Mar 152013
 

ANG RADIKALISASYON AT PAKIKILAHOK NG SIMBAHAN

SA OPOSISYON LABAN SA DIKTADURANG U.S.-MARCOS

1972 – 1986

ni

 Roland G. Simbulan

Full Professor,

University of the Philippines

 profroland@gmail.com

     [ Papel para sa Ika-18 Pambansang Kumperensiya ng Kasaysayan at Kalinangan, ADHIKA ng Pilipinas, Inc., Central Luzon State University, Munoz, Nueva Ecija,Nov. 28 – 30, 2007. Ang may-akda ay naging bilanggong pulitikal (1973-74)  noong martial law sa CampCrame at FortBonifacio.  Ito ay  bahagi ito sa mas malawak na pananaliksik ng may-akda ukol sa Grassroots Political Power: The Emergence of Citizen Power in the Philippines.)

 

 

Sumulong tayo sa lupang pangako

                              At kapit-bisig tayong maglakbay

                              Katarungan ni Yahweh’y itaguyod

                              Laban sa panlilinlang

                              Puksain ang ugat ng pagkabulag

                              At durugin ang mga tanikala. “

 

– Awit ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines, hawig sa Levitico 25:9 – 55 at Isaias 61: 1-2

 

Pambungad:

 

     ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR sa Pilipinas noong Sept. 21, 1972 ay sinasabing nagtatag ng “diktadurang U.S.-Marcos”.  Ito ay sapagkat itinuturing din ang  pagdeklara ng batas militar na pagsagka ng Estados Unidos sa mga banta sa kanyang interes sa Pilipinas. Sa katunayan, ayon sa isang U.S. historian na si Dr. Daniel Boone Schirmer, ” A few weeks after the decision of the Philippine Supreme Court re-affirming th end of the parity amendment, the American Chamber of Commerce in Manila, representing American investors in the Philippines, called upon Marcos to declare martial law.”  (Schirmer, 1973). Kaya pala unang bumati sa isang telegram kay Marcos ang American Chamber of Commerce pagka-deklara niya ng  Martial Law.

 

Mahigpit na  kinonsulta ni Marcos si U.S. Ambassador Byroade sa kanyang planong i-deklara ang martial law, at inarmasan ng Estados Unidos ang diktadurang Marcos upang ito ay ma-konsolida, mabigyan ng lehitimasyon sa labas ng Pilipinas, at nagpatagal dito nang 14 na taon.(Bonner, 1987)  Sabi ng isang U.S. military attache sa Maynila na nakapanayam ng isang Amerikanong reporter, ” While Marcos lasted, he was our boy. He was  us… .” (Seagrave, 1988)   Ang Simbahan ng Pilipinas ay isa sa mga institusyon na natamaan at nagkaroon ng transpormasyon bilang isang sektor sa pagka-deklara ng martial law. At dahil kasabwat ang Estados Unidos sa pagtatayo ng dikatudurang Marcos, naging malawak din ang pagkakaisa at solidaridad ng mga simbahan sa Amerika sa kampanyang pagpigil  ng U.S. military assistance sa diktadura at pagkontra rito.

 

     Ang lalong radikalisasyon at pakikilahok ng Simbahan (Katoliko at Protestante) laban sa diktadurang U.S.-Marcos ay bunga ng sumusunod:

 

(1) Ang internal na repleksyon ng mga taong simbahan sa sariling institusyon kaugnay ng pagkatindi ng panunupil ng batas militar sa karapatang pantao;

 

(2) Ang pag-atake ng diktadurang Marcos sa mga alagad ng Simbahan na naging biktima mismo ng batas militar;

 

(3) Sa mga eksternal na nagaganap sa lipunang Pilipino at impluwensiya o inter-aksyon sa iba pang bahagi ng daigdig.

 

Ang radikalisasyon ay hindi maituturing na ekstremismo, kundi pundamental pa sa konsepto ng transpormasyon sa praktis. Ukol sa transpormasyong ito ng simbahan sa Pilipinas ang sinasabing radikalisasyon.(Jalandoni: 1972; Abesamis: 1980; Labayen: 1995) Kung ating napanood ang pelikulang Sister Stella L (1984) , ang papel na ito ay magpupugay sa buhay at kuwento ng mga tunay na Sister Stella L. na nakaranas ng radikalisasyon sa panahon ng Batas Militar (1972-1986).

 

Limitasyon ng papel na ito ang pagtalakay sa papel at karanasan ng simbahang Katoliko (na 85% ng populasyon ng Pilipinas ay Katoliko) at simbahang Protestante (10% ng populasyon) sa panahon ng martial law.(1972-1986)

 

Ang Vatican II at Christians for National Liberation (CNL)

 

ANG SIMBAHAN  SA PILIPINAS ay dumanas ng mga repleksyon ng marami nitong miyembro bago pa man ideklara ni Marcos ang martial law noong Sept. 21, 1971. Ang Vatican II o Second Vatican Council na nagpulong noong 1962-65, ay nagkaroon ng impluwensiya sa direksyon ng simbahang Katoliko na naghahanap ng kabuluhan . (Harris, 2003)  Kongkretong makikita ito sa direksyon ng ilang kongregasyon tulad ng St. Theresa’s (ICM Sisters)  at St. Scholastica’s at Maryknoll  na nagsara ng kanilang maraming paaralang eksklusibo na dati para sa mga babaeng anak ng elitista upang magbuhos ng panahon sa konsiyentisasyon ng mga barrio sa probinsiya. Malaki nga ang impluwensiya ng Vatican II sa panahon ni Pope John XXIII dahil sa pagpusisyon nito na makiisa ang simbahan sa mga api at mahihirap. (De la Torre: 1987, 1989)

 

Dahil dito, naging paboritong babasahin ng mga taong simbahan ang mga sinulat nina Paulo Freire at Helder Camara na nagpalaganap ng “conscientization” at ” structural analysis”. Mga tanong sa mga repleksyong ito ng simbahan ay:

 

1. Ano ang papel ng simbahan sa isang di-pantay at mapang-aping lipunan kung saan ang karamihan ay mahihirap, inaapi, at ginagamitan ng dahas?

