(Talumpati sa Forum ng
kaguruan at administrative staff ng U.P. Mindanao, Davao City, March 30,
2006)
Nang ako'y
nagsimulang umupo bilang Faculty Regent nitong taon, lubos akong di-mapakali
at nanibago sa mga komunikasyon dumarating sa akin. Sa mga sulat,
"Honorable" ang tawag sa akin. Wari ba'y hindi "Honorable" ang mga taong
walang nakakabit na ganitong titulo sa kanilang mga pangalan. At hindi rin
talaga ako mapalagay sa titulong Regent na ating minana noong panahon pa na
kolonyal na pamamalakad ng Governor General ng Amerika sa Pilipinas.
Ayon sa diksyunaryong
Webster, ang "regent" ay "ang gumaganap ng tungkulin habang ang hari ay wala
pa sa sapat na gulang…." Wala namang hari o reyna sa Pilipinas na ang
kapangyarihan ay binatay sa "divine rights theory" ng Medieval era—o meron
pa ba sa kasalukuyan? Hindi pa ba sapat sa gulang ang ating ginagalang na
mga guro, REPS at kawani, na kailangang magkaroon tayo ng mga namumunong mga
tinaguriang "Rehente" sa pinakamataas na pulutong ng Unibersidad?
Lubos kong
ikinatutuwa at ikinakarangal ang makasama kayong lahat sa pagtitipon-tipong
ito sa ating Unibersidad. Nais ko pong gamitin ang pagkakataong ito upang
maipaliwanag ang aking hangarin para sa ating kaguruan sa partikular, at
para sa ating pamantasan sa kabuuan. Layunin kong bigkisin ang ating
kolektibong adhikain sa harap ng mga suliranin ng ating Pamantasan, at sa
harap din ng rumaragasang pampulitikal at pangkabuhayang krisis ng ating
bansa.
Ang Pambansang Kalagayan
at Krisis Pulitika
Sa mga nakaraang
buwan, naging saksi ang bayan sa nakakalulang paglalantad ng iba't ibang
kaso at eskandalo sa pamahalaan. Isang buwan na rin ang nakalipas mula
nang magdeklara si Gloria Macapagal-Arroyo ng state of national emergency sa
bisa ng Proclamation No. 1017. Sa loob ng isang linggo at matapos bawiin
ang deklarasyon, tahasan ang paglabag sa mga batayang karapatan ng
mamamayan.
Hindi na kinikilala
ang karapatan sa malayang pagtitipon. Marahas na binubuwag ang mga rali at
iba pang porma ng protesta.
Sinusupil ang
kalayaan sa pamamahayag. Ni-raid ng PNP-Criminal Investigation and
Detection Group(CIDG) ang opisina ng Daily Tribune. Ipinasara ang
Ngayon Na, Bayan! radio program, isang award-winning program ng DZRJ.
Nagpapatupad ng censorship sa broadcast media . Minamanmanan ang mga TV
stations at isinasailalim sa surveillance ang ilang mamamahayag.
Sinampahan ng mga
inimbentong kaso ng rebelyon at inciting to sedition ang mga kritiko ni
Arroyo. Iligal na inaresto at ikinulong si Anakpawis Representative
Crispin "Ka Bel" Beltran. Tinangka rin nilang arestuhin ang ibang
progresibong kinatawan ng party-list na sina Bayan Muna Representatives
Satur Ocampo, Teddy Casino, Joel Virador, Anakpawis Representative Rafael
Mariano at Gabriela Women's Party Representative Liza Maza.
Nililinlang ng
pamahalaan ang publiko. Nariyang maglabas ng video documentary at
magpasulpot ng testigong mala-"Makapili" para paniwalain ang taumbayan sa
diumano'y planong kudeta ng mga komunista at rebeldeng sundalo. Ilang ulit
nilabag ang karapatan ng mga akusado. Hindi pa man napapatunayang
nagkasala, ipinapain na sa kapahamakan ang mga inaakusahang nagplano raw ng
kudeta.
