Mar 232013
 

ANG KOMERSYALISASYON NG

EDUKASYON SA U.P.

Ni

Prof. Roland G. Simbulan

Faculty Regent, U.P. System

 

(Talumpati sa “Forum on the Commercialization of U.P.”, inisponsor

Department of Social Sciences, Social Science Week,

Rizal Hall, CAS, February 6, 2007)

          Lubos kong ikinatutuwa at ikinararangal na maging tagapagsalita dito sa forum ukol sa “Komersyalisasyon ng Edukasyon sa U.P..”

 

          Ang kasalukuyang mainit at kontrobersyal na isyu ng tuition fee increase ay ipinatutupad ayon sa mas malawak na patakaran ng komersyalisasyon at pribatisasyon na kinakaharap ng mga pampublikong institusyon katulad ng U.P..  Ang komersyalisasyon ay ang pagtakwil sa pinansyal at moral na responsibilidad o pananagutan ng estado sa kanyang mamamayan.  Ang pagtaas ng matrikula sa Unibersidad ay isa lamang sa mga madaliang tugon ng U.P. administrasyon sa konteksto ng lalong kumikipot na badyet na mula sa pamahalaan.  Ito ang pinakamatindi at direktang paraan ng pribatisasyon at komersyalisasyon kung saan ipinapataw ang bayarin ng pampublikong edukasyon mula sa pagiging pangunahing responsibilidad ng estado tungo sa balikat ng mga pribadong mamamayan.

MGA ANYO NG KOMERSYALISASYON

 

Maraming anyo ang komersyalisasyon at pribatisasyon sa edukasyon –

 

1. ang voucher system na nagpapaaral sa estudyante sa pribadong eskuwelahan dahil kulang ang publikong paaralan;

2.    taktikang pagtaas ng tuition fee sa freshman (hindi sakop ng

Guidelines on Tuition Increase),

3.    income generating measures (mungkahi ng Higher Education

Modernization Act, tulad ng Techno Parks, joint ventures, pagkakakitaang pwesto ng manininda at kantina, bayarin sa paggamit

 

 

ng pasilidad, biglang paniningil ngayon sa mga indigent patients sa PGH);

4.    pagsasapribado ng mga auxiliary services (pagsara ng printery

ng UP Press at University Food Service),

 

5.    subcontracting (hindi permanenteng status ng faculty, hiring ng

lecturers, paglilipat ng serbisyo ng janitors sa pinakamababang gastos ng mga contractualized agencies),

6.    paghalaw ng kita sa entrance exams at miscellaneous fees, at

iba pa.

 

Ang mga kawani ng UP din ay mga direktang biktima ng mga

patakarang ito.  Ang paglusaw sa iba’t ibang sangay ng Unibersidad gaya ng pagabolisa sa University Food Services sa UP Los Baños at Printery ng UP Press sa U.P. Diliman ay kabilang din dito.  Hindi lamang mga estudyante ang  naapektuhan, na ngayon ay makakaasa sa mas mahal na pagkain at babasahin, kundi ang mismong mga kawaning pinagpaparetiro nang maaga o di kaya ay linilipat at dinadagdagan ang trabaho.

 

          Pinalalakas din ng patakarang ito ang kontraktwalisasyon ng manggagawa sa pagbibigay sa mga ahensya ng mga trabahong dating permanente tulad ng janitorial work na nag-aalis sa batayang karapatan ng mga manggagawa sa kaseguruhan sa trabaho.  Lalong mahihirapan ang mga nakababatang gurong makakuha ng “renewal” or “tenure” ayon sa prinsipyo ng pagtitipid.

 

          Ang komersyalisasyon at pribatisasyon ay nakasandal sa market forces sa pagtutumbas ng uri at halaga ng serbisyo.  Itinatatwa na ng UP ang kanyang obligasyong ipaglaban ang karagdagang subsidyo mula sa estado bilang pangunahing unibersidad ng estado.  Sa halip nito, ang U.P. na ang humahawi ng landas para makapasok ang negosyo at ang kanilang interes sa publikong serbisyo tulad ng edukasyon kahit pa wala namang transparency sa accountability ng kita nito.  Nagpapalaganap ang komersyalisasyon ng fantasyang kultura na bubuti ang lagay ng faculty at mag-aaral dahil sa karagdagang kita.

