Apr 142013
 

Introduction:

    The following essay – in English or Pilipino – express the Filipino youth’s hopes for the 2010 elections where all of the writers are first-time voters. The essays strip bare the oligarchic character of the Philippines which is only democratic in form but not in substance.


 

GAMAO, Chastine April P.

2006-18288

BA Development Studies

Social Science 120

Professor Roland Simbulan

 

ONLI IN DA PHILIPPINES:

Ang Batas ng Oligarkiya at 2010 Halalang Pambansa

 

            Malimit binabanggit sa mga babasahin sa bansa, mapa-dyaryo, peryodiko, artikulo o komentaryo man ito, na ang Pilipinas ay mayroong uri ng pulitika na tinatawag na “dirty politics”. Ito ang madalas na panuring sa isang klase ng pamamahala na batbat ng korapsiyon na buhat sa mga politikong nakaluklok sa puwesto na sinasabing may kaniya-kaniyang pansariling interes na isinusulong. Ang mga taumbayang nagbigay-kapangyarihan sa mga ito, sa kabilang banda, ang tuwirang nakararanas ng hindi magagandang epekto ng ganoong tipo ng panunungkulan, isa na rito ang chronic poverty o talamak na kahirapang hindi agarang masolusyunan. Sa isang bansang kabilang sa Third Worldgaya ng Pilipinas, hindi maikukubli ang kalagayang mayroon ang ekonomiya— atrasado, dependyente sa ibang bansa (lalong-lalo na sa Estados Unidos) at patuloy na naghihikahos. Nananatiling mala-pyudal at mala-kolonyal ang katangiang umiiral sa buong bansa, dahil hindi man direkta, malaki ang impluwensya ng dayuhan sa mga desisyong pamamahala ng mga pulitikong nasa posisyon. Bunsod nito, paano nga ba makakamtam ng bawat tao sa kapuluan ang pag-unlad at ng buong estado ang tunay na pagbabagong inaasam kung mananatiling tali sa isang sistemang pinapatakbo lamang ng iilang taong may mga pansariling interes?

            Taong 1946 ang nakasaad sa mga libro nang igawad ang kalayaan sa Pilipinas mula sa bansang Estados Unidos. Ngunit, tunay nga bang nakalaya na ang bansang Pinoy sa dayuhang bansang ito? Ang sagot ay pilit binabaluktot at binabago ng nananaig na sistemang mayroon ang bansa – ang rule of the oligarchy, kung saan pamumuno lamang ito nang iilan, ang mga naghaharing-uri. Patuloy nitong nililihis ang kamalayan ng mga tao sa pineprenteng di umano’y sinasagawing demokrasiya ng bayan. Sa katunayan, malakas ang kapangyarihang taglay ng olikarkiya sa bansa sa kadahilanang suportado ang mga ito ng mga imperyalistang dayuhan, isa na rito ang Amerika, na nagbibigay-pagkakataon sa kanilang makapagbuo ng mga kartel at monopolyo. Dito rin nila nababali ang natural na kumpetisyon ng merkado kung saan mas papabor sa kanila ang kalakaran at sila mismo ang makatatamo ng pribilehiyong gamitin ang mga komisyong nagmumula sa pampublikong puhunan. Ang mga oligarkiyang ito ay kabilang din sa tinatawag na eliteseconomic, political at military, kung saan sila ang natatanging bahagi ng populasyon na nangingibabaw at sumasaklaw sa mayorya’t nagagawang kontrolin ito. Magkatuwang ang mga dayuhan, Kano sa partikular at ang mga mambabatas na hirang ng bansa sa paggawa ng mga polisiyang papabor lamang sa kanilang uri. Ang mga polisiya, panukala at batas na kung malalimang susuriin ay magpapanatili ng pagkalugmok ng bansa dahil sa tila’y kadenang nakakabit sa Pilipinas na nakaangkla sa dayuhang interes, na siya namang sinusuhayan ng mga institusyong gaya ng IMF-World Bank, APEC, GATT, WTO, at iba pa. Dahil sa pagiging neo-kolonyal ng Pilipinas sa bansang Amerika, mistulang anino na ang sariling bansa ng bansang dayuhan.

