Apr 142013
 

Introduction:

    The following essay – in English or Pilipino – express the Filipino youth’s hopes for the 2010 elections where all of the writers are first-time voters. The essays strip bare the oligarchic character of the Philippines which is only democratic in form but not in substance.


 

Belgira, Penny A.                                                                                                                                       

 

 

 

ANG OLIGARKIYA SA PILIPINAS AT ANG ELEKSYON 2010

 

 

Isang napapanahong isyu sa kasalukuyan ang gaganaping pangkalahatang halalan (general elections) sa taong 2010. Ito ay isang mahalagang paksa sapagkat ang atensyon ng lahat ng panig at uri sa lipunang Pilipino ay nakatuon dito at sa pag-asang hatid nito. Ang usaping ito ay masalimuot at kumplikado sapagkat ito ay sumasaklaw sa pinakabatayang isyu sa demokratikong sistemang umano’y umiiral sa Pilipinas. Ang pagtalakay sa usaping ito hindi maaring mabukod at mawalay sa paksain hinggil sa katangian ng lipunang Pilipino at ang umiiral na oligarkiya.

 

Ang Oligarkiya

 

Ang Oligarkiya ay isang kalagayan o sistema ng pamamahala; ang paghahari ng iilang tao lamang sa isang lipunan ang pinakabatayang katangian ng nito. Ang impluwensya at kapangyarihan ng Oligarkiya ay tumatagos sa pampulitika, pang-ekonomiya at pangkulturang aspeto ng isang lipunan. Ito ang tawag sa pamahalaan o lipunang pinapatakbo ng iilang mayayaman na kumokontrol sa pulitika at yaman ng bansa para sa kanilang mga pansariling interes.

Sa Pilipinas, bagaman mayroong umiiral na demokratikong sistema ayon sa mga tagapagtangkilik ng pangkasalukuyang sistema,  ang oligarkiya ay mahigpit na nakayakap sa anumang antas ng lipunang Pilipino. Ang lipunang Pilipino ay nahahati sa iba’t ibang uri na mahahati sa dalawang pangkalahatang grupo — ang uring mapagsamantala at ang uring pinagsasamantalahan.

 

Ang uring mapagsamantala na binubuo ng mga kapitalista, mga panginoong may lupa at burgesya-kumprador ang kumakatawan sa umiiral na  sistema sa bansa. Ang uring magpasamantala ang nangingibabaw sa ating lipunang at kinakatawan sila ng mga opisyal ng pamahalaan sa iba’t ibang antas ng burukrasya. Ang uring ito ay bumubuo ng humigit kumulang dalawang porsyento (2%) ng lipunang Pilipino

Ang uring pinagsasamantalahan ay binubuo ng mga magsasaka, manggagawa, maralitang-lungsod, peti-burges at uring anakpawis. Ang uring ito ang nagsisilbing lakas-paggawa ng lipunang  Pilipino at lumilikha ng yaman at tumutustos sa pangangailangan ng bansa. Ang uring ito ay walang boses o di kaya naman ay di nabibigyan ng tamang representasyon sa lipunang Pilipino. Binubuo ng uring ito ay mahigit sa nobenta porsyento (90%) ng lipunang Pilipino.

Ang dalawang pangkalahatang uring nabanggit ay mayroong direktang ugnayan na nakabatay sa pagsasamantala. Ang uring mapagsasamantala ang nagkakamal ng mga yaman na nilikha ng uring pinagsasamantalahan mula sa likas na yaman ng Pilipinas. Malaking bahagi na umaabot sa nobenta porsyento (90%) ng likas na yaman at ekonomiya ng Pilipinas ang kontrolado ng uring mapagsamantala.