          Sa hanay ng faculty, pinabibigat ang kahilingan sa globally-competitive measures ng akademikong kagalingan kahit pa kakapuranggot ang sweldo.  Sino lamang ba ang may lukratibong kita mula sa konsultansi at pagkiling sa poder ng pamahalaan?  Sa malaking bilang ng faculty, nililikhang pamantayan ang kagalingan ng akademikong indibidwal na makapanghimok ng sarili nitong kapital.

 

Kanya-kanya tayong produksyon ng karagdagang kita, at hindi na ang layunin sa pagtuturo ay bilang guro ng bayan, sa pamantasan ng bayan.  Malinaw na hindi lamang sa larangan ng mga bayarin nakalimita ang manipestasyon ng komersyalisasyon.  Sa katunayan, nariyan ang

 

tuluyang paghubog ng buhay sa loob ng unibersidad ayon sa lohika ng merkado or market.

          Dalawampu’t dalawang porsyento lamang ng buong budget sa tertiary education ang sinasagot ng gobyerno.  Sa naganap na pag-aproba ng 300% pagtaas sa matrikula noong Disyembre 2006 sa U.P., lalong isinasakatuparan ang rekomentasyon ng Philippine Agenda for Educational Reform (PCER) na “itaas ang tuition at iba pang fees.”  Sinasabi nilang hindi realistikong posisyon ang pagtutol sa pagtaas sa matrikula bilang mekanismo ng pagpapataas ng kita ng Unibersidad.  Pero wala nang mas “realistiko” pang bagay kaysa sa tuluy-tuloy na pagdausdos at pagkabulok ng sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas sanhi ng criminal na pagpapabaya rito ng estado na abalang-abala sa pagbibigay prioridad sa utang-panlabas, pandirigma at pangungurakot.

          Pinapatunayan pa rin ng ating karanasan sa loob at labas ng Pamantasan na nasa kamay pa rin ng nagkakaisang mga sector ng Unibersidad ang pagpasya sa magiging direksyon at pagsagip sa ating Pamantasan sa patuloy na lumalaganap na komersyalisasyon nito.  Nakakabahala ang ilang mga patakaran at programa ng Unibersidad na maka-komersyalisasyon at maka-pribatisasyon ang balangkas tulad ng nabanggit ko nang ginawang pribatisasyon ng UP Printing Press, Campus Maintenance Office at ang balak na pagsasara sa nalalabing University Food Service sa Vinzons Hall.  Hindi malayo na pati ang mga nalalabi pang mga tinataguring “non-academic units” ay isasara kung hindi ito kumikita batay sa balangkas ng “return on investment” at ililipat sa kamay ng mga “anti-labor na contractualized private agencies” o di kaya mga pribadong concessionaires.

          Isang mahalagang salik sa ganap na maaari nating anihing tagumpay ay ang pagkakaroon ng pagbabago sa rebisyon ng U.P. Charter.  Dito ay maaari nating ilaban ang mga probisyon na magbabadya ng mga mahahalagang pagbabago sa direksyon ng ating institusyon sa mga maseselang isyu tulad ng komersyalisasyon, at pribatisasyon ng ating Unibersidad.  Ang U.P. Charter ay dapat tumungo sa institusyonalisasyon at pagpapatingkad ng demokrastisasyon sa pamamahala ng Unibersidad, hindi ang komersyalisasyon nito.

BILANG FACULTY REGENT, BAKIT AKO TUMUTOL SA 300% PAGTAAS NG TUITION FEES SA UP?

1.    Una, dahil sa madalian at patagong pinaaprubahan ng administrasyon sa Board of Regents noong karumaldumal na araw ng ika-15 ng Disyembre, 2006 ang pagtaas ng matrikula na hindi nagsasagawa man lamang ng sapat, marubdob at makatotohanang konsultasyon sa hanay ng mga mag-aaral, guro at ng buong komunidad ng Unibersidad.