            Isang manipestasyon na marahil ang mga batas na napatupad na umaayon sa dayuhang interes ang gaya ng Bell Trade Act at ang Visiting Forces Agreement. Ito ang mga klase ng batas na binibigyang-pantay na karapatan sa kung anumang paggamit ng likas na yaman o lakas-pantao ang mga dayuhan sa mismong mga Pilipino, sa sarili nitong bansa. Nagdudulot ito ng higit na takot hindi lang sa kalikasan bagkus pati sa mga mamamayan. Sa pagpapatingkad ng mga ganitong uri ng polisiya, naiiwan tuloy ang salalayan ng ekonomiya ng bansa, ang karapat-dapat ding pagtuunan ng pansin—ang sektor ng agrikultura. Kung ang mga oligarkiya ay nagmula sa bilang ng mga economic elite na tinatawag, marahil ang kanilang gawin at ipasang batas ay yaong mga tipong magpapaunlad sa kanilang mga pinag-aariang korporasyon o enterprise. Ang interes nila ay hindi lamang mapatakbo nang maayos ang kani-kanilang korporasyon, kung hindi ang mas pag-aasam sa mas malaking tubo o balik ng pera sa kanila. Ang tunay na nakaligtaan ay ang mabigyang ng isang sustainable industrial program ang sektor na pangunahing nagpapatakbo sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi maaaring mapag-iwanang atrasado at hindi nabibigyan ng karampatang pansin ang lagay ng agrikultura dahil mayorya sa porsyento ng mga mamamayan ay mga magsasaka sa kanayunan. Kapag iniwan ang sektor ng agrikultura, babagsak ang ekonomiya ng bansa.

            Matagal na ang tinakbo ng panahon ngunit nananatili pa ring magulo sa mundo ng pulitika. Ang mga political elites hindi lamang sa Estados Unidos, kundi maging sa Pilipinas ang isa sa mga maimpluwensyang panig pagdating sa pamamalakad sa bansa. Ang hinahawakan nilang tatlong sangay ng gobyerno— lehislatibo, ehekutibo at hudikatura, ay mistulang naaabuso. Kung titingnan sa kasalukuyang administrasyon, tunay ngang naaabuso ang kapangyarihan dahil tuluyang pinapasok ang pagnenegosyo sa pagpapatakbo at pamamahala ng bansa—Burukrata Kapitalismo. Nagagawa itong posible dahil mismo sa mga taong nakaupo sa pweso, sila ang mga burukrata’t kapitalistang “traditional politicians” at “traditional bureaucrats” na nagsusulong sa mga interes nilang sagadsagaran sa ganid. Kung susuriin, ang kapangyarihan ay nakokonsentra lamang sa iilang kamay ng mga naghaharing uri na mga panginoong maylupa at mga malalaking burgesya-komprador din sa kasaysayan. Hindi nga naman talaga nakapagtataka na gawing mistulang negosyo ang pamamahala kung ganoon ang sitwasyon. Hindi rin nakagugulat kung parehas ang mababa at mataas na kapulungan ay pinagdodominahan ng mga ganitong uri ng tao. Ngunit, sa kabila ng lahat ng kanilang pagpapahirap sa mga mamamayan, sa lahat ng paglikha at pagpasa nila ng mga batas na anti-masa at papabor sa mga kapitalista’t imperyalista, patuloy pa rin sila sa pagsulong ng kanilang mga interes at isa na nga rito ang malawakang tinututulan ng taumbayan— ang inihahain na balak ng administrasyong Macapagal-Arroyo na Charter Change. Ito ang nagtutulak sa publiko na pababain at tuluyan nang patalsikin si Arroyo sa katungkulan.

