Mar 072013
 

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG MAMAMAYAN LABAN SA BNPP

                             Tutulan ang Plantang Nukleyar

                                                   ni
                                     
                                         Roland G. Simbulan

Article Insert

Please also refer to the following article.

(Keynote Address by Professor Roland Simbulan before the 1997 5th No-Nukes Asia Forum, a regional network of anti-nuclear movements in Asia, September 2,1997, Asian Center Auditorium, University of the Philippines, Diliman, Quezon City,Philippines)

ASIA’S RESURGENT REVOLUTION: Nuclear Free Movements and Struggles for People’s Empowerment

 

(Keynote Address ni Professor Roland G. Simbulan, National Chairman ng Nuclear Free Philippines Coalition sa Unity Assembly on the  Bataan Nuclear Power Plant  na ginanap sa Capitol Hills Farm, Balanga, Bataan noong ika-17 ng Abril, 1993)

     Magandang umaga po, lalo na sa mga samahan at marami po sa inyo na nanggaling pa sa iba’t- ibang bayan ng Bataan.

     Mga kasama at mga kaibigan: ang buong Abril ay kadalasang ipinagdiriwang bilang isang pagdiriwang ng trahedya o pagkatalo ng Pilipinas tulad ng Fall of Bataan at ng Death March.  Mahirap maintindihan kung bakit ginawa pang pista opisyal ang mga trahedya o pagkatalo natin sa Bataan.  Ngunit ang Abril ngayon, lalo na sa General Assembly na ito, na itinakda sa Bataan, ay ipinagdiriwang natin at pinararangalan natin lalo na ang mga mamamayan ng Bataan dahil sa inyong tagumpay sa pagsagka at pagpigil sa ‘man-made disaster’ na Bataan Nuclear Power Plant(BNPP).

Kasaysayan ng Pakikibaka ng Mamamayan Laban sa BNPP

     Labing dalawang taon na mula nang simulang planuhin ang pagtatayo ng BNPP, na nagsimula noong panahon ng dating diktador na si Marcos.  At labing-dalawang taon na nang magsama-sama tayo sa isang organisadong pagtutol sa plantang nukleyar na ito.

     Martial Law pa noon, nang itinatag ng yumaong dating Senador Lorenzo M. Tanada, ang Nuclear Free Philippines Coalition (NFPC).  Ang tanging taglay natin noon sa pagsulong sa gawain, ay ang lakas ng loob, tiwala sa ating sariling lakas, at determinasyong mapigil ang plantang nukleyar na ito.

     Hanggang ngayon, 1993 na, hindi pa napapaandar ang Bataan Nuclear Power Plant!  Ito marahil ang tagumpay na ating ipinagdiriwang ngayon, para sa Bataan, dito sa Bataan.  Tagumpay, hindi trahedya o pagkatalo tulad ng Fall of Bataan o Bataan Death March.  Kung baga sa boksing, panalo na rin tayo sa Round 2!

Kritikal na Oposisyon sa buong Bataan

     Sa matagal na panahon, iwinagayway ng mga mamamayan ng Bataan ang umuusbong na bandila ng tagumpay na punla na itinanim ng kanilang PAGKAKAISA, PAKIKIBAKA AT PAGIGING MATATAG, at nagkakaisang lumalaban sa dambuhalang ito sa Morong.  Noong 1984-85, kahit panahon pa ng diktadurang Marcos, halos 10 bayan ng Bataan ang nagpahayag ng oposisyon sa BNPP, kasama ang mga lokal na pamahalaan, simbahan at karaniwang mamamayan. Ngayon, ang Bataan ang pangunahing larangan at sentro ng tagumpay na ito sa oposisyon laban sa Bataan Nuclear Power Plant.  Ito ang dahilan kung bakit ang tinataguriang Unity Assembly na ito ay ating napagkaisang gawin dito sa inyong lalawigan.

