(Talumpati
sa “Forum on the Commercialization of U.P.”, inisponsor
Department of Social Sciences, Social Science Week,
Rizal
Hall, CAS, February 6, 2007)
Lubos kong ikinatutuwa at ikinararangal na maging tagapagsalita
dito sa forum ukol sa “Komersyalisasyon ng Edukasyon sa U.P..”
Ang kasalukuyang mainit at kontrobersyal na isyu ng tuition fee increase ay
ipinatutupad ayon sa mas malawak na patakaran ng komersyalisasyon at
pribatisasyon na kinakaharap ng mga pampublikong institusyon katulad ng
U.P.. Ang komersyalisasyon ay ang pagtakwil sa pinansyal at moral na
responsibilidad o pananagutan ng estado sa kanyang mamamayan. Ang pagtaas
ng matrikula sa Unibersidad ay isa lamang sa mga madaliang tugon ng U.P.
administrasyon sa konteksto ng lalong kumikipot na badyet na mula sa
pamahalaan. Ito ang pinakamatindi at direktang paraan ng pribatisasyon at
komersyalisasyon kung saan ipinapataw ang bayarin ng pampublikong edukasyon
mula sa pagiging pangunahing responsibilidad ng estado tungo sa balikat ng
mga pribadong mamamayan.
MGA ANYO NG KOMERSYALISASYON
Maraming anyo ang komersyalisasyon at pribatisasyon sa edukasyon –
1. ang voucher system na nagpapaaral sa estudyante sa pribadong eskuwelahan
dahil kulang ang publikong paaralan;
2.taktikang pagtaas ng tuition fee sa freshman (hindi sakop ng
Guidelines on Tuition Increase),
3.income generating measures (mungkahi ng Higher Education
Modernization Act, tulad ng Techno Parks, joint ventures, pagkakakitaang
pwesto ng manininda at kantina, bayarin sa paggamit
ng
pasilidad, biglang paniningil ngayon sa mga indigent patients sa PGH);
4.pagsasapribado ng mga auxiliary services (pagsara ng printery
ng UP
Press at University Food Service),
5.subcontracting (hindi permanenteng status ng faculty, hiring ng
lecturers, paglilipat ng serbisyo ng janitors sa pinakamababang gastos ng
mga contractualized agencies),
6.paghalaw ng kita sa entrance exams at miscellaneous fees, at
iba pa.
Ang mga
kawani ng UP din ay mga direktang biktima ng mga
patakarang ito. Ang paglusaw sa iba’t ibang sangay ng Unibersidad gaya ng
pagabolisa sa University Food Services sa UP Los Baños at Printery ng UP
Press sa U.P. Diliman ay kabilang din dito. Hindi lamang mga estudyante
ang naapektuhan, na ngayon ay makakaasa sa mas mahal na pagkain at
babasahin, kundi ang mismong mga kawaning pinagpaparetiro nang maaga o di
kaya ay linilipat at dinadagdagan ang trabaho.
Pinalalakas din ng patakarang ito ang kontraktwalisasyon ng manggagawa sa
pagbibigay sa mga ahensya ng mga trabahong dating permanente tulad ng
janitorial work na nag-aalis sa batayang karapatan ng mga manggagawa sa
kaseguruhan sa trabaho. Lalong mahihirapan ang mga nakababatang gurong
makakuha ng “renewal” or “tenure” ayon sa prinsipyo ng pagtitipid.
Ang komersyalisasyon at pribatisasyon ay nakasandal sa market forces sa
pagtutumbas ng uri at halaga ng serbisyo. Itinatatwa na ng UP ang kanyang
obligasyong ipaglaban ang karagdagang subsidyo mula sa estado bilang
pangunahing unibersidad ng estado. Sa halip nito, ang U.P. na ang humahawi
ng landas para makapasok ang negosyo at ang kanilang interes sa publikong
serbisyo tulad ng edukasyon kahit pa wala namang transparency sa
accountability ng kita nito. Nagpapalaganap ang komersyalisasyon ng
fantasyang kultura na bubuti ang lagay ng faculty at mag-aaral dahil sa
karagdagang kita.