Pilit na inuugnay ng
pamahalaan at militar o kapulisan ang mga legal na organisasyon sa mga
armadong grupo. Ito ang batayan sa kaliwa't kanang mga kasong isinasampa
laban sa mga kritiko ng administrasyon. Sa mata ng pamahalaan, mga
terorista o kaaway ng estado ang lahat ng kritikong kumakalaban kay Arroyo.
Ginagamit na lisensya ang ganitong pagbabansag para labagin ang
karapatang pantao.
Ayon sa mga human
rights organizations, 35 na ang pinaslang mula lamang Enero hanggang Marso
27 ng taong ito. Noong 2005, aabot sa 160 ang pinatay. Simula nang
maluklok si Arroyo noong 2001, mahigit 400 na ang naging biktima ng
extrajudicial killings. Kasama sa mga biktima ay mga titser: sina Napoleon
Pornasdoro ng Quezon National High School sa Lucena City; Vitoria Samonte,
presidente ng Andres Soriano College Employees Union sa Bislig City; at si
Leima Fortu, public school teacher sa Suqui Elementary School, Calapan,
Mindoro Oriental. Pati mga kabataang estudyante ay walang-awang pinapatay
din, tulad ni Cris Hugo, isang 20 anyos na lider-mag-aaral sa Bikol.
Malinaw ang pakay
ng mga ito ay mapalakas ng kapangyarihan at mapatagal ang sarili sa poder
upang mapanatili ang kasalukuyang istruktura kung saan naghahari ang mga
elitista at oligarkiya sa ating lipunan. Gumagamit na ng dahas ang
naghihingalong administrasyon dahil desperado itong manatili sa puwesto.
Sa mga pinakahuling sarbey, malinaw na isinusuka na si Arroyo ng 65
porsyento ng taumbayan. Pulos buladas lang ang mga pangakong pag-unlad sa
kabuhayan ng mamamayan. Ayon sa estadistika ng National Statistics Office
(NSO), 2.8 milyon na ang walang trabaho. Maliit pa ito kumpara sa aktuwal
na bilang ng walang hanapbuhay. Dahil sa Reformed Value Added Tax (RVAT)
Law, P665.01 na ang daily cost of living sa National Capital Region, doble
ng minimum wage. Hindi naman malasap ng mga empleyado ang dagdag na
umento.
Ang krisis sa
ekonomiya ay nagpapatuloy. Pati tayo na nasa U.P. ay nararamdaman ang
krisis sa kabuhayan. Lumingon lamang tayo sa ating paligid at mapupuna
nating lumalala ang krisis sa pang-araw-araw na buhay, pamumuhay at
kabuhayan ng milyun-milyong Pilipino.
Itinutulak ng
kahirapan at kagutuman ang mamamayan upang patuloy na magprotesta. Patuloy
ang krisis sa ating bansa dahil hindi hinaharap ng administrasyon ang mga
seryosong isyu tulad ng pandaraya sa eleksyon, malawakang korupsyon,
paglabag sa karapatang pantao at iba pang krimen.
Kailangan nating mga
kaguruan, kasama ang ating mga istap at mag-aaral, na patuloy na labanan ang
panunupil at pandarahas sapagkat nanganganib din dito ang ating kalayaang
akademiko at kalayaang magpahayag sa Pamantasan. Kung hindi tayo naging
mapagbantay, malamang ay hindi agad binawi ni Arroyo ang PP 1017. Kung
hindi agad tayo kumilos at lumaban, malamang na bumaling na ang
administrasyon sa hayag na diktadurya o martial law.
Ang mga kalagayang
ito ang nagtutulak sa mga mamamayan, mga organisasyon at pormasyong
pulitikal upang mag-usap at suriin ang kasalukuyang kaganapan sa bansa at
talakayin ang pagsusulong ng mga alternatibo hinggil sa usapin ng pamamahala
at pakikilahok.