Hindi rin sineryoso ng administrasyon ang responsibilidad nitong magpapalaganap ng sapat na impormasyon at mga dokumento hinggil sa pagpapataas ng matrikula at sa halip ay nagpapalaglanap ng baluktot at mapanghating propaganda.  Hindi binuksan ng administrasyon ang sentral na usapin ng seryosong pagtatasa ng STFAP bilang isang programang diumano’y may pangunahing layuning itaguyod ang “demokratisasyon” o pagpaparami ng mga mag-aaral na nagmumula sa mas mahihirap na saray panlipunan sa Unibersidad.  At higit sa lahat, pinagkaitan ng pagkakataon at panahon ng administrasyon sa mga madaliang “konsultasyon” ang mas malalalim at mas pundamental na talakayan hinggil sa ideya at ideyal ng “iskolar ng bayan” at ng panganib na inihaharap dito ng hangaring pataasin ang kita ng Unibersidad sa pamamagitan ng pagsingil ng mas mataas na matrikula sa mga mag-aaral.  Inakala nilang ang pagkamal ng mas maraming pera at hindi ang mismong kaluluwa at diwa ng pamantasan ang pinaka-“pundamental” sa lahat ng usapin.

2.    Ikalawa, pangunahing matatamaan ng tuition fee increases ang mga mag-aaral sa Bracket D na kabilang sa mga pamilyang nasa panggitna at mababang pang-ekonomiyang kalagayan.

Ipinagbabayad na ang P300./yunit ang mga pamilyang kabilang sa bagong Bracket D na nabubuhay sa bingit ng karukhaan sapagkat kumikita lamang ng P80,000 – hanggang P130,000. bawat taon.  Sa lumang STFAP ay nabibigyan pa sila ng buong subsidyo sa matrikula.  Hindi ito reasonable ni makatarungan.  Marami sa mga empleyado at guro sa UP ay kumikita lamang ng P130,000 o mas mababa pa bawat taon at alam natin kung gaano kahirap magbadyet sa ganitong kaliit na sahod kahit nga may study privilege ang kanilang mga anak sa nakakapasok sa UP.

 

3.    Ikatlo, Binubuwag ng paglikha ng isang espesyal na Bracket A na magbabayad na ng buong halaga ng edukasyon

4.    P1,500/yunit) ang karapatan ng bawat mag-aaral ng UP na tumatanggap ng subsidyo mula sa estado anupaman ang kanyang katayuang panlipunan.

 

Mabubuksan sa ganitong paraan ang posibilidad ng pagpaparami ng bilang ng mga nagbabayad ng buong halaga ng edukasyon kasabay ng pagpapakaunti ng mga tumatanggap ng subsidyo upang mamaksimisa ng  administrasyon ang kikitain mula sa STFAP.  Sa ganitong istratehiya ay hayagang isinusulong ng adminstrasyon ang sagadsarang komersyalisasyon ng edukasyon at ang tuluyan nang pagpanaw ng “iskolar ng bayan”.  Para sa maraming mga guro ng mga Iskolar ng bayan, mawawala  na ang dahilan para sa kanilang patuloy na pagsasakripisyo bilang mga guro ng UP.  Mainam na magturo na lang sila sa ibang mga unibersidad na may mas matataas na sahod kung ganito rin lang.

ALTERNATIBO NG MAPAGPALAYANG EDUKASYON

 

          Nais kong samantalahin ang pagkakataong ito upang balangkasin ang ating adhikain para sa isang mapagpalayang edukasyon sa U.P..

          Ang mapagpalayang edukasyon na tatak ng U.P. ang siyang susi sa pagiging haligi nito sa mga intelektwal at mga lider ng bansa.  Tunay na malaki ang papel ng U.P. sa paghubog at pagsanay sa maraming lider, intelektwal, at propesyonal.  Ang edukasyong mapagpalaya ay nakabatay at nilalaman ng peprspektibang liberal at progresibo.

          Sa anumang larangan, ang ating bansa ay lalong titibay sa pamamamagitan ng mga alumni na mulat, may makabayang paninindigan at may sapat na kahandaang intelektwal, teknikal at kultural.  Behikulo ang unibersidad para sa pagmumulat ng mamamayan para sa pang-ekonomiko at pampulitikang partisipasyon nila sa di mapipigilang pagbabago ng lipunan.  Ipinagkakapuri ng edukasyon sa U.P. na magagamit ito hindi lamang para sa sariling career at kabuhayan ng mga nagtapos dito kundi para sa higit pang pagsulong ng sambayanan sa kanilang adhikain na itayo ang isang lipunan na may pambansang kasarinlan, demokrasya at katarungan.