Sa hanay ng faculty, pinabibigat ang kahilingan sa
globally-competitive measures ng akademikong kagalingan kahit pa
kakapuranggot ang sweldo. Sino lamang ba ang may lukratibong kita mula sa
konsultansi at pagkiling sa poder ng pamahalaan? Sa malaking bilang ng
faculty, nililikhang pamantayan ang kagalingan ng akademikong indibidwal na
makapanghimok ng sarili nitong kapital.
Kanya-kanya tayong produksyon ng karagdagang kita, at hindi na ang layunin
sa pagtuturo ay bilang guro ng bayan, sa pamantasan ng bayan. Malinaw na
hindi lamang sa larangan ng mga bayarin nakalimita ang manipestasyon ng
komersyalisasyon. Sa katunayan, nariyan ang
tuluyang
paghubog ng buhay sa loob ng unibersidad ayon sa lohika ng merkado or
market.
Dalawampu’t dalawang porsyento lamang ng buong budget sa tertiary education
ang sinasagot ng gobyerno. Sa naganap na pag-aproba ng 300% pagtaas sa
matrikula noong Disyembre 2006 sa U.P., lalong isinasakatuparan ang
rekomentasyon ng Philippine Agenda for Educational Reform (PCER) na “itaas
ang tuition at iba pang fees.” Sinasabi nilang hindi realistikong posisyon
ang pagtutol sa pagtaas sa matrikula bilang mekanismo ng pagpapataas ng kita
ng Unibersidad. Pero wala nang mas “realistiko” pang bagay kaysa sa
tuluy-tuloy na pagdausdos at pagkabulok ng sistemang pang-edukasyon ng
Pilipinas sanhi ng criminal na pagpapabaya rito ng estado na abalang-abala
sa pagbibigay prioridad sa utang-panlabas, pandirigma at pangungurakot.
Pinapatunayan pa rin ng ating karanasan sa loob at labas ng Pamantasan na
nasa kamay pa rin ng nagkakaisang mga sector ng Unibersidad ang pagpasya sa
magiging direksyon at pagsagip sa ating Pamantasan sa patuloy na lumalaganap
na komersyalisasyon nito. Nakakabahala ang ilang mga patakaran at programa
ng Unibersidad na maka-komersyalisasyon at maka-pribatisasyon ang balangkas
tulad ng nabanggit ko nang ginawang pribatisasyon ng UP Printing Press,
Campus Maintenance Office at ang balak na pagsasara sa nalalabing University
Food Service sa Vinzons Hall. Hindi malayo na pati ang mga nalalabi pang
mga tinataguring “non-academic units” ay isasara kung hindi ito kumikita
batay sa balangkas ng “return on investment” at ililipat sa kamay ng mga
“anti-labor na contractualized private agencies” o di kaya mga pribadong
concessionaires.
Isang mahalagang salik sa ganap na maaari nating anihing tagumpay ay ang
pagkakaroon ng pagbabago sa rebisyon ng U.P. Charter. Dito ay maaari nating
ilaban ang mga probisyon na magbabadya ng mga mahahalagang pagbabago sa
direksyon ng ating institusyon sa mga maseselang isyu tulad ng
komersyalisasyon, at pribatisasyon ng ating Unibersidad. Ang U.P. Charter
ay dapat tumungo sa institusyonalisasyon at pagpapatingkad ng
demokrastisasyon sa pamamahala ng Unibersidad, hindi ang komersyalisasyon
nito.
BILANG
FACULTY REGENT, BAKIT AKO TUMUTOL SA 300% PAGTAAS NG TUITION FEES SA UP?
1.Una, dahil sa madalian at patagong pinaaprubahan ng administrasyon sa
Board of Regents noong karumaldumal na araw ng ika-15 ng Disyembre, 2006 ang
pagtaas ng matrikula na hindi nagsasagawa man lamang ng sapat, marubdob at
makatotohanang konsultasyon sa hanay ng mga mag-aaral, guro at ng buong
komunidad ng Unibersidad.