2. Ano ang papel at pagturing ng simbahan sa rebolusyonaryong kilusan ng masa’t mamamayan na lumalaban sa iba’t ibang porma ng pakikibaka ?

 

Nagsimula bilang mga pasipista, ng pakikisalamuha ng maraming taong-simbahan sa mga magsasaka at squatter areas ang nagbigay tulay para mamulat sila sa pakikibaka ng masang magsasaka at maralita para sa lupa , laban sa demolisyon, at disenteng  pamamahay (Ledesma, 1999). Ilan sa mga organisasyong nilahukan nila ay ang Federation of Free Farmers(FFF), Khi Rho, at mga Social Action Centers ng mga parokya.  Ang mga itinayong “Task Forces”(o Mission Partners) ng mga kongregasyon at ang mga Social Action Centers sa mga Archdiocese, ang nagsilbing pagmumulat at pagsasanay sa maraming taong simbahan na makilahok sa mga organisasyon ng mamamayan na lumaban sa martial law.

Maituturing na tunay na “aktibistang simbahan” ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) na isinilang noong Rebolusyong 1896 bilang isang anti-kolonyal at rebolusyonaryong simbahan sa Pilipinas sa pamumuno ni Gregorio Aglipay. Ang tradisyon at diwa nito ay ipinagpapatuloy ng IFI sa ilalim ng National Council of Churches of the Philippines (NCCP). Ang United Church of Christ in the Philippines(UCCP) ay merong Urban Industrial Mission(UIM) mula pa noong 50s, at ito ay naging Urban Rural Mission (URM) noong 1973 upang “maki-pamuhay kay Kristo kasama ang sambayanan” ( ‘living in Christ with the people’). (Aguilan, 1994)

 

Pinaka-tampok sa radikalisasyon ng simbahan sa Pilipinas ay ang pagkatatag ng Christians for National Liberation (CNL) noong 1972 sa bisperas ng deklarasyon ng martial law. Dito, ilang mga dating pasipista at “moderates ” sa Simbahan ang naging pambansang demokratikong elemento. Maliit pa lamang noon ang mga progresibong taong simbahan, at masasabing may kanya kanya mga inisyatibo ang mga programa ng kongregasyon. Pinagkaisa ng deklarasyon ng martial law ang maraming taong simbahan at lalong naging hinog ang mga komitment ng mga progresibong elemento sa simbahan

Batas Militar at ang Inisyal na Reaksyon ng Simbahan

 

ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR bagamat idineklara upang pigilin ang  radikal na pagbabago sa lipunang Pilipino, ay nagdulot naman ng maraming pagbabago sa  simbahang Katoliko at Protestante. Ang simbahan  ay ang natirang legal na institusyon na hindi maisara ng rehimeng Marcos. Naging parang isang responsibilidad at tungkulin ng simbahan na kumilos at umaksyon sa kabila ng mga sinupil at ipinagbawal na legal na  institusyon at organisasyon sa pagkadeklara ng martial law. (Srs.Graham, Lamadrid, Zembrano, Mga Panayam: 2007)

 

Itinatatag bilang isang “martial law baby” noong Nov. 29, 1972 ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) , sa kasagsagan ng deklarasyon ng martial law , nang magkaroon ng “1st Joint Convention of the  Association of Major Religious Superiors for Women of the Philippines(AMRSWP) and the Association of Major Religious Superiors for Men of the Philippines (AMRSMP)” . Dito itinatag ang pinagsamang AMRSP. Ang AMRSP ay nagbuklod sa dati’y dalawang magkahiwalay na kongregasyon ng mga lalake at babae sa simbahan, ang Association of Major Religious Superiors for Men at Association of Major Religious Superiors for Women.  Ngunit, higit pa ang nangyaring pagkakaisa ng dalawang malalaking organisasyon ng relihiyosong kongregasyon. Naglabas ito ng propetang deklarasyon (prophetic statement ) upang ” maging bahagi ng  transpormasyon sa simbahan sa Pilipinas at sa lipunan. ” (AMRSP: 1983)  Kaya, lalo pa nitong higit na pinalalim ang komitment ng Simbahan sa mga inaapi. Mga seminars ang ginanap sa maraming kongregasyon at kumbento upang talakayin ang mga panunupil, patakaran at proyekto ng diktadurang Marcos na nakakaapekto sa mamamayan at taong simbahan. Maraming mga “readings” at babasahin ang umikot para sa kritikal na repleksyon at diskusyon. Naging tulay ito upang lalong maging malapit ang mga kongregasyon sa isa’t isa

 

Ayon sa ilang nakapanayam na madreng naunang kumilos noong martial law, si Sr. Marianni Dimaranan ang  isa sa mga unang nag-udyok sa kapwa taong simbahan na lalong makisangkot sa harap ng hamon ng martial law, at lalong maging aktibo. Si Sr. Marianni ay namuno sa itinayong Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) na nagdokumento sa mga naaaresto, tinortyur at sinalvage sa ilalim ng martial law. Malaki rin ang kanilang tulong sa kampanya – sa loob at labas ng Pilipinas –  para sa pagpapalaya ng mga detenidong pulitikal.  Una kong nakilala si Sr. Marianni noong huling bahagi ng 1974 nang siya ay dumalaw sa mga bilanggong pulitikal sa FortBonifacio. Katatayo pa lamang ng TFDP noon.