Samantala, meron ding mga
ideyalistikong mga miyembro ng Sandatahang Lakas na sawang-sawa na rin sa
korupsyon ng kanilang mga heneral at sa pakikialam ng mga pulitikong nasa
administrasyon, sa propesyonal na sandatahang lakas. Panahon na upang
magsulong ng isang plataporma ng pamamahala at pakikilahok at programa ng
pagkilos na magsisilbing altenatibo sa kasalukuyang pamamahala at maglalatag
ng direksyon tungo sa makabuluhang pagbabago.
Alternatibo ng Mamamayan
Mahalagang batayan
ng pagbibigkis ay ang paglalantad at pagtutol sa globalisasyong neo-liberal,
na nakabatay sa mga prinsipyo ng pambansang patrimonyo at soberaniya.
Dapat din itakwil ang elitistang paghahari, digmaan at militarismo na
ginagamit sa pagsusulong ng elitistang interes at programa sa pandaigdigan
at pambansang larangan. Merong mga inisyatiba ngayon upang ipilit ang mga
probisyong maka-globalisasyong neo-liberal sa pamamagitan ng Charter Change
o Cha-cha, kasama na ang mga pulitikal na repormang pinaglalaruan ng mga
makikitid na interes ng mga oportunistang mga opisyal sa pambansa at lokal
na pamahalaan. Dapat ding ipalaganap ang prinsipyo ng demokratikong
talakayan at tunggalian habang sumusunod ito sa demokratikong pamamahala at
pakikilahok.
Dapat nating buksan
ang malawak na pagkakaisang ito sa mga indibidwal at sa lahat ng anyo ng
samahan katulad ng mga organisasyong masa, NGO, pormasyong pulitikal,
partidong elektoral, kilusang panlipunan at mga koalisyon. Ang mga lider
nito ay dapat napanday sa pakikibaka, sa kanilang kasaysayan at rekord sa
paglahok at pamumuno sa mga pakikibaka ng mamamayan, at sa gawain at
programang nagsisilbi sa interes ng ordinaryong Pilipino. Dapat din silang
maging handa sa pagtataguyod ng alternatibong plataporma at programa ng
mamamayan na hindi na paghaharian ng mga trapo at oligarkiya.
Ang Papel at Tungkulin ng
Kaguruan ng Pamantasan
Tayong mga guro at
iskolar ay may malaking papel sa paglatag ng isang makabayan at
maka-Pilipinong programa na maglalaman ng alternatibong direksyon na dapat
ipalaganap bilang bahagi ng pagmumulat sa mamamayan. Hindi sapat ang pagpuna
sa mga nagaganap sa ating bayan kung wala tayong mga alternatibong
inihahayag upang itayo ang mas matiwasay na pamumuno.
Ngunit, dapat
munang tumulong din ang mga kaguruan ng University of the Philippines System
sa mga direksyon tungo sa pagkakaisa ng progresibong hanay ng oposisyon na
nagkahati-hati noong 1990s. Kinikilala at nirerespeto ang ating mga guro at
REPS hindi lamang sa ating Pamantasan, kundi lalo na sa komunidad sa labas
ng U.P. Rekisito ito upang lalong pagkaisahin ang mas malawak na oposisyon
ng bansa na magiging susi sa tunay na pagbabago sa ating lipunan.
Unyonismo sa Unibersidad
ng Pilipinas
Ang U.P. System
Academic Union ay samahan ng mga guro at REPS sa Pamantasan. Ito ang
kumakatawan sa mga 3,644 guro at 1,197 REPS. Ang tanging hangarin ay
kamtin ang pang-akademiko at pang-ekonomiyang karapatan at kagalingan ng mga
miyembro nito. Sa mga non-academic sector naman, nariyan ang 9,184 kawani
na kasama ang mga nasa PGH (2004 UPS Budget Office-Planning Services
Division). Ang non-academic sector naman ay organisado sa All U.P. Workers
Union, na kasalukuyang may Collective Negotiating Agreement sa U.P. System
administration.