Hindi rin
sineryoso ng administrasyon ang responsibilidad nitong magpapalaganap ng
sapat na impormasyon at mga dokumento hinggil sa pagpapataas ng matrikula at
sa halip ay nagpapalaglanap ng baluktot at mapanghating propaganda. Hindi
binuksan ng administrasyon ang sentral na usapin ng seryosong pagtatasa ng
STFAP bilang isang programang diumano’y may pangunahing layuning itaguyod
ang “demokratisasyon” o pagpaparami ng mga mag-aaral na nagmumula sa mas
mahihirap na saray panlipunan sa Unibersidad. At higit sa lahat,
pinagkaitan ng pagkakataon at panahon ng administrasyon sa mga madaliang
“konsultasyon” ang mas malalalim at mas pundamental na talakayan hinggil sa
ideya at ideyal ng “iskolar ng bayan” at ng panganib na inihaharap dito ng
hangaring pataasin ang kita ng Unibersidad sa pamamagitan ng pagsingil ng
mas mataas na matrikula sa mga mag-aaral. Inakala nilang ang pagkamal ng
mas maraming pera at hindi ang mismong kaluluwa at diwa ng pamantasan ang
pinaka-“pundamental” sa lahat ng usapin.
2.Ikalawa, pangunahing matatamaan ng tuition fee increases ang mga
mag-aaral sa Bracket D na kabilang sa mga pamilyang nasa panggitna at
mababang pang-ekonomiyang kalagayan.
Ipinagbabayad na ang P300./yunit ang mga pamilyang kabilang sa bagong
Bracket D na nabubuhay sa bingit ng karukhaan sapagkat kumikita lamang ng
P80,000 – hanggang P130,000. bawat taon. Sa lumang STFAP ay nabibigyan pa
sila ng buong subsidyo sa matrikula. Hindi ito reasonable ni makatarungan.
Marami sa mga empleyado at guro sa UP ay kumikita lamang ng P130,000 o mas
mababa pa bawat taon at alam natin kung gaano kahirap magbadyet sa ganitong
kaliit na sahod kahit nga may study privilege ang kanilang mga anak sa
nakakapasok sa UP.
3.Ikatlo, Binubuwag ng paglikha ng isang espesyal na Bracket A na
magbabayad na ng buong halaga ng edukasyon
4.P1,500/yunit) ang karapatan ng bawat mag-aaral ng UP na tumatanggap
ng subsidyo mula sa estado anupaman ang kanyang katayuang panlipunan.
Mabubuksan
sa ganitong paraan ang posibilidad ng pagpaparami ng bilang ng mga
nagbabayad ng buong halaga ng edukasyon kasabay ng pagpapakaunti ng mga
tumatanggap ng subsidyo upang mamaksimisa ng administrasyon ang kikitain
mula sa STFAP. Sa ganitong istratehiya ay hayagang isinusulong ng
adminstrasyon ang sagadsarang komersyalisasyon ng edukasyon at ang tuluyan
nang pagpanaw ng “iskolar ng bayan”. Para sa maraming mga guro ng mga
Iskolar ng bayan, mawawala na ang dahilan para sa kanilang patuloy na
pagsasakripisyo bilang mga guro ng UP. Mainam na magturo na lang sila sa
ibang mga unibersidad na may mas matataas na sahod kung ganito rin lang.
ALTERNATIBO NG MAPAGPALAYANG EDUKASYON
Nais
kong samantalahin ang pagkakataong ito upang balangkasin ang ating adhikain
para sa isang mapagpalayang edukasyon sa U.P..
Ang mapagpalayang edukasyon na tatak ng U.P. ang siyang susi sa pagiging
haligi nito sa mga intelektwal at mga lider ng bansa. Tunay na malaki ang
papel ng U.P. sa paghubog at pagsanay sa maraming lider, intelektwal, at
propesyonal. Ang edukasyong mapagpalaya ay nakabatay at nilalaman ng
peprspektibang liberal at progresibo.
Sa anumang larangan, ang ating bansa ay lalong titibay sa pamamamagitan ng
mga alumni na mulat, may makabayang paninindigan at may sapat na kahandaang
intelektwal, teknikal at kultural. Behikulo ang unibersidad para sa
pagmumulat ng mamamayan para sa pang-ekonomiko at pampulitikang
partisipasyon nila sa di mapipigilang pagbabago ng lipunan. Ipinagkakapuri
ng edukasyon sa U.P. na magagamit ito hindi lamang para sa sariling career
at kabuhayan ng mga nagtapos dito kundi para sa higit pang pagsulong ng
sambayanan sa kanilang adhikain na itayo ang isang lipunan na may pambansang
kasarinlan, demokrasya at katarungan.