            Si Macapagal-Arroyo ay isa sa makaraming pulitiko na mahirap matanggal sa puwesto. Ito ay sa kadahilanang pag-iral ng tinatawag na mga political dynasty o political clan. Ito ang consentrasyon sa pulitikal na kapangyarihan sa isang ispesipikong lugar. Nariyan ang mga Josons ng Nueva Ecija, Singson ng Ilocos Sur, Garcia at Osmena ng Cebu at marami pang iba. Hindi magiging negatibo ang pagtingin sa isang political dynasty kung ang uri ng pamumuno ay maganda at maayos. Subalit, hindi nagiging kaaya-aya ang mga political dynasty at clan dahil sa ginagamit itong makinarya ng mga namumuno upang mas maisulong ang kanilang sari-sariling interes kahit na makompromiso ang kabutihan ng kalagayan ng kanilang nasasakupan. Kung minsan pa ay nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga makapangyarihang pulitiko sa puwesto upang mapanatili nila ang kanilang lakas sa isang lugar. Kaya naman ang resulta ay ang tinatawag na elite democracy. Taglay lamang ng mga may-kaya o ng burgesya at ng mga may mataas na estado sa buhay ang pagkakataong lumahok at mamuno sa isang partikular na lugar. Katulad ng political dynasty, laganap din ang pamumuno ng mga crony ng pinaniniwalaang makapangyarihan hanggang sa kasalukuyan gaya na lamang sa kaso ng Marcoses. Ang kroniyismo ay madalas ding iugnay sa “patronage politics” na sinasabi. Pinatutungkulan nito ang laganap na “padrino system” sa sistema ng Pilipinas. Isang kasanayan ng lipunan kung saan nagbibigay-pribilehiyo ang tao na madaliang makapasok sa panunungkulan sa pamamagitan ng mga koneksyon. Ang kalakarang ito ang bumubuhay sa gawing rent-seeking, kung saan mistulang nagbabayad ng utang na loob ang isang pulitiko sa taong may kinalaman sa kanyang matagumpay na pagkakaluklok sa puwesto.

            Sa ngayon, hindi pa rin naaalis sa lipunang Pilipino ang relasyong pyudal at mala-pyudal. Kitang-kita ito sa relasyon ng masa sa mga taong nasa kapangyarihan. Sa isang pagbibigay argumento ni Mills ukol sa pluralist model of the American Society na nagsasabing ang kapangyarihan umano ay nagmumula sa mayorya, sa publiko at ito ay sa pamamaraan ng eleksyon halimbawa, at ang mga taong maihahalal ay susundin ang political will ng mga tao. Kung sa Pilipinas ito titingnan, mayroon ngang proseso ng paghahalal ng tao sa posisyon, ngunit ang mga taong ito ay hindi kailanman magsusulong ng interes ng nakararami. Ang mga pagdedesisyon ng mga nahalal ay hindi kailanman magiging representante ng mga hinaing ng mga taumbayan. Kaya naman, nananatiling huwad ang demokrasya sa bansa. Walang tunay na demokrasya sa Pilipinas.

            Pipilitin ba nating demokratiko pa ang Pilipinas? O tatanggapin na lamang nating nasa kumunoy tayo ng mga oligarkiyang namumuno na kung hindi mapipigila’y maaari nating ikalunod? Maaaring ihambing iyan sa halalan. Pilit pinaniniwala sa mga Pilipino na ang bansa nila’y demokratiko. Sa pagboto, aakalain mong nasagawa mo ang karapatan mo sa isang demokratikong bansa ngunit sa katotohana’y namili ka lang ng taong mailuluklok na una ng pinagpilian ng mga naghaharing-uri o mas malala, ng mga dayuhan. Patas o hindi?

