Speech before People's Task Force on Bases Cleanup
General Assembly
Kampanya laban sa Toxic Waste:
ANG MASALIMUOT NATING DAAN TUNGO SA DI-MAPIPIGIL
NA TAGUMPAY!!
ni
Prof. Roland G. Simbulan
Talumpati sa General Assembly ng People's Task
Force on Bases Clean-up, Philippine Social Science Center Auditorium,
Diliman, Quezon City, February 24, 2001.
Mga delegado, mga panauhing tagapagsalita, mga kasama sa People's Task Force
on Bases Clean-up, at mga Kaibigan:
Ang maraming mga mamamayan ng daigdig, mga Simbahan at pangsibikong mga
organisasyon, kasama ang mga pamahalaan, ang mga internasyunal na
organisasyon at institusyon, ay matagal nang may interes sa isyung
pangkapaligiran(environment). Sa ganitong balangkas natin maiintindihan ang
nangyayaring mala-higanteng hakbangin at pagsulog sa mga nakaraang taon ng
ating kampanya ukol sa nakalalasong basura o toxic waste sa mga dating base-militar
ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Noong 1990, unang nabunyag sa isang Kumperensiya ukol sa mga base-militar ni
Dr. Jorge Emmanuel ang suliraning ito sa mga aktibo pa noong mga base-militar
ng Estados Unidos sa Pilipinas. Mula noon, ay tuloy-tuloy na nating isinama
ang isyung ito sa pagtalakay ng mga base-militar. Sa katunayan, ay naging
malaking isyu ito laban sa mga base-militar noong maselang panahon na
dine-debate ang kinabukasan ng U.S. bases sa Pilipinas. Ngunit, bagaman,
malaki at malawak na ang ating narating sa pagmumulat sa maraming Pilipino
at mga nasa ibang bansa ukol sa isyung ito, ipinagkakait pa rin sa atin ng
pamahalaan ng Estados Unidos ang hustisyang pangkapaligiran upang lubos
nating masasabina tayo ay ganap nang nagtagumpay.
Sa loob ng ilang taon mula noong 1994, nagpumilit tayo sa mga pasikut-sikot
at teknikalidad na ilaban ito sa mga porum ng pamahalaan ng Pilipinas,
maging sa ilang mga opisyal ng ehekutibo at lehislatura ng Estados Unidos.
Ngunit nadiskaril ang ating mga inisyatibo dahil ayaw pa rin umamain ang
Estados Unidos sa opisyal na paraan, bagkus ay itinatanggi ang anumang
responsibilidad. Ang mga lansangan at mass midya(media) ay patuloy nating
ginagamit na porum sa lahat nating inisyatibo. Sa loob ng mahigit walong
taon mula nang sinimulan gawing opisyal na kampanya ito ng Nuclear-Free
Philippines Coalition(NFPC) sa pagpapatalsika noong una ng base-militar ng
Estados Unidos, at matapos nito laban sa ratipikasyon ng Visiting Forces
Agreement, sumadsad ang ating kampanya mula sa isang manipis na programa ng
Nuclear Free Philippines Coalition tungo sa isang independenteng kampanya na
nagkaroon ng internasyunal na balangay. Bago pa man pumutok ang isyung ito
sa mga internasyunal na porum, ginawa nang makinis ang daan para sa isang
malawakang kampanya nito na nag-isponsor pa ng Unang International Forum on
Bases Clean-up ang Toxic Waste sa Maynila.
Sa lahat ng sektor, todong kinikilala ngayon ang isyung ito ng mga NGOs at
POs kung saan nakapailalim ang kinabukasan ng relasyong Pilipinas at Estados
Unidos matapos ang Cold War. Ito ay naging pangunahing isyu, bago ipasa ang
kontrobersyal na Visiting Forces Agreement. Mapapansin na noong una, ay ayaw
bitbitin itong toxic waste issue ng ilang mga organisasyon at NGOs dahil
masyadong peripheral daw o di nagpapakita ng imperyalistang katangian ng
dambulang superpower. Ngunit, mapapansin na hindi nagtagal, ang ating
inisyatibo at pagsusumikap ang nagtulak na ang isyung ito ay naging isang
pinakamainit at pinakamahalagang isyu sa relasyong Pilipinas-Estados Unidos
mula 1992 hanggang sa kasalukuyan. Ginawa pang isama ito sa adyenda ng mga
bilateral discussions ng nakaraang dalawang administrasyon nina Ramos at
Estrada sa kanilang U.S. state visits. Tayo ay nagtulak sa paglago ng isyung
ito sa relasyong bilateral. Sa kabila nito, wala namang ibinibigay na tulong
ang pamahalaan ng Estados Unidos sa mga patuloy na namamatay at
napipinsalang mga mamamayan , na karamihan ay mga bata dulot ng toxic waste
na kanilang iniwan o itinambak sa mga dating base-militar. Hindi iilan-ilan
ang mga kaso na naitala, naisa-dokumento at napabalita.