Hayaan
niyo rin akong bigyan ng pagsusuma at balangkasin ang ilang isyu na
kinakaharap ng ating mahal na pamantasan, at sa harap din ng rumaragasang
pampulitikal at pangkabuhayang krisis ng ating
bansa
kung saan ay kilalang kaakibat ang ating pamantasan. Halos sampung buwan na
lang at ipagdiriwang ang Sentenyal ng U.P. nating mahal. Ngunit, bakit ang
U.P. natin ay nagiging napaka-mahal?
Nais ngayon ng pamahalaan ng iwasan ang responsibilidad nitong
tugunan ang mga pangangailang pang-edukasyon at pangkalusugan ng mamamayan.
Nararapat isaisip na ang komersyalisasyon ay hindi lamang nangangahulugan ng
tuwirang pagbebenta ng mga institusyon pang-edukasyon sa mga negosyante
kundi pangunahing nangangahulugan ng unti-unting pagbibitiw ng pamahalaan ng
pakikilahok nito sa isang sector o gawaing serbisyon publiko. Nagaganap ang
pagsasapribado ng isang institusyon ng estado kapag unti-unti na itong
binabawasan ang subsidyo. Sa gayon, saklaw ng konseptong ito ang
pagsasapribado ng mga serbisyo sa loob ng pamantasan. Pagsasapribado rin
ang unti-unting pagtaas ng matrikula upang maipasan na sa mag-aaral ang
buong gastos ng kanyang edukasyon. Kasama na rin dito ang pagpapaupa ng
malalawak na lupain at pagmamay-ari ng Unibersidad sa pribadong sector para
sa mga gawaing komersyal. Maituturing na bahagi ng patakaran ng
pagsasapribado ang lahat ng mga plano ng mga institusyong pang-akademiko na
nakatuon sa sinasabing “pagtindig sa sarili” ng mga ito. Malinaw na hindi
lamang pinagsisikapan ng mga state colleges and universities na madagdagan
ang natatanggap nilang subsidyo sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng pagpasok
sa mga negosyo, ang tunay na pinatutunguhan ng lahat nito ay mapalitan ng
kikitain mula sa negosyo ang subsidyo ng pamahalaan dahil sa papaliit nang
papaliit na subsidyo pasa sa U.P. at mga State Universities and Colleges
(SUCs).
Hindi lingid sa ating kaalaman na malaki ang papel na ginampanan
ng mga institusyong pang-edukasyon katulad ng U.P. sa pagpapanatili ng
sistemang ito. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagpapasailalim ng mga
institusyong pang-edukasyon sa lohika ng globalisasyon at pribatisasyon ay
lalong natutugma ang mga ito sa pangangailangan ng mga pandaigdigang
ekonomiya at sumasagka sa pang-unlad ng ekonomiya at pulitika ng Pilipinas.
Bilang isa sa mga pangunahing institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas,
kailangang itaguyod ng komunidad ng U.P. ang nararapat lamang na mas mataas
na subsidyo para sa edukasyon ng mamamayan. Kailangan ipagtanggol ang
pagpapanatili ng awtomatikong subsidyo para sa lahat ng iskolar ng bayan at
idaan sa isang rebyu ang patakaran sa pagtanggap na mag-aaral upang maiwaksi
na ang kasaysayang elitista ng UP at tunay itong magsilbi sa pangangailangan
ng nakararaming mga anak ng uring anakpawis sa hanay ng mga magsasaka,
manggagawa at mangingisda sa ating bansa. Dapat baguhin ang mga programang
kurikular hindi upang higit na maiangkop ang mga ito sa pangangailangan ng
mga dambuhalang monopolistang mamumuhunan kundi upang matugunan ang mga
tunay na pangangailangan ng nakararaming mamamayang Pilipino.