     Sa kasalukuyan, ang tungkulin ng ating mga samahan at organisasyon ay ang gawing lubos at ganap ang tagumpay ng mamamayan, hindi lamang sa Bataan Nuclear Power Plant o BNPP, kundi gawing lubos ang tagumpay laban sa lakas nukleyar saan mang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.  Noong 1987, naipagtagumpay ng ating pagkakaisa ang pagka-titik sa ating Saligang Bataas ang isang mahalagang probisyon: para sa pagpapalaya ng ating teritoryo laban sa sandatang nukleyar o nuclear weapons (Sec. 8, Art. II).

     Naririto po tayo ngayon upang sama-sama nating lubusin ang mga ani nating mga tagumpay na ito.  Bakit po ba natin sinasabi na salot, hindi lamang sa partikular, ang Bataan Nuclear Power Plant, kundi salot ang lakas nukleyar o ang nuclear power?   Ano ang mga pangkalahatang dahilan ng pagtutol natin sa enerhiyang nukleyar?   Ang apatnapung taon ng kasaysayan ng paggamit ng enerhiyang nukleyar sa mundo ang siyang nagpapatunay na salot ang enerhiyang nukleyar.

     Una, ang paggamit ng plantang nukleyar ay lubhang mapanganib. Ito aynangangailangan pa ng masusing pagbabantay at pagsubaybay.   Ang aksidenteng nukleyar ay maaaring makapinsala sa maraming mga lugar na maaaring tumagal sa loob ng mga libo-libong taon.  Hindi katulad ng isang simpleng aksidenteng idinudulot ng mga plantang kumbensyonal. Lubhang napakalaki ng halagang kakailanganin upang linisin ang mga nakalalasong dumi at basurang idudulot ng aksidenteng nukleyar.  Tulad halimbawa ng kontaminasyon dulot ng aksidenteng Chernobyl noong Abril, 1986.  Labis na nakapinsala sa 1,500 sq. kilometers na estado ng Ukraine, 2,000 sq. kms. sa Rusya , maging sa Western Europe na may mahigit sa 1,000 sq. kms. ang distansiya na naaapekto mula sa aksidenteng ito. Tinatayang 10,500 sq. kms. ang kabbuang lugar na naaapektuhan ng mas mataas na lebel ng radyo-aktib na kontaminasyon, hindi pa kabilang dito ang mga lugar na may mababang lebel ng ikinalat na kontaminasyon.  Bilang paghahambing, ang lalawigan ng Zambales, Bataan , Pampanga, Tarlac at Bulacan na pawang malalapit halimbawa, sa Bataan Nuclear Power Plant, ay may kabuuang sukat na 12, 946 sq. kms.. Ibig ba nating maulit ang aksidenteng Chernobyl sa ating bansa?

     Pangalawa, ang teknolohiyang nukleyar ay hindi garantisadong ligtas, o hindi ito mapagkakatiwalaan.  Ito ay sa kabila ng pagbibigay ng maraming garantiya ng mga eksperto sa teknolohiyang nukleyar, ukol sa kaligtasan ng mga paggamit ng plantang nukleyar.  Ang karanasan ng paggamit nito ay nagpapatunay na ang teknolohiyang nukleyar ay laging nagkakaroon ng depekto. Hindi pa nito nararating ang ganap na perpeksiyon.

     Kung pag-aaralan ang mga nangyaring naidulot ng teknolohiyang nukleyar, mapapatunayan natin kung may katotohanan nga ang ipinapahayag ng mga nagtataguyod sa paggamit ng plantang nukleyar.   Sinasabi nila na ito ay non-pollutant at “reliable”.  Tingnan natin kung ang mga masugid na may panukala nito ay papayag at mapagkakatiwalaan  ang teknolohiyang ito kung ito ay itayo sa paligid ng kanilang bahay na tinitirhan ng kanilang pamilya!

     Hanggang sa kasalukuyan, ay hindi pa rin nagbabago ang mga ganitong uri ng pahayag mula sa mga eksperto sa teknolohiyang nukleyar, sa kabila ng nagaganap na mga pagsasara at mga aksidenteng nagaganap sa plantang nukleyar sa iba’t ibang dako ng daigdig.  Marami nang mga plantang nukleyar ang isinasara sa kasalukuyan sa Estados Unidos at sa Yuropa.

