanang ang nakararami'y walang kakayahang makabayad
sa mga paaralang katulad ng Ateneo at De La Salle? Totoo mang may inilatag
na safety net upang hindi ganap na mapagsarhan ang mahihirap na mag-aaral,
hindi maitatanggi na ang pagtaas ng matrikula ay nagpakipot na sa puwang na
dati'y nakabukas para sa mas maraming dukhang nagmimithi ng edukasyong UP.
Nakatingala sa kalangitan ang matipunong lalaking hubo't hubad. Marahil
napapanahon namang sa halip na paitaas ang tingin ng matipunong lalaki, na
ibaling natin ang kanyang tingin paibaba. Ang malawak ng kalangitan ay
nagpapamalas ng araw at buwan, ng ulap at mga bituin, mga tanawing
nakapagpapalimot sa mga suliranin dito sa kalupaan. Dito, ang Unibersidad
ay tumatahak sa bagong landas tungo sa isa pang sentenaryo, at nakalilito
ang mga pagbabagong kailangan nitong harapin. Tayo – kayong nagtatapos at
kaming maiiwan ninyo – sana ay makaalaala na ang Oblation ay gabay natin
tungo sa hinaharap, at bilang gabay puwede nating sangguniin ito kung saan
tayo dadalahin ng kasalukuyang landas ng ating "pamantasang hirang."