This is the
inaugural speech, "Tagubilin sa Sarili" of Dr. Rolando Tolentino,
incoming dean of the College of Mass Communication, University of the Philippines.
Tagubilin sa Sarili ni Roland Tolentino
Hunyo 11, 2009
Taos-pusong pasasalamat sa mga sumuporta—nagnomina, nag-endorso,
nagnobena at nag-alay ng itlog kay Santa Clara. Kung wala kayo, wala ako
rito. Wala namang makakapaghanda sa trabahong ito, bigla na lamang napa-dive
at ngayon ay patuloy na inaaral ito.
Natutunan kong mahalaga ang pirma ng opisina. Walang papeles ang kikilos
at mailalabas sa Kolehiyo nang hindi nakakapirma ang Dekano. Natutunan
kong mas marami pala akong dapat ngitian at batiin ngayon habang
naglalakad sa Kolehiyo. Tila dumarami ang friends ko o nais maging
friend. Natutunan kong mainam at napaka-convenient palang may reserve
parking, o sariling toilet sa opisina. Napapagaan ang buhay. Pero higit
sa lahat, natutunan kong accountable ako sa lahat sa inyo.
Ang ating Kolehiyo ay nasa radar ng kasalukuyang globalisasyon.
Lumalawak ang papel ng media, dumarami ang ating estudyante, at mula sa
estado, lumalalim ang pagnanais na lalo itong kontrolin. Sa pagpapabuti
ng gawain sa pagpapatalas ng skills ng ating estudyante, dapat ring
paunlarin ang independiente at liberal na edukasyong magpayabong ng
kritikal na pag-iisip.
Napapanahong pagtibayin ang liberal na edukasyong karakter ng ating mga
programa—na ang media ay mapagpalaya, at ang ating mga graduate ay
ahensya ng pagpapalaya ng kaisipan at pagkilos. Napapanahong palawakin
ang ating mga programa—certificate program sa Film, diploma at online
masteral programs sa Journalism, rebyu ng Ph.D. Communications program,
pag-aalok ng bagong track sa Ph.D. sa Media at Cultures, at pati na
isang inter-departmental undergraduate offering sa Multi-media Arts o/at
Media Studies.
Para maitaguyod ito, malinaw sa akin ang pagpapayaman ng resources ng
Kolehiyo. Una na nga ay ang upgrading ng ating mga klasrum. Ikalawa ay
mga suportang struktura ng makabagong auditorium, mas permanenteng
canteen, tambayan, mga opisina, at library service; pati na rin ang
isang media archives at ground work para sa ikatlo at huling building sa
Media Complex na maglalaman ng mas malaking auditorium, library at
faculty rooms. Pero higit sa lahat, titiyakin ko rin na lalo pang
magkaroon ng faculty, staff at student support para sa resource
generation ng Kolehiyo.
May dalawampung taon na nang una akong magturo sa UP Manila. Ito ang
unang trabaho na nagtagal ako nang lampas na anim na buwan. Sa unang
araw, kahit ilang beses kong inulit-ulit ang script sa aking utak,
nakalimutan ko pa rin ipakilala ang aking pangalan sa klase. Binabaha
kami sa UP Manila, at may ilang gabi na naglalagi na lamang sa AS
Building doon. Ito rin ang panahon ng walong oras na blackouts
araw-araw. Kaya para kaming Florence Nightingale ng fakulti na may
dala-dalang rechargeable lamps na kulang naman para makapagturo sa
madilim na klasrum.
Naranasan ko na ang departmental politics, college at university
politics noon at ngayon. Pero inisip ko pa rin na ito ang gusto kong
gawin sa buhay ko. Gusto kong magturo, manaliksik, at magsulat. At gusto
ko itong gawin sa walang ibang lugar kundi sa UP. May alok rin na
magturo sa ibang unibersidad na nangangako ng mas mataas na sweldo, may
research funds, may medical plan na isang konsern ng tumatanda sa
trabaho, at mas bawas ang iringan sa opisina. Parating may temptasyon,
lalo na habang tumitindi ang iringan sa opisina. Bakit ko naman gustong
bwisitin ang aking sarili? O bakit gusto kong ipagsiksikan ang aking
sarili.
Gusto kong maging guro dahil dito ko iniisip na dito ako magaling.
Magandang katambal ng pagtuturo ang pagsusulat. Gusto kong magturo sa UP
dahil nandito ang pinakamagaling na estudyante sa ibabaw ng lupa—nag-iisip,
maalam at may pakialam. O may tendensiya nito na pwede ngang pagyamanin
ng diin sa liberal na edukasyon—to think out of the box, ang mag-isip na
lampas sa sarili, ang mag-isip di lamang sa kapwa tao, kundi mag-isip na
isinasaalang-alang ang bayan.
Bawat isa sa atin ay kumaharap at humaharap sa predikamentong
kinalagayan ko. Sa mga junior faculty at staff, ito ba ang gustong gawin
sa mahabang natitirang bahagi ng inyong buhay? Sa senior faculty at
staff, ang mumunting discoveries na nagrereafirma sa ating desisyong
manatili sa pamantasan nating mahal?
Na kahit pa limitado ang resources at hindi kailanman malalampasan ang
mga panibagong demand, na kahit pa may iringan at ligwakang nagaganap,
na kahit pa paulit-ulit at tila walang kinahihinatnan ang ating mga
gawain, nananatili tayo nandito, araw-araw, hindi dahil wala tayong
mapuntahang iba, kundi dahil napipirmi sa atin sa araw-araw ang ating
puwang sa unibersidad.
Na bawat isa sa atin na nandito ay nandito dahil may nararamdamang
kahalagahan sa ating ginagawa at gawain. At lahat ng gawain at
ginagawang ito—pananaliksik, serbisyo, pagtuturo, committee work,
administrative work, paglilinis at pagbabantay ng facilidad—ay ginagawa
dahil sa ating mga estudyante. Kung wala sila, wala tayong lahat rito.
At ito ang pangunahin kong tagubilin sa aking sarili sa pagtanggap ng
bagong gawaing ito. Na ang galing ko ay iniaalay para sa pagpapabuti ng
kalagayan, akademikong kagalingan, panlipunang kamulatan ng ating mga
estudyante. Ito ang simulain ng ating mga gawain at gagawin sa Kolehiyo.
At tulad ng slogan sa nakaraang pagdiriwang ng Sentenaryo ng UP,
isinasapuso ko na UP ang galing mo, ialay sa bayan.
|