Kinakailangan pa ng
akademikong union na umugat at magpalakas pa sa mga departamento, kolehiyo
at antas ng Constituent University bilang batayan ng pagbubuo ng malakas na
pambansang pamunuan na nagmula sa rank and file, at upang pormal na kilanlin
ng administrasyon. Makulay, matingkad at mahaba ang karanasan ng U.P. sa
pag-oorganisa ng mga propesor at REPS—mula sa Samahan ng Guro sa Pamantasan
(SAGUPA), Katipunan ng Mga Gurong Makabayan (KAGUMA), at Samahan ng
Makabayang Siyentipiko (SMS), noong 1970s; ang U.P. Faculty Club, Samahan
ng mga Guro sa Ikauunlad ng Pamantasan(SAGIP), Association of Faculty,
Research and Extension Employees of U.P.(A FREE UP) at ang United Teachers
and Employees of U.P. System (UNITE-UP) noong 1980s. Sa kasalukuyan, bukod
sa U.P. System Academic Union, nariyan din ang Congress of Teachers for
Nationalism and Democracy (CONTEND) sa U.P. Diliman.
Pinapatunayan pa rin
ng ating mga karanasan sa labas at loob ng Pamantasan na nasa kamay pa rin
ng nagkakaisang kaguruan ang pagpasya sa magiging direksyon at pagsagip sa
ating Pamantasan sa patuloy na lumalaganap na komersyalisasyon nito.
Nakakabahala ang ilang mga patakaran at programa ng Unibersidad na
maka-liberalisasyon at pribatisasyon ang balangkas tulad ng balak na
pribatisasyon ng U.P. Printing Press, Campus Maintenance Office at ang
nalalabing University Food Service sa Vinzons Hall. Hindi malayo na pati ang
mga nalalabi pang mga tinataguriang "non-academic units" ay isasara kung
hindi ito kumikita batay sa balangkas ng "return on investment" at ililipat
sa kamay ng mga "anti-labor na contractualized private agencies" o di kaya
mga pribadong concessionaires.
Isang mahalagang
salik sa ganap na maaari nating anihing tagumpay ay ang pagkakaroon ng
pagbabago sa rebisyon ng U.P . Charter. Dito ay maaari nating ilaban ang mga
probisyon na magbabadya ng mga mahahalagang pagbabago sa direksyon ng ating
institusyon sa mga maseselang isyu tulad ng komersyalisasyon, liberalisasyon
at pribatisasyon ng ating Unibersidad. Ang U.P. Charter ay dapat tumungo
sa institusyonalisasyon at pagpapatingkad ng demokratisasyon sa pamamahala
ng Unibersidad, hindi ang komersyalisasyon nito.
Nais ko rin bigyan
pansin ang kritikal na kalagayan ng ating mga nakababatang "junior" faculty
at REPS. Kritikal sa junior faculty ang "Up-or- Out Rule" at ang
"Tenure-or-Out Rule". Matagal ko nang pinagninilay-nilayan ang bagay na ito
sa 24 kong taon na nagtuturo sa U.P. Ang Tenure or Out Rule ay isang
administratibong bangungot sa marami nating mga departamento, lalo na kung
wala tayong mahanap na mga kapalit na may malawak na karanasan sa pagtuturo.
Kadalasan, ang administrador ay napipilitang kumuha ng bagong graduate at
muli silang magsisimula sa 0 sa "faculty development." Hindi ko maunawaan
kung bakit natin dapat ipilit ang limitadong panahon sa isang non-tenured na
guro, lalo na sa mga magagaling nating mga guro na malaking kawalan sa
Unibersidad kung sila ay tatanggalin kung kulang sa "refereed publications."
Di ba natin maaaring bigyan ng karagdagang pribilehiyo at incentives ang
pagiging tenured para maging isang boluntaryo at balidong layunin ito ng
ating mga guro? Marami sa sinasabing 400 faculty na nawala sa U.P. sa
nakaraang 5 taon ay di lamang dahil sa boluntaryong pag-alis kundi dahil din
sa pagtanggal sa kanila alinsunod sa patakarang tenureship.
Sa hanay naman ng
ating REPS, marami sa kanila ang matataas ang kuwalipikasyon lalo na sa U.P.