            Ngayong papalapit na ang pambansang halalan sa taong 2010, samu’t saring pakulo na ang ginagawa ng mga nag-aasam para sa iba’t ibang posisyon. Nariyan ang mga makaraming infomercial na layong magpabango sa kaniya-kaniyang pangalan. Marahil sa isang ordinaryong Pilipino, kung hindi man malalimang susuriin, papatok kahit anumang palabas ang kanilang gagawin. Lalong-lalo na ngayong napakalaking bagay ang ginagampanang papel ng media. Pumapalo na rin sa mga sarbey at poll ang mga potential candidates lalong-lalo na sa posisyon ng pagkapangulo. Kahit pa sabihing pinagbabawalan pa ang pag-aanunsiyo, pangangampanya, pamimigay ng polyetos at iba pang porma ng pangangampanya dahil wala pang official filing of candidacy, walang sumusunod. Hayagan ang kabi-kabilaang maagang pangangampanya at kibit-balikat ding namimili ng boto wala pa man ang taong 2010. Hindi natin masisisi ang mga kumakandidato dahil hindi rin naman ito masugpo kahit anumang gawin ng COMELEC sa kadahilanan ding tinatangkilik ito mismo ng tao. Hindi rin naman masisisi ang masang Pilipino dahil sila ang direktang napagsasamantalahan at wala silang ibang pagpipilian kung hindi ang mga pamamaraang makakapagpabuhay sa kanila kada araw na lumipas. Sa kaugnay na usapin, dapat hindi gawing fully automated ang darating na eleksyon sapagkat dapat ikonsidera ang kalakhan ng populasyon na boboto. Marami sa mga kababayang Pilipino ang may hindi sapat na kaalaman patungkol sa paggamit ng mga kompyuter. Isa pang rason, ang Full Automated Elections for 2010 na kanilang hinahain ay magiging lunsaran ng malawak na dayaan dahil mas magiging madalian at mabilisan na lamang ito. Sa isang click sa kompyuter, maaaring dagdagan o bawasan ang boto. Hindi ito malayo sa katotohanan dahil lahat ng klase ng paghahack ngayon sa mga file system ay posible na at nagawa na. Ang mga makikinabang sa ganitong uri ng sistema ay ang mga naghaharing-uri na nasa kapangyarihan, ngunit sila rin ba ay napagsasamantalahan?

 

            Pag-unlad nga ba ng lahat at ng buong bansa o pagsulong ng pansariling interes ng iilan? Iyan ang madalas na katanungan ngunit ang mas importanteng tanong na dapat isaalang-alang ay sa lahat ng ito, sino ang naiiwang pinakabulnerable na sektor o bahagi ng populasyon? Hindi mahirap sagutin ang katanungan dahil ang mayorya o ang masang Pilipino lagi ang nakararanas ng direktang epekto ng mga relasyong hinggil sa pulitika.

Ang sakit ng lipunan ay parang korapsyon, hindi maaalis kung puro reporma lamang ang gagawin. Hindi ito maaalis kung pilit nating iginigiit sa ating mga sarili na walang problema. Dahil meron at itong problemang ito ay mismong ang sistemang umiiral sa bansa—ang pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal nito. Masosolusyunan lamang ang problema kung kolektibong pagpukaw, pag-organisa at pagkilos ang gagawin ng masa, hindi papaloob sa unjust justice bagkus ay isusulong ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Paglilingkod sa sambayanan ang dapat upang tunguhin ang tunay na lipunang pagbabago at hindi ang pagpanig sa status quo. Marapat na isulong ang linyang pambansang demokrasya para sa tunay na mapagpalaya at mapagpasyang pamamahala, para sa sinasabing “government of the people, by the people and for the people”. Ito ay may dapat kilingan at ito ay ang masang-api, ang masang anakpawis.

 

 

The date posted here is due to our website rebuild, it does not reflect the original date this article was posted. This article was originally posted in Yonip in 2010

 

 

To view more articles in this category click on the Image.

To view more articles in this category click on the Image.

   

 

Sorry, the comment form is closed at this time.