Makatarungan lamang na ipaglaban ang mga karapatan at kagalingan
ng buong komunidad ng U.P. na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro,
manggagawa, kawani at residente. Hindi dapat pahintulutan ang pambubusabos
ng ninuman sa administrasyon ng Unibersidad ang alinmang kabahagi ng
komunidad ng UP, maging propesos, o residente. Upang makamit ito, dapat
buwagin ang magkakaugnay na kalakarang korporatista at sistemang patron na
umiiral sa Unibersidad upang mas lalaong maisabuhay ang diwa ng demoratikong
pamamalakad at maitaguyod ang pamumunong may pananagutan. Maaaring isama
ang ilang probisyon kaugnay nito sa U.P. Charter.
PANLIPUNANG KRITISISMO’
Kailangan lalong lumakas at lumaganap ang alternatibong tradisyong
pang-intelektwal ng U.P. na makapagbubuo ng isang malalim at malawakang
kritisismo sa umiiral nakalakarang panlipunan upang mabago ito para sa
kapananan ng higit na nakararaming Pilipino. Imbes na maging mga tagapayo
ng IMF at ng mga mayayamang pulitiko, maaaring magkaroon ng makabuluhang
papel ang mga propesor at mga intelektwal na ibinubunga ng Unibersidad ng
pagtataguyod at pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang
industriyalisasyon at isang makabago at mas makataong lipunan bilang
alternatibo. Kailangan ialay ng UP ang yamang talino ng tinataglay nito sa
pagkamit ng tunay na pag-unlad na makatao sa hinaharap para sa buong bansa.
Nakasalalay ang ating pag-asaw sa hinaharap sa paniniwalang maaaring mabago
ang umiiral tungo sa isang mas makatarungan at mas makataong lipunan.
Ang isa pang dapat bigyan ng pansin ng ating Unibersidad ay ang papel nito
hinggil sa pagpapalakas ng mga people’s organizations na gaya ng mga
samahang magbubukid at unyon ng mangagawa, katutubo at mangingisda. Ang
layunin ay upang baliin ang sirkulo ng
powerlessness at bigyan ng pagkakataon ang mga nasa gilid ng kapangyarihan
sa ating lipunan. Ito ang dapat na maging takbo ng Programang Pahinungod at
National Service Training Program (NSTP).
Kung tutuusin, ang pinakamabisang pormula para tumibay nang husto ang
demokrasya ng taumbayan ay isang programang pangkabuhayan at pampulitika na
nagtataglay ng mga radikal na repormang panlipunan para sa pakinabang ng mga
maliliit. Dito dapat pumasok ang papel ng U.P. para sa edukasyon at
empowerment ng mga anak ng mga dukha sa sambayanan, at empowerment sa mga
samahang magbubukid ang manggagawa. At dapat lamang ay magsimula ang
empowerment na ito sa mga organisasyon sa loob ng Pamantasan.
Ang edukasyong demokratiko, makalipunan, makatao at makabayan ay
nagsisimula sa pagkilalang tayong lahat ay tao, sa pagkilala na tayong lahat
ay Pilipino. Magtaguyod tayo ng edukasyong mapagpalaya, makatao’t
makatarungan at para sa interes ng nakararaming api sa ating bayan.
Magtiwala tayo sa kanilang mulat na lakas at organisasyon.
Bilang pagtatapos, nais kong amyendahan ang ilang titik at hiramin ang himig
sa “U.P. Naming Mahal” at palitan ng mga salita na sa palagay ko. Ay naayon
sa ating panahon:
Ang U.P. Nating Mahal
Nalalapit ang kanyang Sentenyal
Bilang Pamantasan at Pampublikong Ospital,
Sa panahon ng Globalisasyon at Dayuhang Kapital
Kung walang Cost-Effectiveness
Kaltas ang Subsidyo, asa na lang sa PDAF at SARO
U.P. Nating Nagiging Mahal
Dahil Pamantasa’y Naghihirap
Tuition, Lab, Miscellaneous fee ating i-adjust
Pagkat di rin magtataas ng subsidyo
Sa tinig ng nakararami
Sanay huwag tayo magbingi-bingihan.
Binabati ko muli ang lahat, at gamitin sana nating mabuti ang
mapagpalayang edukasyon ng U.P. upang makapagsilbi sa nakararami.
Sa Sentenyal ng U.P., itanong natin: Para kanino nga ba ang
University ng Pilipinas?
Ipaglaban natin ang U.P. bilang Unibersidad ng mamamayan, at para
sa mamamayan!