Los Baños at Diliman kung saan kasing-kalibre sila ng ating mga faculty,
ngunit ang mga benepisyo at pribilehiyo nila ay malayo sa tinatanggap na
biyaya ng ating teaching staff. Panahon na rin para ayusin ang mga items ng
mga REPS na sa katunayan ay gumagawa ng trabaho ng ating admin personnel.
Mga Panawagan at
Tungkulin Natin sa Unibersidad
Mahalaga ang
edukasyon dahil itinatakda nito ang pag-unlad ng isang lipunan.
Tungkulin ng
gobyerno na kilalanin ang karapatan ng mamamayan na magkaroon ng isang
edukasyon sa lahat ng antas na walang pagtatangi sa edad, relihiyon,
seksuwalidad at katayuan sa lipunan.
Ang edukasyon ay
dapat na naglalaman ng paglilingkod sa mamamayan, at pagmamalasakit sa
kapus-palad at maralita, habang itinatakwil ang pagkokontrol ng dayuhan sa
soberanya ng bansa.
Itinataguyod rin
nito ang maka-Pilipino, siyentipikong pananaw at kritikal na pagsusuri sa
kalagayang lipunan. Hinihikayat nito ang mamamayan na maging malikhain at
malaya mula sa mga haka-haka at ideyal na paniniwalang nagpapabansot sa
pag-unlad ng kaisipan.
Higit sa lahat, ang
edukasyong Pilipino ay dapat na naglalaman ng buhay, damdamin, kaugalian at
aspirasyon ng mamamayan na magtayo ng isang tunay na malaya at maunlad na
lipunan.
Ating inaasahan na
ang tanyag na Unibersidad na ito -- na kilala rin sa kanyang kahusayang
pang-akademiko, nasyonalismo at pagmamalasakit sa kapus-palad at maralita --
ay makagagabay sa paghubog ng mga lider at Pilipino sa anumang larangan na
magtataglay ng maalab na pagmamahal sa bayan. Kasama na rin dito ang
dedikasyon na magsilbi sa pambansang interes at may mataas na antas ng
propesyonalismo at integridad.
Hindi natin
susuportahan ang mga panukalang lumalabag, tumataliwas, bumabangga,
kumokontra, at yumuyurak sa kapakanan at karapatan ng mga guro, kawani at
mag-aaral.
Sinisikap kong uriin
at suriin nang makalawa hanggang makasiyam na ulit ang layon, dama at
damdamin, katwiran at katarungan ng mga panukalang patakaran na inihaharap
para sa pagsangguni ng Board of Regents. Dinidinig ko ang pagpapayo ng
lahat, mga kasundo at ng mga hindi man sa loob at labas ng Pamantasan.
Isinasaalang-alang kong sa ating mga malayang palitan ng pagkukuro at
paninindigan sa ating mga talakayan ay mahahanap natin ang katotohanan at
pinakamabisang mungkahi.
Ito ang patakaran sa
Pamantasan na humihingi ng katuparan, makatao at makabayan para sa isang
malaya, maunlad at mabiyayang buhay, pamumuhay at kabuhayan.
Responsibilidad ng
pamunuan na iadya ang Pamantasan sa hamon ng kasalukuyan at darating pang
panahon . Dahil dito, hindi matatawaran ang kahalagahan ng masinop na
pag-aaral hinggil sa maaaring direksyon ng U.P. lalo na't dalawang taon na
lamang ang U.P. Centennial sa 2008. Kaugnay nito, nais ko sanang hingin sa
ating kaguruan na magkaisa ng layunin sa usaping ito ng UP Charter. Hingin
natin na sa lalong madaling panahon ay magsagawa na ng karampatang hakbang
na maipasa na ng Kongreso ang U.P. Charter bilang preparasyon sa 2008, ang
Sentenyal ng Unibersidad ng Pilipinas.