 

Hayaan niyo rin akong bigyan ng pagsusuma at balangkasin ang ilang isyu na kinakaharap ng ating mahal na pamantasan, at sa harap din ng rumaragasang pampulitikal at pangkabuhayang krisis ng ating

 

 

bansa kung saan ay kilalang kaakibat ang ating pamantasan.  Halos sampung buwan na lang at ipagdiriwang ang Sentenyal ng U.P. nating mahal.  Ngunit, bakit ang U.P. natin ay nagiging napaka-mahal?

 

Nais ngayon ng pamahalaan ng iwasan ang responsibilidad nitong tugunan ang mga pangangailang pang-edukasyon at pangkalusugan ng mamamayan.  Nararapat isaisip na ang komersyalisasyon ay hindi lamang nangangahulugan ng tuwirang pagbebenta ng mga institusyon pang-edukasyon sa mga negosyante kundi pangunahing nangangahulugan ng unti-unting pagbibitiw ng pamahalaan ng pakikilahok nito sa isang sector o gawaing serbisyon publiko.  Nagaganap ang pagsasapribado ng isang institusyon ng estado kapag unti-unti na itong binabawasan ang subsidyo.  Sa gayon, saklaw ng konseptong ito ang pagsasapribado ng mga serbisyo sa loob ng pamantasan.  Pagsasapribado rin ang unti-unting pagtaas ng matrikula upang maipasan na sa mag-aaral ang buong gastos ng kanyang edukasyon.  Kasama na rin dito ang pagpapaupa ng malalawak na lupain at pagmamay-ari ng Unibersidad sa pribadong sector para sa mga gawaing komersyal.  Maituturing na bahagi ng patakaran ng pagsasapribado ang lahat ng mga plano ng mga institusyong pang-akademiko na nakatuon sa sinasabing “pagtindig sa sarili” ng mga ito.  Malinaw na hindi lamang pinagsisikapan ng mga state colleges and universities na madagdagan ang natatanggap nilang subsidyo sa pamahalaan.  Sa pamamagitan ng pagpasok sa mga negosyo, ang tunay na pinatutunguhan ng lahat nito ay mapalitan ng kikitain mula sa negosyo ang subsidyo ng pamahalaan dahil sa papaliit nang papaliit na subsidyo pasa sa U.P. at mga State Universities and Colleges (SUCs).

 

Hindi lingid sa ating kaalaman na malaki ang papel na ginampanan ng mga institusyong pang-edukasyon katulad ng U.P. sa pagpapanatili ng sistemang ito.  Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagpapasailalim ng mga institusyong pang-edukasyon sa lohika ng globalisasyon at pribatisasyon ay lalong natutugma ang mga ito sa pangangailangan ng mga pandaigdigang ekonomiya at sumasagka sa pang-unlad ng ekonomiya at pulitika ng Pilipinas.

 

          Bilang isa sa mga pangunahing institusyong pang-edukasyon sa Pilipinas, kailangang itaguyod ng komunidad ng U.P. ang nararapat lamang na mas mataas na subsidyo para sa edukasyon ng mamamayan.  Kailangan ipagtanggol ang pagpapanatili ng awtomatikong subsidyo para sa lahat ng iskolar ng bayan at idaan sa isang rebyu ang patakaran sa pagtanggap na mag-aaral upang maiwaksi na ang kasaysayang elitista ng UP at tunay itong magsilbi sa pangangailangan ng nakararaming mga anak ng uring anakpawis sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa at mangingisda sa ating bansa.  Dapat baguhin ang mga programang kurikular hindi upang higit na maiangkop ang mga ito sa pangangailangan ng mga dambuhalang monopolistang mamumuhunan kundi upang matugunan ang mga tunay na pangangailangan ng nakararaming mamamayang Pilipino.

          Makatarungan lamang na ipaglaban ang mga karapatan at kagalingan ng buong komunidad ng U.P. na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, manggagawa, kawani at residente.  Hindi dapat pahintulutan ang pambubusabos ng ninuman sa administrasyon ng Unibersidad ang alinmang kabahagi ng komunidad ng UP, maging propesos, o residente.  Upang makamit ito, dapat buwagin ang magkakaugnay na kalakarang korporatista at sistemang patron na umiiral sa Unibersidad upang mas lalaong maisabuhay ang diwa ng demoratikong pamamalakad at maitaguyod ang pamumunong may pananagutan.  Maaaring isama ang ilang probisyon kaugnay nito sa U.P. Charter.