 

Sa isyu ng Chico River Dam na proyekto sa Kalinga-Apayao ng diktadurang Marcos na pinondohan ng World Bank, maraming mga taong simbahan ang kumilos upang suportahan ang oposisyon ng mga katutubong Kalinga na  pinamunuan ni Macli-ing Dulag. Humanga ang maraming taong simbahan sa pamumuno ni Macli-ing Dulag bago siya pinaslang ng militar, mapagpasiyang pamumuno sa mga katutubo sa panahong iyon. Ayon sa isang madre na 10 taon na-destino sa Kalinga Apayao noong panahong iyon, naging kritikal ang “Chico River Dam  struggle” para lalong maging solido ang pakikisangkot ng simbahan laban sa martial law, at naging kritikal ang isyung ito sa pagpapanday sa kanila.(Lamadrid, Panayam: 2007)

 

Sa hanay naman ng mga konserbatibong obispo sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP), ang inisyal na reaksyon sa martial law ay “wait and see”, at sa ilan ay tahimik na “critical collaboration”. Ang nakaupong Archbishop of Manila na si Rufino Cardinal Santos pagka-deklara ng martial law ay nagpuri pa sa diktadura: ” …the establishment of a New Society in our beloved country , as envisioned by the imposition of martial law, maintaining that the event should be hailed , and welcomed by every peace-loving citizen.” (Ichthys, May 12, 1978)   Ang 300 daang kongregasyong miyembo ng AMRSP ang siyang mangunguna sa maka-propetang papel ng simbahan na kikibo at kikilos sa panahon ng pagsusubok.

 

Ngunit, meron ding reaksyonaryo at konserbatibong naging reaksyon  ang ilang elemento ng simbahan. Sa Ateneo, halimbawa, ang listahan ng mga aktibistang kasama sa  pambansang demokratikong kilusan (mag-aaral at guro)   sa unibersidad ay kusang binigay ng mga Heswita sa militar pagka-deklara ng martial law. Isa sa mga binigay nilang pangalan ay pangalan ko, at pati address, kasama ng iba pang kasama sa mga sangay ng Kabataang Makabayan(KM) at Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) sa Ateneo de Manila University sa LoyolaHeights, Quezon City . Matindi ang galit ng Heswita sa Ateneo de Manila noon pang bago martial law laban sa mga puwersa ng pambansang demokratiko na kanilang hinaras at in-ekspel, habang inaaruga nila ang mga “moderates” o “social democrats” tulad ng organisasyong KASAPI at Lakasdiwa. Ang matinding anti-komunistang linya ng aktibismong “soc-dem” nina Fr. Jose Blanco, S.J. at Fr. Archie Integan, S.J. ay naging sapat na motibo para gawin ito.

 

Mga Publikasyon ng Simbahan sa Ilalim ng Batas Militar

 

MALAKI ANG GINAMPANANG PAPEL  ng simbahan sa patuloy na pagmumulat sa mamamayan sa unang mga taon ng batas militar.  Isinara ni Marcos ang halos lahat ng mga pahayagan at medya na masasabing malaya at hindi nagtatambol ng mga tagumpay ng “bagong lipunan” ni Marcos.

 

Dahil ipinasara ng diktadura ang mga dyaryo, TV at radyo na may malayang pamamahayag o naging kritikal kay Marcos bago martial law, nilabas ng simbahan ang naka-mimeograph na Various Reports, na una’y limitado pa ang sirkulasyon sa mga taong simbahan at pinagpapasahan ang pagbabasa.

 

Ang Signs of the Times naman ay unang lumabas sa huling bahagi ng 1975 bilang tugon ng komunidad ng Katolikong simbahan para magkaroon ng makatotohanan at mapagkakatiwalaang impormasyon sa panahon na kontrolado ng diktadura ang lahat ng midya.  At nang uminit sa mata ng diktadura ang Signs of the Times, lumabas saglit ang Informationis Causa,  at sinundan ito ng isa pang tumagal na publikasyon, ang Ichthys, noong Sept. 1977. Sa paglathala ng Ichthys (salitang Latin para sa isda, na naging simbulo ng mga Kristiyanong sinisikil ng Imperyong Romano), tinanggal ang markang ” For Religious Use” na dati ay nakatatak sa unang pahina ng Signs of the Times . (Estella, 2007) . Ang implikasyon: sinasadya na ito para sa mas malawak na mambabasa na uhaw sa balita at katotohanan.
Ang itinatag na Socio-Pastoral Institute (SPI) ay nagsilbing institusyon na maglalabas ng babasahin para sa taong simbahan at mag-iisponsor ng mga fora/seminar sa paglilinaw ng mga pambansang isyu tulad ng base militar sa hanay ng mga taong simbahan.

 

Nariyan din ang Radio Veritas ng Simbahang Katoliko na nagbo-brodkast hindi lamang sa Pilipinas kundi dahil sa kanyang mga relay stations na nakasambulat sa kapuluan, umaabot ito sa buong Asya-Pasipiko sa iba’t ibang lenggwahe.