    Pangatlo, ang operasyon ng enerhiyang nukleyar ay nangangailangan ng napakalaking halaga, lalo na pagkatapos ng mga naganap na aksidente, kung saan kinailangan nilang dagdagan ng mga napakamahal na “safety instruments” ang mga ito.

     Ipinagmamalaki ng mga nagtataguyod ng mga enerhiyang nukleyar na mas mura diumano sukatin o i-metro ang elekstrisidad na galing sa plantang nukleyar.  Subalit, batay sa mga naging karanasan ng ibang bansa na mismo, tulad ng Estados Unidos, napatunayang ang plantang nukleyar, ang isa ngayon sa pinaka-magastos na pinagkukunan ng enerhiya.  Sa mismong operasyon pa lamang nito, hindi pa kabilang ang malaki ring halagang kakailanganin sa paglilinis at disposal ng nuclear wastes.  Tinatayang ang halagang gugugulin sa de-komisyoning sa plantang nukleyar matapos ang 30 taon ay singhalaga rin ng gugugulin sa pagpapagawa ng isang bagong plantang nukleyar.

     Pang-apat, wala pang solusyon sa suliranin sa nuclear wastes.  Sa kabila ng mahabang taon ng pananaliksik, ang suliranin sa pagbabasura o disposal ng nuclear wastes ay hindi pa rin nagkakaroon ng katugunan.  Ang mga naturang nuclear wastes na idinulot ng mga plantang nukleyar sa ibang bansa ay nananatili pa rin hanggang sa kasalukuyan at maaaring abutin pa ito ng daan-daang taon sa mga lugar na napinsala batay sa radyo-aktib na taglay nito.  Ang kalutasan sa suliranin ng nuclear wastes ay nahahati sa dalawang aspeto:

      Una, dapat na makagawa ng isang materyal na hindi tatagusan ng mga radioactive wastes.

      At pangalawa, paghahanap ng isang lugar na hindi magbabago o mananatili sa kanyang kaanyuan, sa ligtas na kalagayan sa susunod na isang libong taon upang pagtayuan ng mga plantang nukleyar.

     Mayroon bang lugar na tulad nito na payag maging tambakan ng materyal na radyo-aktib?   At ipagpalagay na nating mayroon na ngang nakitang ganitong uri ng lugar na mapagtatayuan ng plantang nukleyar, sa inyong palagay, sinong matinong bansa ang sasang-ayong maging tambakan ng ibang tao o ibang bansa ng nuclear waste?   Sa kasalukuyan ay marami nang bansa ang gumagamit ng prosesong “brain dumping” na tinatawa nila.   Kamakailang lamang, ang Rusya ay naakusahan sa pagtatapon ng nuclear wastes sa dagat ng hilagang Japan.

      Mga kaibigan, at mga kasama, ang mga argumento laban sa enerhiyang nukleyar sa Pilipinas, ay tunay na mahalaga, at kinakailangang pagtuunan natin ng ganap na pansin.  Unang-una, naririyan ang isyu ng sariling kakayahang pang-enerhiya o “energy self-reliance”.  Sinasabing ang enerhiyang nukleyar ang magiging daan upang tayo ay magkaroon ng sariling kakayahang pang-enerhiya, subalit hindi maaaring itago ang katotohanang ang usapin sa muling pagbubukas ng BNPP halimbawa, ay isang patunay lamang na hindi naging matagumpay ang pamahalaang ito sa pagpapaunlad sa kakayahang pang-enerhiya ng ating bansa.  Noong 1986, halimbawa, ang ating katutubong enerhiya ay 44.3% samantalang, ang ating inaangkat na enerhiyang nagmumula sa ating bansa ay bumaba.   Bumaba pa ito ng 34.9% samantalang ang ating inaangkat ay tumaas pa sa 65.1% batay sa status report ng Office of Energy Affairs noong 1991.