Ang uring mapagsamantala ay mayroong malaking impluwenysa kundi man kontrol sa burukrasya ng pamahaaan. Ang mga opisyal ng gobyerno ay mga kinatawan ng uring ito, karaniwang ang mga opisyal ng pamahalaan ay nabibilang din sa mga pamilya ng mga panginoong may lupa at mga negosyante. Ang halalan ay bahagi ng pagpapangap ng oligarkiya na patunayan na ang demokrasya ay umiiral sa Pilipinas. Simula’t sapol ang eleksyon ay isang kaganapang bukas lamang para sa mga mayayaman na mayroong sapat na pananalapi upang mangampanaya. Bawat pangkat o di kaya’y indibidwal na negosyante/panginoong may lupa ay may kanya kanyang manok na sinusuportahan tuwing halalan. Ang sistema ng padrino at dinastiyang pulitikal ay matagal nang nakaugat sa lipunang Pilipino. Ang utang na loob (political debt) ng mga pulitiko sa kanilang mga tagasuportang mayayaman ay binabayawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon sa mga interes nito. Ang ganitong kalakaran ay nagpatuloy sa paglipas ng mahabang panahon at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan.

 

 

 

Ang Elesyon 2010

 

Ang elesyon sa 2010 ay mahalaga hindi lamang para sa mga mayayaman kundi maging sa malawak na bilang ng naghihirap na mamamayang Pilipino sapagkat ito ay nagbibigay ng pag-asa ng pagkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa lipunang Pilipino.

Isang taon bago ang eleksyon, ramdam na ramdam na ang init nito na tinatawag na “election fever”.  Nagsulputan ang kanyang mga patalastas ang mga pulitiko sa telebisyon, radyo, at mga babasahin ganundin ang mga streamers sa iba’t ibang bahagi ng mga pamayanan. Bilyong piso na ang nagagastos sa maagang pangangampanya ng mga pulitiko. Patuloy ang paghahanda ng mga pulitiko mula sa sa mga munisipalidad hanggang sa Malacañang.

Ang darating na eleksyon ay lubhang mahalaga para sa mga mamamayan sapagkat dito malalaman kung mgakakaroon nga ba ng pagbabago matapos ang siyam na taon ng paghihirap sa ilalalim ng rehimeng Arroyo. Sa tindi ng paghihirap ng taumbayan sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ay hindi na sila makapag-antay para sa darating na eleksyon. Ang pangunahing plataporma ay moral recovery, transparency, good governance at pagbibigay lunas sa kahirapan.

Ang sistemang Oligarkiya ay muli na naman tumitingkad sa ganitong kalagayan. Ang mayayaman ay naglalabasan sa kanilang mga lungga upang mamili ng papalit kay Ginang Arroyo.

Sa pambansang antas, maraming pulitiko na ang nagpahayag ng hangaring kumandidato sa sa pagkapangulo kabilang sina Manny Villar, Noynoy Aquino, dating Pangulong Estrada, Gilbert Teodoro, Bro. Eddie Villanueva, Loren Legarda, Chiz Ezcudero, at marami pang iba.

Ang mga mayayaman at makapangyarihan ay nahahati sa ilang maliliit na grupo na kinakatawan ng mga partidong pulitikal. Sa kasalukuyan nagkakaroon ng mga pagririgodon ng mga pwersang pampulitika mula sa mga grupong ito. Ang mga pangkating ito ay naghahanda at nagpapalakas para sa darating na eleksyon. Ang pangkating Arroyo na kasalukuyang nasa poder ng kapangyarihan ay nagtatangkang makapanatili sa kapangyarihan. .

 

 

Mga Pangkatin ng Oligarkiya

 

Pangkating Arroyo at LAKAS-KAMPI

Ang adminitrasyong Arroyo ay makailang ulit na nagtangkang makapanitili sa poder at makapagextend sa kapangyarihan subalit ito ay ilang ulit ding binigo ng pagkilos ng taumbayan. Kamakailan lang ay uminit na muli ang usapin sa Charter Change at ang hindi mamatay-matay na usapin hinggil sa “no-election scenario” sa 2010. Nitong taong ito pormal ng nagsanib ang partidong LAKAS at KAMPI sa kabila ng pagtutol ng mga tagapagtatag nito na sina dating Pangulong Ramos at dating Speaker Jose De Venecia Jr. Ang pinagsanib na partidong ito ang kumakatawan sa pinakamakapangyarihang pangkat sa Oligrakiya sa Pililipinas ngayon. Sila ang kumokontrol sa malaking bahagi ng burukrasya at sa yaman ng bansa. Noong nakaraang buwan pormal na idineklara ng partido si  Gibo Teodoro bilang pambato sa eleksyon 2010; si Teodoro ay nagmula sa mayaman at impluwensyal ng pulitikal na angkan mula sa Tarlac.

