Mar 202013
 

clip_image002CHIT’S PINOY TIMES Editorials

 

(Editors’ note: Chit’s journalistic career reached its peak when she was appointed Editor-in-Chief  of Pinoy Times(PT) by Mrs. Eugenia D. Apostol, PT founder and President. Mrs. “Eggie” Apostol was also the founder and former publisher of the Philippine Daily Inquirer. Under the editorship of Chit, Pinoy Times gained the reputation of being a hard-hitting political tabloid in Pilipino which exposed the “political pornography” of corruption and misdeeds by government officials. Its well-documented exposes in Pilipino eventually led to the EDSA 2 people power revolution and the  downfall of President Joseph Estrada. Here are a few of Chit’s editorials during her stint as Pinoy Times editor. )

 

__________________________________________________________________

 

KABIT-KABIT NA PROBLEMA

Editoryal, Nov. 5-11, 2000

 

Sa dami ng mga isyung nailantad tungkol kay Pangulong Estrada, isa ang pinakamadalas na mapagkuwentuhan — ang kanyang mga tsitsing.

 

Laging sinasabi ng Pangulo na lumang isyu na ito dahil noon pa mang kumadidato siya sa pagkapresidente, isang “open book” na ang bahaging ito ng kanyang buhay.

 

Nagiging makaluma lamang ba ang mga Pinoy na naiiskandalo kapag ang mga kabit ng Presidente ang pinag-uusapan?   Pagiging moderno ba ang pagtanggap dito bilang natural lamang na bagay para sa isang makapangyarihang lalaki?

 

Kung bubuklatin natin ang mga aklat tungkol sa sex lives ng mga pinakasaikat na lalaki sa kasaysayan, baka magulat tayo.  Halos lahat na yata ng mga makapangyarihang lalaki ay nagkaroon ng kabit.  Ayon sa isang aklat, ang The Nympho and Other Maniacs ni Irving Wallace, mas nauna pang kinilala ng lipunan ang mga kabit kaysa ang asawa.  Sa mga sumunod na siglo lamang umano naihatid ang asawa sa kanyang mataas na luklukan.

 

Bakit may mga babaeng pinipiling maging kabit?  Maraming dahilan, ayon sa mga aklat.  Pagnanasa para sa mas magandang buhay, pagkabighani sa kapangyarihan.  At kung minsan, pag-ibig.

 

At bakit naman nagtitiis ang isang asawang pinagtataksilan?  Pareho rin kaya ang mga dahilan?

 

Sa kaso ng ating Pangulo, hindi pala totoong tinatanggap na ng taumbayan ang kanyang kahinaan sa mga babae.  Tingnan na lamang natin ang mga text joke na naglipana tungkol dito.

 

Subalit hindi lamang biro ang kumakalat tungkol sa mga tsiks ng Pangulo.  Seryosong tanong ang ngayo’y paulit-ulit na tinatanong: Saan nanggagaling ang mga inireregalo ng Presidente sa kanyang mga minamahal?

 

Sa isyung ito, muling pasisilipin ng Pinoy Times kayong aming mga mambabasa sa ilan sa mga umano’y regalo ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa sa kanyang mga mahal sa buhay.  Kung kami’y may nakaligtaan, mangyari lang na ipaalam ninyo sa amin.

 

Ngayon pa lamang, maraming salamat po.

 

Chit Estella

Editor-in-chief

 

 

_________________________________________________________

 

ONE MORE CHANCE? HINDI NA!

Editoryal, Disyembre 3-9, 2000

 

TALAGA? Gustong sumali ni Pangulong Estrada sa Couples for Christ?

 

Nagtawanan ang mga nakarinig ng balitang ito.  May kanya-kanyang opinyon kung ano ang iniisip ni Erap nang sabihin niya iyon.  Baka akala niya, Coupling for Christ, sabi ng isa.  O baka naman dahil akala nya, puwedeng maramihan ang asawa dahil Couples, sabi naman ng isa pa.

 

Sino kaya ang nag-akalang seryoso ang Pangulo? At meron pa kayang sumeseryoso sa kanya?  ‘Yan ngayon ang problema ni Pangulong Estrada.  Sabihin man niya o ng mga tauhan niyang magbabago na siya, mahirap na siyang paniwalaan.

 

Hindi naman kasi ang ipinapangako niyang pagbabago ang punto.  Ang punto’y tuluyan nang nawalan ng tiwala ang taumbayan sa kanya dahil sa sunud-sunod na kamaliang nagdulot di lamang ng kahirapan sa bayan, kundi ng napakalaking kahihiyan.

