
| YONIP LIBRARY SECTION - "University of the Philippines Matters" |
|
PAMANTASANG HIRANG: PANGWAKAS NA TULA
Bulwagang kolonyal ang pinagsimulan Sadyang itinayo bilang pasanayan Ng manunungkulan sa pamahalaan Ng Amerikanong sumaklot sa bayan.
Taliwas sa layon ng mga sumakop, Ang unibersidad, nagbangon, kumilos, Natutong lumaya, tumayong bantayog, Naging institusyong ayaw magpabansot.
Karunungang handog ng unibersidad Ginawang tumana ng bayang maunlad, Binhing kaalama’y pinunla sa utak, Sa sambayana’y tumubo ang lakas.
Kayong kabataang salinlahing bago, Halina’t araling magpakatotoo, Magtanong, tumutol, suriin ang dayo, Sarili’y hanapin, kayo’y Filipino.
Abutin ang sulo ng giting at tapang, Bayang sinisilim ay inyong tanglawan, Hawiin ang dilim ng pandarayuhan, Akayin ang bayan sa kaliwanagan.
Awit at tulain sa baya’y ihain, Bako-bakong landas ng baya’y patagin, Ang araw ng bukas huwag paghintayin, Sa langit ng ngayo’y dapat nang magningning.
Taong magdaraa’y may paghamong hatid, Hihinging ialay ang puso at dibdib, Hahamunin kayong sarili’y iwaglit Lumwalhati lamang ang bayang piniit.
Sa pagsulong ninyo tungo sa pangarap, Oblation ay naryan, bantayog ng lakas, Hahamunin laging ihandog ang lahat Nang kamtin ng bayan ang paglayang ganap.
Sumulong patungo sa bagong sentenyal, Simulang isaysay bagong kasaysayan,
Sige, kabataan, sa giting mo’t tapang, Itanghal ang bagong pamantasang hirang.
BIENVENIDO LUMBERA Professor Emeritus at Pambansang Alagad ng Sining Binasa sa pagtatanghal ng ”Pamantasang Hirang,” Selebrasyon ng UP Sentenyal, Hunyo 18, 19, 20, 2008, sa Cultural Center of the Philippines.
|
| © YONIP.COM - Permission to copy is granted, conditional to providing proper credits to the author and YONIP.COM. |