Nasaan na tayo sa kasalukuyan?
Sa kabila ng ating mga tagumpay sa pagmumulat
sa publiko ukol sa isyung ito, hindi maikakailang naging malungkot ang
balitang ayaw pa rin ng pamahalaan ng Estados Unidos na aminin ang
responsibilidad, at nagbabale-wala sa mga limitadong inisyatibo ng
pamahalaang Pilipinas. Ni ang pagsagip sa mga gastusing medikal ng mga
biktima ay ipinapasa sa pamahalaang Pilipinas at sa mga pribadong inisyatibo.
Bagkus, ay lalong ipinapasa sa mga pribadong inisyatibo at institusyon, na
lumalabas ay wala ring pondo para sa ganitong mabigat na responsibilidad.
Ang mahigpit na pagyakap ng Estados Unidos sa linyang "no legal
responsibility" ang patuloy na nagpapako sa lalong hindi pag-usad ng isyung
ito. Lalo na't nahalal ngayon ang Republikanong presidente ng Estados Unidos
na si George Bush, Jr., lalo kayang madidiskaril ang ating mga inisyatibo sa
Estados Unidos at iba pang pandaigdigang porum? Tingnan na lamang ang
ginawang pag-atras ng Estados Unidos sa ilalim ni Bush sa mga komitments ng
Amerika sa Kyoto Protocol para mabawasan ang greenhouse gases? Malaki na
sana ang potensyal ng isyung ito upang lalo nating paunlarin sa larangang
internasyunal. Makikita ito sa dami ng mga abugadong dayuhan na lumalapit sa
atin upang magboluntaryo na dalhin ito sa mga pandaigdigang porum o sa labas
ng Pilipinas. Dahil ang proteksyon ng kapaligiran at kalusugan ay mga
kinikilalang adyenda ng lahat ng mamamamayan at pamahalaan ng daigdig, hindi
na kailangan itong ikampanya pa at hinihintay na lamang na isampa bilang
isyu na dadalhin ng mga lokal at pandaigdigang organisasyon.
Mula sa makasaysayang "Mother's March" noong nakaraang taon(2000), malaking
papel ang ginagampanan ngayon ng mismong mga biktima at ang mga abugado
tulad nina Attorney Alex Lacson mula nang isampa ng mahigit sa sandaang
biktima sa mga korte ng Angeles at Olongapo ang reklamo laban sa pamahalaan
ng Estados Unidos at Pilipinas. May batayan ang paghiling ng mga biktima ng
kompensasyon para sa namamatay at patuloy na napipinsalang mga mamamayan na
residente ng mga komunidad na nakapaligid sa mga dating base-militar.
Malinaw sa mga kaso at biktima mismo na dulot ito ng nakalalasong basurang
mistulang itinapon at iniwan na lamang ng Estados Unidos sa kanilang mga
dating U.S. bases. Ngunit, hindi makatuwiran ang hindi nila pag-amin sa
problemang ito, sa kabila ng mga dumaraming mga biktima, matapos nilang
mapakinabangan ang mga lugar na dating base ay ngayon ay iniwan na lamang
bilang mga sementeryo at mga rehiyon ng kamatayan. Sa kabila ng napakalaking
yaman at tubong kinakamal nila, itinatanggi nila ang responsibilidad sa
pinsalang nagawa nila.
Sa ilalim ng bagong administrasyong Macapagal-Arroyo, saan nga ba maaaring
ilugar ang patuloy nating pagsulong upang ganap na magtagumpay? Pagkatapos
mapatalsik ang administrasyong Estrada, may maaasahan kaya sa bagong
administrasyon? Tinanggal ng puwersa ng mamamayan ang mga balakid sa
pagsulong natin bilang isang maunlad na bansa sa kabuhayan. Tinanggal din
natin ang mga mapagkunwaring tinik sa loob ng Task Force na ang hangarin ay
pansariling kapakanan at pagnenegosyo ng isyu ng toxic waste victims. Ang
mga tinik na ito na kasapakat ngayon ang mga lihim na abugadong pakawala at
kinatawan marahil ng CIA-U.S. State Department ay dapat nang ilantad sa
kanilang pagmamaniobrang ilihis ang ating kampanya mula sa mga tunay nitong
adhikain. Kung hindi titigil ang mga kinauukulan, hindi magtatagal na
igagawad sa kanila ang nararapat na parusa na karapatdapat lamang sa mga
balasubas na manggagantso sa taumbayan.