 

At kapag sinasabi ng mga tauhan ng Pangulo na dapat siyang bigyan ng isa pang pagkakataon dahil siya’y magbabago na, para bang ganito ang dialogue ng isang asawang nahuling nambababae at humihingi ng tawad kay misis.  At para makakumbinse pa’y kung anu-ano ang ipinapangako.

 

Pero hindi nga simpleng away-mag-asawa ang nangyayari sa bayan natin ngayon.  Ang kinakaharap ni Pangulong Estrada ay hindi ang galit ng kanyang misis o alinman sa kanyang mga kerida, kundi ang galit ng taumbayan.  At sa ganitong usapin, mahirap nang magkaroon ng isa pang pagkakataon.

 

Chit Estella

Editor-in-Chief

 

 

________________________________________________________________

 

 

MGA CHRISTMAS WISH

Editoryal, Disyembre 24-30, 2000

 

 

Para sa mga bata lang daw ang Pasko.  Ito raw ang panahon kung kailan nagiging totoo ang anumang naisin.  Iyan ay ayon sa mga fairy tale.

 

Ngayong Pasko sa ating bansa, marami ang gustong maging bata.  Lahat ay may nais– may wish.  Simulan na lamang natin sa pamilya Bentain.  Mga tatlong taon nang nawawala ang kaanak nilang si Edgar.  Nawala si Edgar matapos itong pinaghinalaang nagbigay ng videotape na nagpapakitang nagsusugal si Erap, na noon ay bise-presidente pa lamang.  Ang wish ng mga Bentain ay makita muli si Edgar o malaman lang kung ano na ang nagyari sa kanya.

 

Maging si Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ay may gustong mangyari ngayong Pasko.  Sana’y matapos na kaagad ang paglilitis.  Akala raw niya’y magiging mabilis ang pangyayari.

 

Marami ang katulad ni Singson — inakalang ilang linggo na lamang at “good-bye” na kay Erap.  Kaya ngayon, ang mga pumustang mawawala na si Erap ay talagang  nagbabayad para sa maling akala.  Ang iba nama’y naghihintay pa.

 

Sari-sari ang mga Christmas wish, pero mukhang ang pinaka-popular ay may kinalaman sa pulitika: Ang matapos na ang krisis sa pamamagitan ng pag-alis ni Erap, o pagtanggal sa kanya.

 

Sino kaya ang makakakuha ng kanyang wish ngayong Pasko?  Paano kung si Erap?

 

Chit Estella

Editor-in-Chief

 

 

_____________________________________________________________________

 

 

KUDETA SA KANGKUNGAN

Editoryal, Enero 28-Pebrero 3, 2001

 

 

Sa lahat ng laban, may talo at may panalo. Sa boksing man o sa pustahan, may lumulundag sa saya, may napapailing sa panghihinayang. Gaya nga ng madalas nating marinig sa ating panahon, may nasasadsad sa kangkungan, may umaakyat sa glorya.

 

Walang may alam kung ano ang mangyayari, walang may alam kung sino ang mananalo.

 

Pero pagkatapos ng lahat, ano ba ang dapat mangyari?  Sasabihin ba ng talunan: “Sige na nga, panalo na kayo?”  O di kaya: ” May araw din kayo?”  O baka naman:  “Hindi pa tapos ang boksing, mga p_ _ _ _ _ n’yo!”

 

Sabihin na ang gustong sabihin.  Ang importante ay, ano ba ang susunod na gagawin?

 

Ang mga natalo, sana maging sport naman.  Huwag nang mangharang ng mga mahalagang panukalang batas kagaya ng national budget.  At huwag na huwag nang magsagawa ng kudeta (dahil kapag pumalpak ito, panibagong kantiyawan na naman)!

 

Iyon namang mga nanalo, maghunos-dili sana.  Tigilan na ang agawan sa puwesto — baka madapa at makantiyawan din.

 

Kung tutuusin, ang pinakamahirap na trabaho ay nasa mga nanalo.  Hindi biro ang magpatakbo ng bansa at lalo na ang humabol ng mga itinatagong yaman.  Hindi rin biro ang maging paborito sa text jokes.

 

Pero kahit tayong lahat ay patuloy na nagbibiruan at nagkakantiyawan, huwag sanang mawala sa ating paningin ang seryosong trabahong kailangang gawin.  Para sa mga nasa gobyerno, ang trabahong ito ay ang pamunuan at iahon ng bansa mula sa kangkungan.  Para naman sa mga ordinaryong mamamayan, ito ay ang bantayan ang gobyerno at sabay-sabay na humiyaw — at kung kailangan, muling kumilos — laban sa katiwalian.

 

Chit Estella

Editor-in-Chief

 

 

chitbanner

To view more articles in this category click on the Image

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.