     Ang paggamit ng enerhiyang nukleyar ay lalo pang magpapalala sa profile o sa kalagayan ng ating enerhiya sapagkat ang lahat ng mga nuclear fuels na kakailanganin sa operasyon nito, itong uranium, ay atin pang aangkatin mula sa ibang bansa. Naririyan din ang isyu ng pangangailangang pang-teknikal.  Ang pangangailangan sa plantang nukleyar, sa usapin ng lakas paggawa at ng imprastraktura, ay may kahirapan maging para sa mauunlad na bansa.  Maging sa mga mauunlad na bansa, tinatayang ang pinaka-tipikal na US nuclear reactor  ay nangangailangan ng 4,000 balbula o valves.  Ipinakikita lamang nito na lubhang masalimuot ang imprastraktura ng isan nuclear power plant. Nang maganap ang aksidente sa Three Mile Island sa Estados Unidos noong 1979, nagpadala ang pederal na pamahalaan ng Estados Unidos  ng mga inhinyero at siyentipikong eksperto sa nukleyar sa lugar ng pinangyarihan ng aksidenteng ito.

     Ang ating bansa ay wala pang kakayahang gumawa ng gayong hakbangin upang tugunan ang isang aksidenteng nukleyar, at ito ay hindi isang biro.  Noong 1985, 25 bansa ang nagtayo ng plantang nukleyar.  Karamihan sa mga ito ay maibibilang na sa maunlad na mga bansa.  Sa kabuuang bilang na ito, 4 lamang ang nagtayo ng plantang nukleyar ang nabibilang sa mga bansang papaunlad (developing) lamang: ang Argentina, Brazil, India at Pakistan. Ang dahilan ay suliraning pang-teknikal at pampinansiyal.  Sa India at Pakistan

halimbawa, maaaring sabihing ang pagtatayo ng nuclear reactors ay bunga ng pangmilitar

na kadahilanan o iyong pang-debelop nila ng nuclear weapons sa mga bansang ito.  Kung ito ang paratang ng U.S. sa North Korea, di ba ay matagal nang ginagawa ito ng U.S. at sumusunod lamang ang North Korea?

     Ano po ang katibayang siyentipiko na nagpapatunay na salot nga ang lakas nukleyar?

     Nais ko pong banggitin sa inyo itong ilang mga recent studies o pag-aaral na ginawa sa ibang bansa ukol dito sa pagka-delikado ng nuclear energy.   Noong 1986, dalawang Amerikanong siyentipikong ikinomisyon ng US Commission on Radiological Protection ang nagpatunay na hindi totoo ang tinatawag nilang pagiging “safe” ng tinatawag nilang low-level radiation.  Narito po ang konklusyon, halimbawa ng ginawang siyentipikong pag-aaral noong 1986 ni Dr. L. Rothman at ibang dalubhasa tungkol dito sa low-level radiation.  Nais ko pong basahin ang kanilang konklusyon:

     “It came as a big shock to us, in the course of our study of radiation hazards to man, that the nuclear electricity generation as it develops under the constitution that there exist some state of serious radiation: what is worse, is the illusion with the promotion of this atomic energy, electrical utilities, about the safety of the nuclear manufacturing industries.” 

Iyon ang kanilang konklusyon dito sa partikular na pag-aaral na ito.

     Noong 1989, mismong ang U.S. Department of Energy ang nagpagawa ng isang pag-aaral na pinamagatang ” THE SAFETY OF NUCLEAR REACTORS“, at ito ay ipinagawa nila sa Great Haven National Laboratories, kung saan ipina-estimate po nila ang potensiyal na gagastusin, kung sakaling magkaroon muli ng aksidenteng nukleyar matapos ang naganap na aksidenteng nukleyar sa Three Mile Island , Pennsylvania.  Ang findings nitong pag-aaral na ito, na ginawa mismo ng U.S. Nuclear Regulatory Commission ay nagsasabing napakalaking gagastusin sa isang aksidenteng nukleyar.

     Isa ring pananaliksik ni Dr. Harris Stewart ang  nagpatibay at nagpatunay sa kaugnayan ng low-level radiation na lumalabas sa mga plantang nukleyar, at mga sakit tulad ng kanser at leukemia. Isa rin pong mahalagang finding niya rito ay iyon ngang nagkakaroon ng exposure na karaniwang mga buntis na kababaihan at ang mga buntis na kababaihan na nagtatrabaho dito sa nuclear power plants sa Amerika, ay mas mataas ang nagaganap na pagkalaglag (abortion) ng kanilang mga anak dahil sa exposure dito sa mga tinatawag na low-level radiation sa mga nuclear power plants.