Mabuti at maagap nating napigil ang panggagantso ng iilan na may hangaring
ilihis ang buong kampanya sa landas na gustong basbas ng U.S. State
Department at CIA. Mula ngayon, dapat silang manmanan mabuti sa ating mga
komunidad, ilantad at ihiwalay nang
hindi na makagawa pa ng pinsala sa ating mga hanay.
Ngayon ay panahon na upang palakasin ang ating pampulitikang determinasyon
na ipagtanggol ang karapatan ng sarili nating mga mamamayan na sumisigaw ng
hustisya sa sarili nilang pamahalaan.
Malinaw na isang pangunahing layunin natin ngayon na ikawing ang isyung ito
sa mga patuloy na operasyong militar ng Estados Unidos sa pamamagitan ng
RP-US Visiting Forces Agreement. Hindi hiwalay ang isyung toxic waste sa
patuloy na paglalason na ginagawa ng Pentagon sa ibat ibang mga daungan at
bukid kung saan nila ginagawa ang mga military exercises ng mga puwersang
pangmilitar ng Estados Unidos. Ito din ang mga puwersa sa pagsusulong ng
globalisasyon na pinangungunahan ng mga korporasyon ng Amerika. Kasama sa
layunin natin ang kumalas sa ganitong kalagayan.
Kahit nabuwag na ang Unyong Sobyet, pinakamalaki pa rin ang nakukuhang
badyet ng Estados Unidos. Umabot ng $281 bilyon noong taong 2000 o 54% ng
gastusin ng pambansang badyet ang para sa militar/depensa ng Estados Unidos.
Lalo nating maaasahan na palolobohin pa ito ng isang Republikanong
administrasyon.
Para ba tayong naghahanap ngayon ng karayom sa labong-tubig? Pero
magkagayunman, batay sa ating mga naging karanasan, kung may sipag at tiyaga,
titining at titining ang malabong tubig. Makukuha at makukuha rin ang
karayom ng tagumpay. At ang karayom na ito ay mahalaga. Hindi lamang bilang
panulsi sa gulanit nating dignidad, kundi, mas mahalaga, bilang panundot sa
malaking bola na lalaong pinalolobo ng mga pwersang pangmilitar ng Estados
Unidos at mga puwersa ng globalisasyon.
Ang tunay at ganap na tagumpay ay isang tagumpay pampulitikal laban sa mga
puwersa ng globalisasyon at ang makinarya nitong pangmilitar ng Estados
Unidos. Itong magiging tagumpay ay nagtataguyod ng respeto sa ating
kapaligiran, ngunit higit sa lahat, respeto sa dignidad ng ating mamamayan
at soberanyang mapagpasya.
Isang mahalagang salik sa ganap nating tagumpay ay ang pagkakaroon ng
pagbabago sa patakarang panlabas at patakarang pangseguridad ng Pilipinas.
Ang bagong hirang na Secretary of Foreign Affairs, si Bise Presidente
Teofisto Guingona, ay isang kilalang senador na kumontra sa pagpapanatili ng
mga base militar ng Estados Unidos at nagboto laban sa ratipikasyon ng
Visiting Forces Agreement. Ito kaya ay magbabadya ng ilang pagbabago sa mga
maseselang isyu natin hinggil sa patakarang panlabas at seguridad?
Hanggat ang mga patakaran at programa ng pamahalaan ng Pilipinas ay
maka-Amerikano ang balangkas, ang interes ng mga patuloy na nabibiktimang
mga Pilipino ng toxic waste ay hindi mapagsisilihan at hindi mabibigyan ng
hustisya. Pinapatunayan pa rin ng ating mga karanasan na nasa kamay pa rin
ng mga nagkakaisang Pilipino ang pagpapasya sa magiging direksyon at
pagsagip sa ating mga komunidad na napipinsala sa patuloy na operasyong
pangmilitar ng Estados Unidos sa maraming lalawigan sa ating bansa.