 

 

PANLIPUNANG KRITISISMO’

          Kailangan lalong lumakas at lumaganap ang alternatibong tradisyong pang-intelektwal ng U.P. na makapagbubuo ng isang malalim at malawakang kritisismo sa umiiral nakalakarang panlipunan upang mabago ito para sa kapananan ng higit na nakararaming Pilipino.  Imbes na maging mga tagapayo ng IMF at ng mga mayayamang pulitiko, maaaring magkaroon ng makabuluhang papel ang mga propesor at mga intelektwal na ibinubunga ng Unibersidad ng  pagtataguyod at pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon at isang makabago at mas makataong lipunan bilang alternatibo.  Kailangan ialay ng UP ang yamang talino ng tinataglay nito sa pagkamit ng tunay na pag-unlad na makatao sa hinaharap para sa buong bansa.  Nakasalalay ang ating pag-asaw sa hinaharap sa paniniwalang maaaring mabago ang umiiral tungo sa isang mas makatarungan at mas makataong lipunan.

          Ang isa pang dapat bigyan ng pansin ng ating Unibersidad ay ang papel nito hinggil sa pagpapalakas ng mga people’s organizations na gaya ng mga samahang magbubukid at unyon ng mangagawa, katutubo at mangingisda.  Ang layunin ay upang baliin ang sirkulo ng

powerlessness at bigyan ng pagkakataon ang mga nasa gilid ng kapangyarihan sa ating lipunan.  Ito ang dapat na maging takbo ng Programang Pahinungod at National Service Training Program (NSTP).

          Kung tutuusin, ang pinakamabisang pormula para tumibay nang husto ang demokrasya ng taumbayan ay isang programang pangkabuhayan at pampulitika na nagtataglay ng mga radikal na repormang panlipunan para sa pakinabang ng mga maliliit.  Dito dapat pumasok ang papel ng U.P. para sa edukasyon at empowerment ng mga anak ng mga dukha sa sambayanan, at empowerment sa mga samahang magbubukid ang manggagawa.  At dapat lamang ay magsimula ang empowerment na ito sa mga organisasyon sa loob ng Pamantasan.

          Ang edukasyong demokratiko, makalipunan, makatao at makabayan ay nagsisimula sa pagkilalang tayong lahat ay tao, sa pagkilala na tayong lahat ay Pilipino.  Magtaguyod tayo ng edukasyong mapagpalaya, makatao’t makatarungan at para sa interes ng nakararaming api sa ating bayan.  Magtiwala tayo sa kanilang mulat na lakas at organisasyon.

 

          Bilang pagtatapos, nais kong amyendahan ang ilang titik at hiramin ang himig sa “U.P. Naming Mahal” at palitan ng mga salita na sa palagay ko. Ay naayon sa ating panahon:

 

                   Ang U.P. Nating Mahal

                   Nalalapit ang kanyang Sentenyal

                   Bilang Pamantasan at Pampublikong Ospital,

                   Sa panahon ng Globalisasyon at Dayuhang Kapital

                   Kung walang Cost-Effectiveness

                   Kaltas ang Subsidyo, asa na lang sa PDAF at SARO

                   U.P. Nating Nagiging Mahal

                   Dahil Pamantasa’y Naghihirap

                   Tuition, Lab, Miscellaneous fee ating i-adjust

                   Pagkat di  rin magtataas ng subsidyo

                   Sa tinig ng nakararami

                   Sanay huwag tayo magbingi-bingihan.

          Binabati ko muli ang lahat, at gamitin sana nating mabuti ang mapagpalayang edukasyon ng U.P. upang makapagsilbi sa nakararami.

 

          Sa Sentenyal ng U.P., itanong natin:  Para kanino nga ba ang University ng Pilipinas?

          Ipaglaban natin ang U.P. bilang Unibersidad ng mamamayan, at para sa mamamayan!

 

The date posted here is due to our website rebuild, it does not reflect the original date this article was posted. This article was originally posted in Yonip in Feb 20th 2007

 

 

UPPIbanner

To view more articles in this category click on the Image.

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.