 

Pangkating Villar at Nacionalista

Ang Partido Nacionalista ang pinakamatandang partido pulitikal na nabubuhay sa kasalukuyan. Binuhay ito ni Villar upang maging sandigan niya sa pagkandidato sa 2010. Ang pangkatin ni Villar ay nabibilang sa hanay ng oposisyon subalit binubuo din g mga tradisyunal na pulitiko (TRAPO) mula sa mga angkang mayayaman. Si Villar ay gumagasta ng daang milyong piso para sa mga patalastas at adevertisement bilang pagahahanda sa darating na elesyon. Wala ng makakapigil pa sa pagtakbo niya sa pagkapangulo.

 

Pangkating Estrada at UNO-PMP

Ang partidong United Oppositiona at Pwersa ng Masang Pilipino ay may sapat na makinarya at impluwenysa para eleksyon 2010. Hindi nagpapaawat si dating Pangulong Estrada sa kanyang planong kumandidato bilang Pangulo sa 2010. Inaasahang aabot sa Korte suprema ang debate hinggil sa kanyang pankadidatong muli.  Nanatiling impluwensyal si Estrada at ang kanyang papularidad ay nanatili sa  sa kabila ng pagpapatalsik sa kanya noong ESDA 2. Ang pangkat na ito ay binubuo din ng mga mga tradisyunal na pulitiko at mayayaman na tumutuligsa sa adminitrasyong Arroyo. Ang pangunahing islogan nila ay ang pagtuligsa sa kabulukan ng administrayong Arroyo.

 

Pangkating Aquino at Liberal Party

Ang pagkamatay ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Agosto ay nagbigay daan sa paglakas ng Liberal Party at ang kampanaya upang hikayatin ang anak ng namayapang Pangulo upang kumandidato. Ang dating pamabato ng Liberal Party na si Senador Mar Roxas ay nagbigay daan para kay Senador Noynoy Aquino. Ang pagbuhos ng suporta at dalamhati ng taumbayan para kay Pangulong Aquino ay naisalin sa popularidad ni Senador Noynoy. Pormal na idineklara ng Liberal Party ang tambalang Noynoy-Mar sa 2010; ang dalawang personalidad na ito ay nagmula sa angkang pulitika na Araneta-Roxas at Sumulong-Cojuangco Aquino. Ang mga nasabing pamilya ay nasa kapangyarihan na sa Pilipinas sa simula pa almang ng nagdaang siglo. Ang Liberal Party ay isang matandang partido na rin  na siyang pinakamahigpit na katunggali ng Nacionalista Party.  Ang eleksyon 2010 ay nagbibigay ng magandang oportunidad para makapanumbalik sila sa poder ng kapangyarihan.

 

Pangkating Loren-Chiz at NPC

Ang Nationalist People Coalition ay partidong pulitikal na hawak ng mayamang negosyanteng si Danding Cojuanco at kanyang ginamit sa bigong pagkandidato sa pagkapangulo noong 1992.  Sa pagdaan ng panahon nanatiling aktibo ang NPC sa pulitika upang protektahan ang interes ni Danding at ng kanyang mga tauhan. Ang NPC ay walang malinaw na pinapanigan. Ilang kasapi ay nasa oposisyon habang ang ilan ay nasa administrasyon. Ang popularidad ni Loren at Chiz ay nagbibigay ng oportunidad sa NPC upang makaupo sa kapangyarihan sa 2010 subalit hanggang sa ngayon ay wala pa itong pormal na deklarasyon ng planong pampulitika para rito.