     Ang ikalawang pinaka-bagong pag-aaral ukol sa banta ng nuclear power ay nasa dala kong aklat ngayon.  Ito ay may pamagat na EXPOSURE: VICTIMS OF RADIATION SPEAK OUT.  Ang aklat na ito ay inilathala noong nakaraang taon lamang, noong 1992.  Nai-dokumento nito ang mga komunidad, ang mga epekto ng exposure sa radiation ng mga normal na operasyon ng mga nuclear power plants sa labing-limang mga bansa sa iba’t ibang dako ng daigdig, kasama ang Estados Unidos, dating Unyong Sobyet, kasama rin ang South Korea, Pransiya, Britanya, Brazil, at iba pang mga bansa, kung saan may mga  nuclear power plants.  Nailathala nila at nakapanayam ang mga naninirahan sa mga komunidad sa paligid ng mga nuclear power plants.  Nais ko lamang basahin ang ilang konklusyon ng aklat na ito.  Batay sa ginawang pag-aaral ng awtor ng aklat, “Exposure to radiation does not only come from nuclear testing but also from the so-called peaceful uses of nuclear energy in different countries.”  At napag-alaman dito na ang rate ng kanser at leukemia sa mga komunidad na nakapaligid sa mga plantang nukleyar ay halos mas mataas ng 40% kahit na sa normal na operasyon pa lamang ng nuclear power plant, na walang aksikente o radioactive leaks na nagaganap.  Ito ang binabanggit kanina na “low – level radiation. “

     Ano naman ngayon ang katayuan o status ng industriyang nukleyar sa iba’t ibang bansa?   What is the status now of the nuclear energy industry in different countries of the world?

     Kung atin poong uunahin ang Estados Unidos, mula noong 1978, nang maganap ang Three Mile Island accident hanggang sa kasalukuyan, wala nang itinatayong nuclear power plant sa buong Estados Unidos. Ang  mga dati nang nakatayo at ginagamit nila ay kanilang ikino-kombert sa combined cycle na planta. Ang pinaka-tanyag ng kumbersyon ng isang dating nuclear power plant ay ang Combined Cycle Plant sa State of Michigan sa Estados Unidos. Pina-kombert ng mga mamamayan mula ang  plantang nukleyar na ito dahil sa pangangambang ito ay magdudulot lamang ng salot at sakuna sa kapahamakan at kasakitan ng mamamayan.

     Sa iba’t ibang dako naman ng daigdig, ang bansa na pinakamaraming ginagamit na plantang nukleyar sa kasalukuyan ay ang France.  Ang Pransiya sa ngayon, halos 70%  ng kanyang energy requirement ay nanggagaling sa plantang nukleyar.  Ngunit lumalakas at tumitindi ang oposisyon ng mga mamamayan sa Pransiya ukol dito sa mga plantang ito at lumalakas din ang panawagan na i-convert ito sa non-nuclear power plants, lalo na sa teknolohiya ng safe and renewable energy tulad ng wind power, solar power at iba pa.

      Gayon din sa Japan, bagamat ang Japan ngayon ay 18% lamang ang kanyang energy dependence na umaasa sa plantang nukleyar.  Ngunit malakas at lalong lumalakas ang oposisyon mula sa mga mamamayang Hapon laban sa mga nuclear power plants. Sa kabuuan po ay mayroon pang 421 nuclear power plants na nakatayo sa buong daigdig.  Marami po sa 421 na ito, lalo na iyong nasa dating Unyong Sobyet at Eastern Europe ay ipinasasara dahil sa mga depekto o dahil dito sa lakas ng oposisyon ng mga mamamayan.  Kaya, iyan po ang ilang mga updates na gusto kong ibahagi ukol sa katayuan ng industriyang nukleyar sa iba’t ibang bansa.

     Nais ko rin pong banggitin na noong nakaraang taon, nang ako ay dumalo sa isang pandaigdigang kumperensya sa Berlin, Germany noong November 1992, nagkaroon din po ako ng pagkakataong makausap si Dr. Vladimir Chernousengko, isang nuclear scientist ng Unyong Sobyet na inatasang maging Chief Coordinator sa clean-up matapos ang aksidente sa nuclear power plant sa Chernobyl.  noong 1986 po, nang naganap ang Chernobyl accident, si Dr. Chernousengko ang siyang na-appoint o naatasan ng Soviet Premier na si Gorbachev noon, na siyang mamahala sa clean-up o pag-aalis ng radioactive material na kontaminasyon sa Unyong Sobyet.  Sa kasalukuyan ito pong si Dr. Chernousengko ay namamatay na.  Ayon sa kanyang mga doktor, dalawang taon na lamang ang nalalabing panahon sa kanyang buhay, sapagkat siya ay nagkaroon ng tinatawag na radioactive poisoning.  Siya po ngayon ay isa nang masugid na anti-nuclear power plant advocate.  Biro niyo po, itong top nuclear scientist ng Unyong Sobyet ay naging advocate laban sa nuclear power!   Ayon sa kanya ay naka-protective suit pa sila noong clean-up.  At ngayon, ilang taon lamang mula noong 1986, unti-unting namamatay ng leukemia at 57  taon lamang po ang edad niya.

      Sa kabila ng protective susit nila noong clean-up ng nuclear radiation sa Chernobyl, ay tila walang bisa ang kanilang protective suit at siya ay nagkaroong ng massive exposure dito sa radioactive poisoning.  Kapag nagkaroon ka ng radioactive poisoning, ang iyong immunity system po ay nagbe-breakdown. Parang AIDS daw iyan.  Kapag na-expose ang inyong katawan sa low-level radiation sa mahabang panahon, ang ating immune system o ang sistema ng ating katawan na labanan ang mga infections o mga sakit, nagbe-breakdown, nawawala, kaya nga po parang AIDS.  Ito pong si Dr. Chernousengko, nang aking makausap sa Yuropa, noong nakaraang taon , ay nagpapagamot sa Germany para sa kanyang malubhang sakit. Pero ang sabi ng kanyang mga doktor, dalawang taon na lamang ang nalalabi sa kanyang buhay, kaya siya ay isa sa pinakamasugid na advocates ngayon laban sa mga nuclear power plants sa Yuropa lalo na sa dating Unyong Sobyet. Isa po siya sa mga naging panauhin at ispiker sa pandaigdigang kumperensya na aking dinaluhan sa Berlin, Germany noong 1992.

     Nais ko pong sumahin o i-sum up sa inyo ngayon, ang ilan pong mahahalagang bagay na dapat natin sigurong maliwanagan ukol dito sa lakas nukleyar o nuclear energy na tinatawag natin.  Sa isang pag-aaral na ginawa ng isang Amerikanong pahayagan, ang Asian Wall Street Journal sa 110 nuclear power plants plants na nakatayo sa Estados Unidos, mayroon daw trend na ipinasasara na o nakatakdang i-dekomisyon .  Ang life span po ng nuclear power plants ay dapt na maximum na ang 30-40 taon. Ngunit sa kasaysayan ng Estados Unidos sa mga nuclear power plants, ang average na operational life ng isang nuclear power plant ay umaabot lamang sa 12.7 taon, sapagkat karaniwan sa mga ito , isinasara dahil sa mga depekto na maaring humantong sa sakuna o kapahamakan ng komunidad.

     Ayon din sa ginawang pag-aaral ng Asian Wall Street Journal, ang dismantling  o de-commissioning cost ng mga nuclear power plants ay napakataas.  Sa kaso ng Estados Unidos, ang decommissioning ng is ang 330 megawatts na power plant sa Colorado, halimbawa, ay gumastos ng $330 million na 50% pa na mas magastos sa pagtatayo o construction cost na $224 million U.S. dollars.  At iyong dagdag pa rito ay iyong dismantling cost na umaabot ng $50 million U.S. dollars.

     Iyan po ang ilan sa mga konklusyon nitong mga pag-aaral ukol sa mga U.S. nuclear power plants.  Mga kasama at mga kaibigan, ano po ngayon ang ating mga tungkulin upang gawin nang lubos ang ating mga nakaraang naaning tagumpay?

     Una, pangunahing tungkulin po natin ang lalong imulat ang ating mamamayan sa salot na lakas nukleyar.

    Pangalawa, isaliksik at ipalaganap ang alternatibong di nukleyar na gamit ng BNPP para sa benepisyo ng mamamayan.  Kaugnay po nito, nais ko pong banggitin sa inyo itong isang artikulo na sinulat ng isang dating retiradong pinuno ng Nuclear Fuel Research Division ng dating Philippine Atomic Energy Commission o PAEC (ngayo’y Philippine Nuclear Research Institute).  Ito pong artikulong ito ay sinulat ni Mr. Gabriel Santos na dating pinuno ng Nuclear Fuel Research Division ng PAEC sa isang artikulo sa isang scientific journal, at batay sa kanya, ang BNPP ay malaki ang posibilidad na ma-kombert sa isang combined cycle gas turbine plant at iyon ang kanyang unang alternatibo. Ang kanyang pangalawang alternatibo ay ito: “government should serve all suitable components of infrastructures of the BNPP“, at inirekomenda rin niya rito ang pag-adopt ng gas turbine combined cycle sa kumbersyon ng nuclear power plant sa Bataan.  Ang artikulong nabanggit na ito ay pinamagatang “The Feasibility of the Alternative Uses of BNPP.”

     Narito sa mga nabanggit ang mga posibleng alternatibo para sa kumbersyon ng plantang ito sa Bataan, ngunit, tulad ng nabanggit ko na, bagaman tayo ay sang-ayon sa permanenteng “mothballing” ng BNPP at kumbersyon nito sa isang di-nukleyar na alternatibo, hindi  rin tayo sang-ayon sa pagtatayo nila ng iba pang plantang nukleyar sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.

     Pangatlo, ipaglaban natin nang may determinasyon at sigasig hanggang sa ganap na tagumpay ang kaso sa korte ng Pilipinas labans sa Westinghouse sa New Jersey.  Sa kanyang pahayag sa pag-dismiss sa Westinghouse motion para sa summary judgement, sinabi ni US District Judge Debevoise noong Sept. 20, 1992:

     “Mayroong sapat na ebidensiya na kapwa ang Westinghouse at Burns & Roe ang mabibigyan ng kontrata at ang mga suhol o bayad kay Marcos sa pamamagitan ng isang intermediary ay kailangan para makuha ang kontrata.  May sapat na ebidensiyang kinuha ng Burns & Roe at Westinghouse, si Herminio Disini, para sa pag-akit ng paborableng atensiyon ni marcos at inatasan ng dalawang kumpanyang nabanggit na anumang ibabayad ni Disini sa kanyang galamay ay papasa kay Marcos.”

Ito ang pahayag at desisyon noong nakaraang taon ng presiding judge kaya malakas ang ating kaso ukol dito at sana ay patuloy pa nating subaybayan ito at maipagtagumpay ang kasong ito.

     Pang-apat, dapat  na rin sana tayong kumilos upang balasahin at ma-reorganisa ang Philippine Nuclear Research Institute o PNRI na dating Philippine Atomic Energy Commission.  Ang PNRI ay inatasan ng batas na mag-regularisa at mag-kontrol ng paggamit ng lakas nukleyar sa ating bansa.  Ngunit hindi ito binigyan ng kapangyarihan ng batas na siyang maging tagapagtaguyod o tagapag-promote ng pag-unlad ng nuclear power sa ating bansa.  Ang tungkulin ng PNRI ay ang proteksyon ng kaligtasang publiko at safety sa paggamit ng lakas nukleyar.  Bilang tagapagbigay ng lisensiya, sa mga nagnanais na magpatayo at sa operasyon ng nuclear power plants, walang sinasabi sa batas na ito na dapat ngang maging tagapagbenta ng lakas nukleyar sa mga mamamayan ang PNRI.   Bakit po tila sila ang nagiging tagapagbenta nitong BNPP ng Westinghouse noong nakaraang taon nang pinag-uusapan sa Kongreso ang BNPP?   Bakit sila pa ang dumedepensa sa transaksyong ito?

     Kamakailan lamang, sa usaping ng plutonium shipments ng Japan mula sa Yuropa na dadaan sana sa mga sea lanes na malapit sa Pilipinas,  halos 23 na mga nakapaligid na bansa at pamahalaan kasama na ang Indonesia, ang tumuligsa sa Japan dahil sa delikadong plutonium shipments. Ngunit ang PNRI natin dito ang siyang naging tagapag-depensa dito sa plutonium shipments.  Sabi ng sa investigative report ng US subcommittee on General Oversight and Investigation , Interior and Insular Affairs, ng US House of Representatives noong Dec. 1982 sa isang opisyal na ulat:

     “Nuclear Power is a technology both delicate and potentially devastating which can affect the health and the lives of millions of people.”

     Batay sa kanyang kilos at mga pahayag, ang pNRI ay hindi na isang neutral na ahensiya na malaya sa industriyang nukleyar.  Ito ay wala nang moral na awtoridad sa kanyang papel bilang isang regulatory body.  Dapat sigurong balasahin o i-reorganisa ang ahensiyang ito sa ating pamahalaan.

      Panglima, dapat na sanang manawagan na itigil o i-suspindi ang pagbabayad ng BNPP loan dahil sa kaso natin laban sa Westinghouse, hanggang sa ma-resolba sana ang kaso sa korte sa New Jersey.  Mayroon pang halos US$1.2 bilyon ang hinihiling na bayaran ng Pilipinas sa mga bangko para sa BNPP.  Kinakailangan pang maging follow-up itong policy decision na ito sapagkat matatandaang noong 1986, nang gawing desisyon ng pamahalaan ni Pangulong Cory Aquino na i-mothball ang BNPP, sa taon ding iyon, siya ay gumawa ng policy desisyon na contradictory naman sa pagmo-mothball ng plantang nukleyar.  Dahil noong Oktubre, 1986 sa talumpati niya sa harap ng US Congress, nangako ang dating Pangulong Aquino na babayarin natin ang lahat ng ating mga utang na ginawa ng diktador na si  Marcos kasama na ang tinatawag na “fraudulent loan” tulad ng utang sa BNPP.   Kaya ang nangyari po, dahil sa contradictory na desisyong ito, humina ang ating kaso sa Westinghouse na naka-sampa sa U.S. laban sa Westinghouse. Humina rin ang tindig ng policy-decision ng pamahalaan ng Pilipinas na i-mothball na ang planta.  Ito rin pong desisyon noong Dec. 2, 1992 na i-reject ang out-of-court settlement sa Westinghouse ng Pilipinas, ay pinapahina rin po ng ating patuloy na pagbabayad ng BNPP loans.

     Pagkat, habang hinahayaan natin ito, hindi lamang humihina ang ating ekonomiya; hindi lamang inaagawan ng gatas ang ating mga musmos na mga sanggol, hindi lamang po inaagawan ng mga paaralan at klinikang pangkalusugan ang ating mga mamamayan, kundi pinahihina ng policy decision na ituloy ang kaso laban sa Westinghouse.

    Panghuli, kinakailangan natin patuloy na tutulan ang pagbibigay ng hinihinging Emergency Powers ng Pangulong Ramos na gagamitin laban sa anumang malayang talakayan at oposisyon dito sa BNPP at lakas nukleyar.  Kailangang patuloy nating ipakita sa pamahalaan na malawak at malalim ngayon ang oposisyon laban sa lakas nukleyar.  Sa ganyan ay higit tayong makatitiyak sa ating lubos, ganap at hindi mapipigilang tagumpay.

The date posted here is due to our website rebuild, it does not reflect the original date this article was posted. This article was originally posted in Yonip on March 8th, 2007

 

fpcnukebanner

To view more articles in this category click on the Image.

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.