 

Ang AMRSP at mga “Task Forces”  nito

 

 

     SA KANYANG KONGRETONG PAGLAHOK  sa mga isyu ng mamamayan, ilang mga “Mission Partners” o “Task Forces” ang itinatag ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP):

 

1969     –   Rural Missionaries of the Philippines (RMP)

1974   –    Task Force Detainees of the Philippines (TFDP)

 

1974   –    Task Force Orientation of Church Personnel (TFOCP)

 

1974   –    Task Force on Urban Conscientization (TFUC)

 

1977   –    Urban Missionaries (UM)

 

1979   –    Education Forum (EF)

 

1980   –    Justice and Peace and Integrity of Creation Commission (JPICC)

 

1992  –     Women’s Desk (WD)

 

Ang radikalisasyon ay kaagad napuna sa mga Social Action Centers sa buong kapuluan na binibigyan ng direksyon ng National Secretariat for Social Action (NASSA), lalo na nang maging National Director nito si Bishop Julio Xavier Labayen. Ang NASSA ang “justice and peace arm” ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.  Ang mga gumagalaw na Basic Christian Community Organizations (BCCOs) , Justice and Peace Programs, Community Based Catechist at Community Based Health Programs ng simbahan ay nagbigay sa maraming taong simbahan ng eksposyur at pagmumulat sa mga kahirapan ng mamamayan, pang-aapi ng militar sa komunidad at paglaban ng api sa diktadura. Matagal na ring minamanmanan ng militar ang mga church programs na ito dahil sa kanilang malapit na pakikipag-ugnayan sa pinaghihinalaang subersibo sa mata ng pamahalaan. (Kintanar: 1979)

 

Hindi kilalang naghihintay sa kumpas ng mga konserbatibong obispo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) o ni Cardinal Jaime Sin, ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) ang isa sa mga unang organisasyon sa Pilipinas na nanawagan noong unang bahagi ng 1973 na palayain ang mga bilanggong pulitikal at i-atras ang deklarasyon ng martial law. Tameme pa noon ang maraming obispo  ng simbahang katoliko, ngunit marami na sa kanilang mga pari at madre sa mga programa ng simbahan sa mga barrio ang nakaranas na ng malalim na transpormasyon.

 

Ilan ding tumagal na programa o institusyon ang nagsimula bilang mga proyekto ng simbahan tulad ng Ibon Databank, Inc. na nagsimulang maglabas ng “Facts and Figures” mula sa isang maliit na kwarto ng Religious of the Good Shepherd (RGS) noong 1978. Ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) ay isa ring nagsimula ng proyekto ng ilang taga-simbahan para magbigay suporta sa kilusang paggawa sa larangan ng trade union education. Parehong programa ang tumagal hanggang ngayon, ngunit wala nang ugnayan sa simbahan.
Upang lalong mai-ugat ang ideya ng “Simbahan ng Mahihirap” (Church of the Poor), nabanggit na natin na itinatag noong 1978 ang Socio-Pastoral Institute (SPI) ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines. Ang SPI ang nag-organisa ng mga simposya at porum para sa mga taong simbahan at Kristiyano ukol sa mga pambansang isyu. Iniuugnay ito sa Teolohiyang Mapagpalaya (Liberation Theology). Naglathala din ito ng mga publikasyon para may babasahin ang mga talakayan sa isyu ng taong simbahan.

 

Lalong tumibay ang paninindigan ng simbahan at di nagtagal, nagtayo pa ng organisasyon tulad ng GOMBURZA, isang organisasyon ng mga seminarian sa Pilipinas; Promotion of Church People’s Rights (PCPR) at Ecumenical Bishops’ Forum(EBF) na mga progresibong organisasyon. Ilan sa mga unang aksyong naganap na sangkot ang simbahan noong martial law ay sa hanay ng manggagawa at ng maralitang tagalunsod. Bilang suporta sa mga palihim na kumikilos na manggagawa sa mga pagawaan ,  itinatag ng AMRSP ang Church Labor Committee (CLC) na grupong pangsuporta sa kilusang paggawa.

 

Pakikilahok sa Makasaysayang Welga sa La Tondena

 

Ang kauna-unahan kayat makasaysayang malaking welga sa ilalim ng batas militar ay pumutok noong Nov. 3, 1975, na nilahukan ng suporta ng mga progresibong taong simbahan. Di man ito inireport ng mga arawang pahayagan sa martial law tulad ng Daily Express, Bulletin, Times Journal at Manila Evening Post.  Una itong nailathala sa  mga unang lumabas na isyu ng  Signs of the Times,  naka-mimeograph na publikasyon ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines. Ganito ang pagka-report ng Signs of the Times sa Welga ng La Tondena:

 

     ” At 2:15 a.m., three buses full of workers, sped out of the factory.  When the fourth bus was about to drive out, the priests and nuns barricaded  the gate. They told the military to likewise arrest them since they had violated the curfew.  The military said they were exempted.  The workers in the fourth bus were mostly women.  When approached by the religious,  some complained that they were boxed and pushed by the soldiers.  The religious requested the officers inside the bus to let them go with the people.  The officers refused, saying that ‘ they have their orders, their mission.’ The religious retorted that they, too, have their mission, ‘ to serve the people.’ Realizing that the military men were bent on following ‘orders’,  the religious decided to cling to the door and the windows of the bus. A militay officer, who revealed himself to the religious as a devout Catholic, requested the latter to get off the bus.  He was near tears; he was confused. ” ( Signs of the Times, 1975)

 

Ilan sa mga panawagan ng pagsuporta ng simbahan sa makasaysayang welga sa La Tondena ay ang mga sumusunod:

 

“UPHOLD THE WORKERS’ RIGHT TO STRIKE!”

“UPHOLD THE CHURCH’S MISSION TO BEAR EFFECTIVE WITNESS TO JUSTICE AND HUMAN RIGHTS!”

“JUSTICE FOR THE FILIPINO WORKERS!”

 

Ang P.D. 823 at Repleksyon ng Simbahan

 

NAPILITANG PUMUSISYON NANG OPISYAL ANG SIMBAHAN sa naging matinding reaksyon ng estado sa naganap na welga sa La Tondena. Hinuli sa La Tondena strike ang maraming pari at madre na nakiisa sa welga, bagamat pinakawalan din.

 

Di nagtagal, naglabas ng Presidential Decree si Marcos na ipinagbabawal ang welga, at piketing sa mga kumpanya. Ipinagbawal din ang anumang institusyon o organisasyon – Pilipino o dayuhan– tulad ng simbahan,  na tumulong o makiisa sa mga welga o kilos paggawa, na itinuturing na ring subersibong gawain.  Halos iisang boses ang buong simbahang Katoliko at Protestante, pati ang kanilang mga obispo laban sa dekretong ito. Nakita nila ito bilang paglabag sa mga prinsipyo ng simbahan na makisangkot sa isyu ng mahihirap, laban sa pang-aapi at dukha. Noong Nov. 14, 1975 si  Archbishop Antonio Ll. Mabutas ng Davao ay sumulat kay President Marcos kung saan pinayuhan niya itong i-atras ang  PD 823 . Si Archbishop of Manila Jaime Cardinal Sin ay sumulat kay Marcos na bawiin ang dekretong ito. Gayundin, mula Imus, Cavite, isinapubliko ang Declaration of Priests and Religious of the Diocese of Imus, Cavite laban sa P.D. 823 noong Nov. 16, 1975.

 

Sumunod dito noong Nov. 17, 1975 ang misa,  martsa at pulong bayan ng mahigit 5,000 maralitang tagalunsod sa Tundo, na inorganisa ng Zone One Tondo Organization (ZOTO). Sina Fr. Timoteo Butalid, Sr. Mary Rosario Battung at Manila Cardinal Jaime L. Sin ay nakipag-dayalogo kay Marcos upang iharap ang hinihiling ng maralita laban sa malawakang demolisyon ng kanilang mga bahay sa Tundo at karatig-pook.

 

Lalong tumibay ang komitment ng maraming taong simbahan sa kanilang pakikiisa at pakikilahok sa mga kilos at organisasyon ng mamamayan, lalo na sa Negros na isa sa mga sentro ng malalaking plantasyon (O’brien: 1993) Naranasan nila ang tortyur at pagkakulong ng mga magsasaka, manggagawa, maralitang tagalunsod at mismong mga kapwa pari at madre ay nakaranas ng dahas ng martial law. Nakita nila ang brutal na demolisyon ng mga komunidad ng maralita at paggamit ng dahas ng estado laban sa mahihirap. Nasaksihan nila ang hamletting, at represyon sa mga organisasyon ng mamamayan. Ngunit na-obserba din nila ang diwa at tapang ng mga lumalabang masa at mamamayan sa kabila ng tangka sa kanilang pamilya, personal na sekuridad at buhay.

 

Ayon sa isang dating Chairperson for Women ng AMRSP, ” Higit sa lahat, nagahisan namin ang  takot sa pagkilos at sa kabila ng takot sa panahon. Ang gawain para sa katarungan at kalayaan ay alam naming mapanganib dahil sa kontrol ng makapangyarihan sa mga walang kapangyarihan.” (Villegas, 1997)

 

Ang naging pagsubok at paninindigan ng simbahan sa Pilipinas ay lalong tumibay dahil sa panawagan ng Pontifical Commission on Justice & Peace ng Vatican sa dokumentong lumabas noong unang bahagi ng 70s, na may pamagat, “The Church and Human Rights” . Anitong dokumento:  ” The Church cannot remain neutral when human rights are trul violated.” (p. 80).

 

Mga Taong Simbahan Bilang Biktima ng Batas Militar

 

MARAMING MGA TAONG SIMBAHAN ang naging biktima ng batas militar, lalo na iyong mga nakikisalamuha sa mga mamamayan at nakikiisa sa lumalabang api sa hanay ng mamamayan. Ilang mga pareng Katolikong dayuhan ang ipina-deport ni Marcos, mga paring Katoliko at Protestanteng pastor ang nakulong at na-tortyur, at ilan din ang na-salvage o dinukot at nawala bilang desaperacidos (involuntary disappearance ).  Tulad halimbawa sa kaso ni Fr. Rudy Romano, isang paring Redemptorist sa Cebu na siya ring Chairman noon ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)  sa Cebu. Si Fr. Romano at isa pang  kasama niya ay huling nakitang hinarang at dinukot ng mga armadong lalaki na pinaghihinalahang mula military intelligence, at sapilitang isinakay sa isang dyip.  1984 noon nang dukutin si Fr. Romano at ang kanyang isang kasama, at ang pinuno noon sa Cebu Metrodiscom ay si Col.Panfilo Lacson, dating deputy sa Military Intelligence and Security Group (MISG) na pinamunuan ni Colonel Rolando Abadilla. Notoryus si Abadilla at ang MISG sa pagdukot, pagtortyur at pag-salvage sa mga aktibistang lumalaban sa martial law.

 

Noong Jan. 1973, pinatay ang isang Carmelite na paring dayuhan na si Fr. Engelbewrt van Vilsteren ng mga miyembro ng isang panatikong paramilitary unit sa San Francisco, Agusan del Sur. Ito ay ayon sa di pa nalathalang  “Martial Law Memoirs” ng isang dating paring Carmelite na si Arnold van Vugt.  Nariyan din ang kaso ng Italyanong pari , si Fr. Tullio Favali na pinaslang noong April 11, 1985 ng mga paramilitary Civilian Home Defense Force sa North Cotabato.

 

Ilan sa mga Pilipinong paring nakulong noong martial law ay sina Fr. Jose Nacu, Lasallete Order, na inaresto dahil sa kanyang pakikiisa sa Zone One Tondo Organization (ZOTO) na pinakamalaking samahan noon ng maralitang tagalunsod.  Isa rin si Fr. Edicio de la Torre, SVD na tinaguriang lider ng Christians for National Liberation. Inaresto rin ang mga dayuhang pari tulad nina Fr. Daniel MacLaughlin,  Fr. Cornelio Lagerwey , Fr. Brian Gore, Fr. Edward Gerlock na hinuli sa Davao atbp.

 

Habang lumalim ang pakikilahok ng mga miyembro ng simbahan sa pagtutol sa batas military, lalo rin namang tumindi ang represibong atake ng diktadurya laban sa simbahan.(Gaspar: 1989, Carino: 1990)  Noong 21, 1973, ang Simbahan ng Sta. Cruz sa Binondo ay pinasok ng militar upang pigilin ang isang naganap na “Misa ng Kalayaan” kung saan kinanta ang “Bayan Ko”, “Pilipinas Kong Mahal” at “Bayang Magiliw”. (Taliba, Jan. 26, 1973).   Noong Aug. 24, 1974 , isang novitiate sa Novaliches ang ni-reyd ng militar at pulis, na may back-up pang helicopter. Suspetsa daw ng militar na nagtatago roon si Jose Ma. Sison, lider ng Partido Komunista ng Pilipinas. Wala si Sison doon, pero ganunpaman, inaresto ng militar ang mga hindi taong simbahan na natagpuan nila sa novitiate. (Estella, 2007) . Dahil sa harasment na ito, nagkaroon ng protest-vigil-mass sa Manila Cathedral na pinamunuan ni Cardinal Sin kung saan dumalo ang 5,000 katao sa misang pang-Linggong iyon.

     Sa Mindanao, ilang mga istasyon ng radyo na nasa pamamahala ng simbahang Katoliko ang ipinasara ng mga militar ng diktadurya.

 

“Bahay,  Prente, Pera” : Mga Dilema ng Simbahan sa Pakikiisa sa Marksista

 

     ANG PAGLAHOK AT PAKIKIISA NG MARAMING TAONG SIMBAHAN sa mga organisasyon ng dukha lalo na sa hanay ng magsasaka, manggagawa at maralitang tagalunsod  ay nagbunga ng isang dilema sa mga ito. Marami sa mga komited  na organisador ay mga lihim na miyembro ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army, na siyang merong epektibong lihim na organisasyon at imprastraktura sa panahon  ng batas militar sa kanayunan at kalunsuran. Bagaman marami ang nabisto at nahuli, sa kabuuan, nakaalpas ang lihim na imprastrakturang ito sa mga “sunog” na panghuhuli at reyd ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Constabulary. Ang mga progresibong miyembro ng simbahan ay hindi maiwasang makisalamuha sa mga pinaka-komited na organisador ng National Democratic Front  (NDF) at Partido Komunista ng Pilipinas sa mga lalawigan at Kamaynilaan. Masasabing ang disiplina sa kanilang kongregasyon na nakasanayan na ng mga taong simbahan ay hindi malayo sa parang   disiplinang bakal ng pambansang demokratikong kilusan, sa organisasyon tulad ng National Democratic Front, Communist Party of the Philippines at New People’s Army. Inamin ng ilang progresibong taong simbahan na hindi sila nahirapang mag-adjust sa disiplinang ito ng kilusang lihim, di katulad ng ibang sektor.

 

Noong una, ang papel na binigay ng pambansang demokratiko pwersa sa simbahan ay “bahay, prente, pera” , o bilang lohistikang ahensiya na taga-suporta sa kilusang lihim at mga aktibista ng mga legal na organisasyon. Di nagtagal, itinuring sila bilang isang hiwalay na sektor na may integridad sa organisasyon, at pagmumulat at paglitaw ng mga liderato para sa simbahan at iba pang larangan ng gawain. Isang walang petsang internal na dokumento ng CPP Mindanao Commission sa University of the Philippines Main Library Archives ay pinamagatang “Tasks of the Church Sector in the Philippine Revolution” at, “The  Party’s United Front Policy on Churches and Religion”.(walang petsa)  Ilan din sa mga dokumento sa UP archives ay “Message to the First Conference on Party Work Among Protestants” ng Party Conference in the Church Sector noong Nov. 12, 1981; at “The Party’s Tasks in the Church Sector.”(walang petsa).

 

Ilan din sa mga pari ang sumapi at naging lider pa ng rebolusyonaryong kilusang lihim laban sa martial law tulad nila Fr. Edicio de la Torre, na lider ng Christians for National Liberation at ng National Democratic Front. Ganoon din sina Fr. Conrado Balweg na naging lider ng NPA sa Cordillera, at si Fr. Nilo Valerio. Ilan ding mga pari at madre sa Visayas at Mindanao ang kilalang sumanib at naging lider pa ng armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines. Dalawa sa mga pangunahing lider ng National Democratic Front na naka-base sa Utrecht, Netherlands ay mga dating taong simbahan: ang mag-asawang Luis Jalandoni at si Connie Ledesma. Kapwa pinanday sila ng martial law na maging lalong maging komited sa rebolusyonaryong kilusan.

 

Sa lihim na  kumperensiya ng Christians for National Liberation (CNL) na naganap noong 1981, iniulat na  ang mga kasapi ng CNL na pari, madre, pastor, deaconess, at seminarian ay sapat na upang ituring ang simbahan bilang isang rebolusyonaryong sektor.

 

Mula pa noong Martial Law, hanggang sa kasalukuyan, ang madalas maitanong ukol sa patuloy na dayalogo ng mga taong simbahan at mga Marksista ay: Ang simbahan ba ang nag-iimpluwensiya sa Communist Party, o ang Communist Party ba ang nag-iimpluwensiya sa Simbahan?

 

Pandaigdigang Impluwensiya ng Simbahan

 

ANG CHURCH COALITION FOR HUMAN RIGHTS IN THE PHILIPPINES (CCHRP) na itinatag noong 1981 sa Washington, D.C. sa Methodist Building  katabi ng U.S. Congress (Capitol Bldg), ay bunga ng pagiging biktima mismo ng taong simbahan sa panunupil sa Pilipinas. Si Rev. Paul Wilson at kanyang asawa na nasa Pilipinas ay hinuli,  matapos i-raid ng 5th Constabulary Security Unit (CSU) ang kanilang inuupahang bahay sa Quezon City noong 1974. Kasama sa mga hinuli sa bahay  ay sina Rev. La Verne Mercado, General Secretary ng National Council of Churches of the Philippines (NCCP); Rev. Harry Daniel, opisyal ng Christian Conference for Asia, at mga istap ng NCCP.  Sila at ang kanilang mga bisita ay naghahapunan noon sa kanilang bahay  nang i-reyd ito at inaresto at tinortyur silang lahat. Sina Rev. Paul Wilson at ang kanyang asawang si Didi ay inaresto, na-interogeyt, at na-mental torture, ay saka ipina-deport sa Estados Unidos. Lalong bugbog-sarado ang mga NCCP istap na hindi  misyonaryo o pastor, at nagkataong mga Pilipino.

 

Ang pagka-aresto at interogasyon kay Rev. Paul Wilson at iba pang matataas na opisyal ng Christian Conference for Asia at NCCP, ay naging batayan para ang mga simbahan sa Amerika (lalo na yung mga may misyoneryo at sangay sa Pilipinas) na kumilos sa kongkretong paraan laban sa batas militar at diktadurya. Sa panahong ito itinatag ang Church Coalition for Human Rights in the Philippines(CCHRP) na naging epektibong lobby group ng simbahan sa Wash. DC laban sa diktadurya. Ang naging tulay sa pagkatatag ng CCHRP ay si Rev. Paul Wilson, na naging biktima ng martial law.
Ang CCHRP ang nagpalaganap ng mga balita sa lahat ng mga simbahan sa labas ng Pilipinas , ukol sa mga human rights violations sa Pilipinas, at malaki ang naging papel na ito sa pag-lobby laban sa U.S. military assistance at economic aid sa diktadurang Marcos. Mahalaga ito lalo na dahil kritikal ang  pagsuporta ng pamahalaang U.S. sa buhay at pagpapatagal sa diktadurang Marcos. Ayon sa CCHRP Declaration of Purpose: ” We are a Coalition of churches and church-related organizations who seek to address the issue of human rights because of our faith commitment.” Naging epektibo rin sa paglaban sa martial law sa Pilipinas  ang mga simbahan sa Yuropa, Australia, New Zealand at Japan. Nanguna ang mga dayuhang simbahan sa pagpapatampok sa mga paglabag ng karapatang pantao ng diktadurang Marcos at pagpresyur sa kani-kanilang pamahalaan na putulin ang anumang tulong para sa diktadura. Mula Yuropa, nagbigay ng kongkretong moral at materyal na suporta para sa mga programa at task forces ng simbahan sa Pilipinas ang Catholic Organization for Joint Financing of Development Programs (CEBEMO), Inter-Church Coordinating Committe(ICCO), Evangelical Church of Germany(EKD), atbp. Ngunit,  higit sa lahat, nariyan din ang aktibong ambag ng World Council of Churches, na may punong-himpilan sa Geneva, Switzerland.

 

Masasabing malaki ang naging papel ng simbahan sa pang-internasyunal na gawain laban sa diktadurang Marcos. “Bring the Philippine Struggle to the International Scene” ay isa sa mga binigay na tungkulin ng NDF sa Church Sector. Ang malawak na international solidarity work laban sa diktadurang Marcos ay merong malakas na suporta ng mga institusyon ng simbahan (Katoliko at Protestante).

 

Ang Simbahan  Bilang Mahalagang Sektor ng Oposisyon sa Panahon ng Diktadurang U.S.- Marcos

 

ANG MARTIAL LAW AY LALONG NAGPATAMPOK,  at nagbigkis sa pagkakaisa ng mga kongregasyon, kumbento at relihiyosong order ng taong simbahan. (Panayam kay Sr.Lamadrid: 2007)  Hindi na nila itinuturing ang isa’t isa bilang kompetitor sa mga rekrut na nobises (novices) at atensyon ng Vatican, kundi iisang boses sa pamamagitan ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (for Men and Women). Nakita ang maraming  iba’t ibang kongregasyon na nagtutulungan sa isat isa upang ma-mulat ang ibang kongregasyon, habang nakikisalamuha sila sa hanay ng lumalabang mamamayan.

 

Epektibo ang mga taong simbahan sa pagkumbinsi sa mga komunidad ng Pilipinas na manindigan laban sa diktadura. Malakas ang kanilang kredibilidad batay sa moral na batayan, na alisin ang lehitimasyon ng diktadura sa mata ng taumbayan at daigdig. Meron din nakatayong malaking organisasyon at istruktura ang simbahan sa loob at labas ng Pilipinas upang labanan ang diktadurya. Sa labas ng bansa, epektibo ang boses ng simbahan sa pagpapatambok ng isyu ng paglabag sa karapatang pantao, gayundin merong kapwa simbahan sa labas na sumusuporta sa boses nito.

 

Sa panig ng Vatican at kinatawan nitong Papal Nuncio sa Pilipinas, maraming beses na sinabi nilang “masyadong pulitikal” ang dating ng AMRSP, kayat ilang beses nakipag-dayalogo ang AMRSP sa Papal Nuncio. Meron  reaksyonaryo at konserbatibong kasaysayan ang simbahan sa Pilipinas mula sa mga prayleng Padre Damaso na pinuntirya ni Dr. Jose Rizal sa kanyang mga nobela. Ngunit, meron ding progresibong tradisyon ito na nagmula sa diwa ng pagkamartir nina GOMBURZA , at sa paninindigan ni Aglipay.

  

Konklusyon

 

     Ang martial law ay naging pagsubok sa maraming taong simbahan na lalong nakaranas ng internal na transpormasyon. Naging pagsubok ito at oportunidad upang maisapraktika ang mga aral ng simbahan, at gawin ang kanyang sinasabi. Lalong nagkaisa ang maraming taong simbahan lalo na sa harap ng panunupil ng sarili niyang mga miyembro na inaresto, tinortyur, dineport, dinukot at naging desaparecidos. Nasaksihan dito sa panahong ito ang mga komited na taong simbahan na nakikiisa sa mga karaniwang mamamayan sa pagtulak ng makatarungan at maka-prinsipyong paglaban (resistance) sa diktadurang U.S.-Marcos. Hindi naging sagabal ang makasama nila ay mga Marksista, bagkus, maraming mga taong simbahan ang umugnay o sumapi sa CPP , NDF at NPA.

 

Ang tawag dito sa karanasang ito ng simbahan lalo na noong panahon ng martial law sa Pilipinas ay “Theology of Struggle”.

 

 

                                               Bibliograpiya

 

Abesamis , C.H. (1980). “Faith and Life Reflections from the Grassroots in the Philippines. Sa Fabella, V. (ed.) , Asia‘s Struggle for Full Humanity. Maryknoll: New York,  Orbis Books.

 

Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) (1983) “Current Tensions Between Church and State: AMRSP Reflections”, Pastoral Letter and Related Readings. Naka-mimeograph.

 

Bonner, Raymond. (1987) Waltzing With a Dictator: The Marcoses and the Making of American Policy. Manila: National Book Store, Inc.

 

Carino, F.V. (1989) ” In the Midst of Repression: Church people, Stand Your Ground” , Sa That We May Remember. Quezon City: Promotion of Church People’s Rights.

 

De La Torre, Edicio (1986) Touching Ground, Taking Root. Theological and Political Reflections on the Philippine Struggle. Manila: Socio-Pastoral Institute.

 

Estella, Chit. (2007) “The Religious Press and the Marcos Years” Philippine Journalism Review (PJR) Reports. September. 2007.

 

Gaspar, Karl ( 1989) ” Church Persecution in the Philippines: From the Pastoral Perspective, ” Sa,  That We May Remember. Quezon City: Promotion of Church People’s Rights.

 

Graham, Helen (1986) ” The Role of Faith in the Struggle”. Kalinangan, VI (1), 5-6; 27-31.

 

Harris, Anne (2003) Dare to Struggle, Be Not Afraid. The Theology of Struggle in the Philippines. Quezon City: Claretian Publications.

 

Jalandoni, L.G. (1972) ” The Role of the Priest in Political Liberation”. Philippine Priests’ Forum, IV (2), 16 – 26.

 

Kintanar, G. (1979) “Contemporary Religious Radicalism in the Philippines, An Analysis”. National Security Review, National DefenseCollege of the Philippines.

 

Labayen, J.X. (1995) Revolution and the Church of the Poor. Manila and Quezon City: Claretian Publications and Socio-Pastoral Institute.

 

Ledesma, Connie. (1999). Panayam kay Coni Ledesma, Madreng Naging Rebolusyonaryo. Sulong Kababaihan, Magasing Pangmasa ng Gabriela.  Oct. 1999.

 

O’Brien, N. (1993) Island of Tears, Island of Hope. Living the Gospel in a Revolutionary Situation.Maryknoll, New York: Orbis Books.

 

Seagrave, Sterling.(1988)  The Marcos Dynasty. New York: Fitzhenry & Whiteside Ltd..

 

Schirmer, Daniel Boone (1973) “The Philippines – Another Vietnam?” Talumpati sa CommunityChurch of Boston. Friends of the Filipino People.

 

Signs of the Times istap (1975) “La Tondena Inc. Workers Win their Demands”. Signs of the Times.  pp.3-9.

 

Villegas, Sr. Emelina .(1997)  ” The Groans and Growth of AMRSP” sa Association of Major Religious Superiors in the Philippines, 25 Years. AMRSP.

 

Youngblood, R. L (1987) “Church Opposition to Martial Law” sa Schirmer, D.B. at Shalom, S.R.(eds.) The Philippines Reader. A History of Colonialism, Neo-Colonialism, Dictatorship and Resistance.Boston: South End Press.

 

 

Mga Dokumento:

Aguilan, Rev. Henry (1994) . “Urban Industrial Mission, the Pioneer of Urban Rural Mission”. URM National Consultation . Aug. 1994.

 

Mga isyu ng Signs of the Times (“for religious use”) publikasyon ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines.

 

Mga isyu ng Ichthys, publikasyon ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines

 

Mga isyu ng Philippine Witness, publikasyon ng Church Coalition for Human Rights in the Philippines.
Mga isyu ng Taliba, publikasyon ng Kilusang Lihim sa Kamaynilaan.

 

Van Vugt, Arnold. ” Martial Law Memoirs” (di pa nailathala) Walang petsa

 

 

Mga Panayam:

 

Graham, Sr. Helen, Maryknoll Sister, Quezon City. Agosto 19, 2007.

 

Lamadrid, Sr. Rosalinda. Madre ng Congregation of the Immaculate Concepcion of Mary (CICM) na nakatalaga sa Kalinga Apayao noong Martial Law, St. Theresa’s , Tuazon St. Quezon City.Agosto 7, 2007.

 

Zembrano, Sr. Aurora. Madre ng Congregation of the Immaculate Concepcion of Mary (CICM) at dating Directress ng Socio-Pastoral Institute (SPI). Hulyo 9, 2007

 

The date posted here is due to our website rebuild, it does not reflect the original date this article was posted. This article was originally posted in Yonip in June 2nd 2010

 

 

mdocbanner

To view more articles in this category click on the Image

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.