 

Ang Pagbabalik ng Tunggaliang Nacionalista at Liberal

Kung titingnan ang mga pangyayari sa kasalukuyan, ang Nacionalista at Liberal ang mahigpit na  magkalaban sa 2010. Sabi ng ilan ito ay pagbabalik sa tunggalian ng dalawang partido na naganap mula 1940s hanngang 1960s.

 

 

Ang Estados Unidos at ang Eleksyon 2010

Ang Estados Unidos ay mayroong malaking papel sa nagiging takbo ng halalan sa Pilipinas sapagkat sila ay mayroong mga interes na prinoprotektahan sa Pilipinas, kabilang na ang mga negosyo nila rito. Ang mga kandidato ay kanya-kanyang dumudulog sa Estados Unidos upang hingin ang suporta nito. Karaniwan ang sinusuporthan ng Estados Unidos ang lumalabas na panalo.

 

Ang mga Grupong Pangrelihiyon at ang Eleksyon 2010

Ang iba’t ibang grupong pangrelihiyon ay mayroon ding mahalagang papel sa darating na eleksyon. Ang kanilang impluwensya sa malawak na bilang ng mamamayang Pilipino ay maaring maging mahalagang salik sa resulta ng elesyon. Ang ilang grupo katulad ng Iglesia ni Cristo (INC) ay direktang nag-eendorso ng kandidato samantalang ang iba naman ay nagbibigay ng  mga pamantayan sa pagpili ng mga kandidato

 

Ang Civil Society at mga Grupong Party List

 Patuloy na nagiging mahalaga ang papel ng civil society at mga grupong party list sa eleskyon 2010.  Ang mahalagang ambag nila ay ang pagbibigay ng kaalaman at pagbibigay ng gabay sa mga mamamayan sa sa kanilang tungkulin at karapatan sa darating na eleksyon. Ilan sa mga halimbawa ng grupong ito ay ang AKO MISMO, BOTO MO IPATROL MO, MORAL RECOVERY, BAYAN, at iba pa. Ang mga grupong ito ay may kanya-kanyang interes na pinapahalagahan.

 

Ang Perspektiba ng Eleksyon 2010

Ang eleksyon ay isang mahalagang bagay para sa mamamayan sapagkat ito ay isang batayang karapatan. Ang eleksyon 2010 ay mahalaga para sa taumbayan na sawang-sawa na sa adminitrasyong Arroyo. Marami ang maaaring mangyari mula ngayon hanggang sa susunod na eleksyon katulad ng pagkaantala ng eleskyon. No-election scenario, martial law, ang pagpalya ng automated election at iba pang senaryo.   Ang pananatili na Oligarkiya at ng bulok ng sistemang panlipunan ay magiging hadlang upang ang Eleksyon 2010 ay maging tulay sa pagbabago. Anuman ang maging resulat ng eleksyon ay nakatitiyak tayo na hind magaganap ang makabuluhang pagbabagong panlipunang matagal na nating minimithi. Malabo ang hinaharap para sa taumbayan na umaasang ang pagbabago ay magaganap sa 2010-ang magaganap ay isang malaking panlilinlang at palabas lamang ng mga mayayaman at pulitiko. Mananatili ang sistema ng Oligarkiya sa lipunang Pilipino hanggat hindi nasasapol at tuluyang nawawasak ang mga batayang ugat ng nabubulok na sistemang panlipunan.

Bilang isang mamamayan, tayo mismo ay dapat kumilos. Matuto tayong maging mapanuri at huwag natin agad na paniwalaan ang mga nababasa at naririnig natin. Tayo mismo ay dapat magsaliksik upang hindi maging instrumento ng oligarkiya para sa kanilang interes. Sa darating na eleksyon, maging mapili sa pagboto, huwag nating hayaang tuluyang pamahalaan tayo muli ng oligarkiya.  Kaalaman at pagkilos ang mabisang paraan upang mawasak ang baluktot na sistemang umiiral sa bansa.

 

The date posted here is due to our website rebuild, it does not reflect the original date this article was posted. This article was originally posted in Yonip in 2010

 

 

To view more articles in this category click on the Image.

To view more articles in this category click on the Image.

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.