Ngunit kinakailangan
na bantayan natin ang mga probisyon nito upang mapalakas ang mga probisyon
na lalong magpapalakas sa awtonomiya, demokratisasyon at integridad ng ating
Unibersidad. Ang ating eksempsyon sa Salary Standardization Law o SSL, at
eksempsyon din sa pagpataw ng mga malalaking buwis, at pleksibilidad ng
Pamantasan na lalong palakihin ang pondo nito sa pamamagitan ng ating
pagiging "Premier University" ng bansa ay nakasalalay dito. Ako'y
nangangamba na kung hindi natin pagkakaisahin ang ating perspektiba at asta
hinggil sa usaping ito, malamang hindi pa rin makakalusot ang pagpasa ng
bagong U.P. Charter sa Kongreso. Nais kong tumulong bilang isang Rehente ng
Kaguruan upang mapagkaisa ang perspektiba ng administrasyon, kaguruan,
kawani at mag-aaral sa usaping ito.
Mga kapwa guro, sa
mga REPS, kawani at mag-aaral ng ating mahal na Pamantasan: Masdan natin
ang ating kalagayan sa loob at labas ng Pamantasan. Ang krisis na sa atin
ngayon ay nagpapahirap, ay isa ring pagkakataon para magkaroon ng repleksyon
at pagtatasa sa ating mga hanay upang ating tuklasin ang ating likas na
kakayahan. Malinaw na isang pangunahing layunin natin ngayon ay ang
ikawing ang mga isyu ng Pamantasan sa mga nagaganap sa ating lipunan. Hindi
hiwalay ang mga isyu ng Pamantasan sa patuloy na krisis ng sambayanan.
Kasama sa layunin natin ay kumalas sa ganitong kalagayan ng bansa.
Nasa ating sariling
lakas ang tunay na katiwasayan at pag-unlad. Sa mga panahong ito ng
matinding pagsubok ng kasaysayan, higit na kailangan ang ambag ng Pamantasan
sa paglutas ng ating malalang pampulitika at pangkabuhayang krisis sa bansa.
Kailangan nating magkaisa bilang unibersidad, magtulungan tayo upang
makapag-ambag sa adhikain ng mamamayan at sambayanan upang makaahon sa
kahirapan na dulot ng elitista at oligarkiyang kontrol ng lipunan. Nasa
ating mga kamay ang pag-ahon. Nasa ating pagkakaisa ang dangal ng
Unibersidad at ng bayan. Higit sa lahat ipaglaban po natin ang malayang
kinabukasan ng ating tanyag na Pamantasan.
Huwag sana nating
ipagpalit ang pambansang karangalan sa kuwarta tulad ng ginagawa ng ilang
mga propesor na nagbebenta ng kanilang talino at prestihiyo upang idepensa
ang bulok at korap na sistema at nagpapagamit sa mga trapo para sa mga
hungkag na mungkahi tulad ng Charter Change.
Hindi magtatagumpay
ang mga nagtatangka na durugin ang mga kilusan ng ating magsasaka,
manggagawa at mas malawak na kilusang ng mamamayan. Nasa ubod ng mga
kilusang ito ang laksa-laksang mamamayang galit, gutom at lumalaban.
Paano pipigilin ang
papalakas na represyon? Mapapangalagaan lamang natin ang ating kalayaan
kung magiging mapagmatyag tayo sa mga kaganapan. Tapos na ang panahon ng
pagbubulag-bulagan. Kailangan tayong manindigan para sa kalayaan.
I-transporma natin
an ating mga klasrum bilang mga institusyon para sa katotohanan at
katarungang panlipunan.
Ilantad natin ang
mga panlilinlang na nagaganap sa ating mga silid-aralan at ipalaganap natin
ang mga ikinukubling katotohanan sa likod ng mga pangyayaring
kasuklam-suklam.
Pukawin natin ang
mga kapwa guro, empleyado at mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga
mapanlikahang anyo ng protesta.
Pagtibayin natin ang
pagkakaisa sa hanay nating mga kaguruan, pagtibayin ang pagkakaisa sa iba
pang mga sektor ng Pamantasan, at pagtibayin ang pagkakaisa ng Pamantasan
sa sambayanang Pilipino.
Tulad ng sinabi ni
dating U.P. President Rafael Palma: