PIGILIN
ANG GERA NG AMERIKA PARA SA LANGIS
Nagkakaisang Pahayag ng Gathering for Peace, RESIST o Alliance to Resist
Resurgence of State Terrorism at PEACE CAMP sa Pandaigdigang Araw ng mga
Protesta Para sa Kapayapaan laban sa gera ng Amerika laban sa Iraq, Feb. 14,
2003.
Ang Estados Unidos ay naghahanda na
namang makidigma sa Iraq sa paglulunsad ng pinakamalaking deployment ng
kanyang tropa sa Gitnang Silangan mula noong 1991. Kaya, nangangamba ang
maraming pamahalaan at mamamayan na ito ay magiging mitsa sa lalagablab na
giyera sa Persian Gulf at sa mundo.
Ang namamagang katotohanan sa likod ng mga pangyayaring ito ay isang
malawak na pangmilitar na pananalakay ng Amerika at Britanya laban sa Iraq
na tumutulak sa mundo sa bangin ng pandaigdigang digmaan, at maraming
kabataang lalaki at babae ang maaaring mamatay o mapipinsala, lalo na ang
mga sibilyan. Para saan? Para kanino ba ang digmaang ito?
Ito ay para sa mga higanteng kompanya ng langis na naghahangad na
angkinin at sakupin ang pangalawang pinakamalaking deposito ng langis sa
buong daigdig, ang Iraq. Sa kampanyang ikinukubli sa belo ng 'kontra
terorismo', ang Estados Unidos at ang mga alipuris nila sa Britanya ay
nagnanais na palawakin pa ang kanilang sobra-sobrang tubo mula sa oil fields
ng Persian Gulf. Ngunit, bukod dito,para rin ito sa pandaigdigang
'military-industrial complex' sa Estados Unidos na nagbebenta at
nangangalakal ng mga armas, ng mga instrumento ng digmaan at kamatayan.
Ang isyu sa Gitnang Silangan ay hindi ang terorismo o ng weapons of
mass destruction(WMD) na hawak ni Saddam Hussein. Ang isyu ay ang kontrol ng
mamamayang Arabo sa kanilang sariling likas na kayamanan na matagal nang
gustong ganap at tuluyang sakupin, kontrolin at angkinin ng Estados Unidos,
at iba pang Kanlurang interes.
Sapagkat, kung ang isyu ay ang weapons of mass destruction(WMD) na
hawak ng ibang bansa, bakit hindi pinupuntirya upang disarmahan ng Estados
Unidos ang Israel,Pransiya, Inglatera, ang North Korea, kasama na ang Rusya
at Tsina, India o Pakistan na madalas pang magdaos ng nuclear testing sa
kanilang teritoryo? Hindi rin magandang moral na halimbawa ang Estados
Unidos na nagtutulak ng disarmamento ng ibang bansa sa kanilang Weapons of
Mass Destruction(WMD) habang ang U.S. ang may pinakamalaking arsenal ng
sandatang nukleyar, kemikal at biological , at patuloy pang dinadagdagan pa
ito.
Hindi rin maitatatwa na si Pres. George Bush at ilang miyembro sa
kanyang gabinete ay dating matataas na opisyal sa mga ilang pinakamalaking
mga kumpanya ng langis sa Amerika. Hindi tama na ang kapayapaan sa daigdig
ay i-ayon sa interes ng mga kumpanyang ito ng langis na naghahangad na
kamkamin ang mga likas na kayamanan ng ibang bansa. Ang tunay na dahilan
kung bakit nais gerahin ng Estados Unidos ang Iraq ay upang seguruhin ang
kontrol at monopolyo ng U.S. sa supply ng langis, at ang panibagong
panghihimasok na ito sa Persian Gulf ng Estados Unidos ay isang klasikong
uri ng kolonyalismo.
Dapat maging maingat ang Pilipinas na hindi masangkot sa anumang panig
sa Gitnang Silangan. Meron tayong mga pambansang interes na nararapat
lamang pangalagaan kayat mahalaga na pag-ingatan ang mga ito. Ang mga
pambansang interes na ito ang siyang kumukonekta sa atin sa krisis sa
Gitnang Silangan, kasama na riyan ang 1.4 milyon Overseas Filipino
Workers(OFWs) at ang krudong langis na iniimport ng Pilipinas mula sa
reihiyon. Lalo na ngayong nagpahayag pa ng suporta si President Arroyo kay
President Bush laban sa Iraq, nanganganib ang buong bansa sa retalyasyon ng
mga kaaway ng Estados Unidos. At dahil ang buong bansa ay binubuksan sa mga
tropang Amerikano sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement(VFA) at Mutual
Logistics and Support Agreement(MLSA), walang bahagi ng bansa ang ligtas sa
maaaring gawing kapahamakan o karahasan ng mga kaaway ng Amerika.
Dahil sa mga dahilang ito, dapat tumulong tayo bilang sambayanan, sa
pandaigdigang panawagan na pigilin ang napipintong gera ng Estados Unidos
laban sa Iraq. Dapat iwasan ang gera at ituon ang pansin sa mapayapang
paglutas ng mga pulitikal, pangkabuhayan o sosyal na suliranin sa loob at sa
hanay ng mga bansa.
|
|